kaibigang gitarista
(para kay pareng joel)
 
psst. kaibigang gitarista
paringgan mo naman ako ng kanta,
‘di pa ako inaantok
at ‘di ko rin alam kunsaan pupunta.
 
psst. kaibigang gitarista
paringgan mo naman ako ng kanta,
at sa makabuluhan mong himig
ay sasabayan kita.
 
sabay nating kathain
ang ating pangarap
na buhat sa panaginip
ng malupit nating daigdig
na ang kapanataga’y tuluyan nang ipinagkait.
 
likhain natin ang pinakamagandang awitin
na magpapaalab sa bawat damdamin
ng mga kababayang nahihimbing
sa tinig mo’y sila’y iyong pabangunin.
 
pasayawin natin sila,
paawitin natin sila,
pasipulin natin sila,
papalakpakin natin sila
sa tulong ng matatalim na kwerdas
ng kulay langit mong gitara.
 
psst. kaibigang gitarista
paringgan mo ako ng kanta,
kanta ng pag-ibig,
pag-ibig sa daigdig,
sa daigdig ng panaginip.
 
psst. kaibigang gitarista
paringgan mo ako ng kanta,
‘wag ka agad mapapagod
dahil ‘di pa ako inaantok
at maging libreng pangarap
ay sadyang kayramot.
 
sa makabayan mong melodiya
sasabayan kita.
ika-7 ng oktubre, 1994 / nasugbu, batangas
 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents