James Bond 007
(Para kay Pierce Brosnan)

Elib ako sa iyo, Pierce.
Akalain mo ba namang sa dami ng kalaban
lagi nakahanda ang iyong mga special gadget
(at ang dambuhalang budget
ng iyong prodyuser)
upang wakasan ang paghahari ng kasamaan
sa mundo.

Talagang saludo ako sa iyo, Pierce.
Akalain mo ba naman sa edad mong iyan
lagi nakahanda ang tisoy mong sandata
(at ang maimpluwensyang pagnanasa
ng iyong direktor)
upang wakasan ang paghahari ng libido
ng naggagandahan mong mga babae.

Oks ka talaga, Pierce.
Akalain mo ba namang sa kahangalan
ng iyong mga pelikula
(at dikta ng makapangyarihang media)
ay nagagawa mo pa ring tumiba
ng limpak
buhat sa kaipit-ipit naming kusing
upang ibsan ang pagkaburyong
ng tao sa daigdig.

Pierce, rekwes lang,
pwede?
Sa susunod mong sine,
Wag mo na naman uling ipagigiba
ang mamahaling mong BMW
sa helikopter na may mapanilang lagare.
Paano kasi, kawawa naman
ang produkto ng mga dayuhang impe.

Idol na idol pa naman sila ng aming presidente.

ika-19 ng enero, 2000/kalakhang maynila

Balik