habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
pareng joel,
sumusumpa ako sa harap
ng larawan ni gary granada
na ako’y kumpare mong walang sawa
sa pagdinig at pagsasadiwa
ng iyong mga awit at tula
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
ito’y isang sumpa, etram
sa dulo ng iyong patalim
na palagi kong papatulan
ang iyong mga debate’t argumento
mga pilosopiya’t kapilosopohan,
na instrumento sa aking paghahanap
ng aking mga nawawalang pangarap
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
kasamang rizal,
aking isinusumpa sa titis ng marlboro
na hinding-hindi ako mauuta
na umagapay sa pinapanday mong mga katha
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
sumusumpa ako sa pinagtasahan ng lapis
lito,
na ako’y tagahanga
ng iyong mga dibuho, larawan
na sa ating lipuna’y nagsasadula
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
jojo,
ako’y sumusumpa
sa paborito mong ska
na hinding-hindi ko
isisiwalat ang ating sikreto
kahit pa gantimpalaan ako ng palasyo
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
pi’sang rommel, aking isinusumpa
sa harap ng phone booth sa plasa
na dadalhin at gagamitin ko
ang magkatulad nating apelyido
rebulto man ni don severino’y gumuho
 
habang ako’y nabubuhay
at bago ako mamatay.....
ito’y isang sumpa, bangge
sa kaluluwa ni hendrix
na kahit pa sinong gitarista
ang aking makaharap
ang ngilngil pa rin ng iyong gitara
ang lagi kong hanap-hanap
 
kung kaya,
habang ako’y nabubuhay
at kahit ganap nang malamig na bangkay
isang pakiusap, maaari ba?
na inyo ring isumpa
sa harap ng poster ni sid vicious
ang patuloy n’yong pagbasa
sa aking mga tula
kahit ba ako’y isa na lamang alaala
 

unang araw ng taong 1997 / indang, kabite

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents