Ikaw Ang Lahat

ikaw ang aking armas sa pinaniniwalaan kong rebolusyon,
ang (sana’y) ina ng pinakamamahal kong anak,
ang (sana’y) kabiyak na katuwang sa lahat ng panahon
ang pananggalang kung manunuot ang lamig ng ulan,
at ang maasahang balikat kung ako’y umiiyak.

ikaw ang balon ng kataga’t ritmo ng aking mga tula,
ang nagpapatibay sa prinsipyong pinaniniwalaan,
ang kaibigan sa panahon ng kabigua’t tagumpay,
ang kasalo sa isang masaganang pananghalian,
at kasiping sa paghabi ng mga panaginip kung gabi.

ikaw ang kulay, amoy, lasa at musika ng aking buhay.
at kung mawawala ka;
kahit sa hinagap ay mahirap isiping:
black and white ang pinapanood kong telebisyon,
parang manhid ang aking ilong sa samyo ng blue jeans,
matabang ang sabaw ng hinihigop kong sabaw ng sinigang,
at nakikinig sa awit na wala sa tono.

kung magkakaganito rin lang:
maaga akong magagapi sa aking rebolusyon,
mananatili akong binatang ama
at balo.
susumpungin ako ng hika dulot ng lamig,
at magkakasya sa pag-iyak sa di-nalalabhan kong panyo.

kung magkakaganito nga, baka:
kahit pamagat ng tula’y di ko magawa,
at lahat ng teorya’t karanasang maglalahong parang bula.
sino na ang aking kaibigang makakakapit-kamay?
malilipasan akong tiyak ng gutom,
at tuluyan ng papatayin sanhi ng di pagtulog.

02.09.00/indang, cavite

Balik