kapirasong dugo 
(alay sa mga nanay at tatay)

i. paano binuo?

pingkian ng pawisang katawan
habang tinitiis ang gabing maalinsangan
at nang ang kapirasong dugo
ay tuluyang mabuo.
ito’y bunga ng pagmamahalan
(at kunminsa’y pagbubuntalan)
na may sangkap na indayog ng balakang
at pagsasanib ng likidong hininga
ng nagsusuyuang sinapupunan.
hindi nila inda ang pagod
sa maghapong kayod,
ang tanging nais ng isipan - - -
itong obaryo ay mapunlaan.
 

ii. paghihintay.

siyam na tatlumpung paglubog at pagsikat
nitong haring araw ang ipinaghintay.
inaalagaan, pinaaasiman,
sa bitamina’y sinusuplementuhan.
pinakikiramdaman ang mumunting sikad,
ipinagsulsi ng baru-baruan
para sa nakasasabik na paghalik ng liwanag
sa may bahid lamad pa n’yang katawan.
at sa nakakainip na paghihintay nang pagkalagas
nang nagkaka-edad na pilas ng dahon ng kalendaryo,
ang kapirasong dugo ay naging kumpleto.
hindi lamang dugo - -
may kaluluwa, may laman, may buto.
 

iii. mga pangarap (unang bahagi ng mga "sana")

sana’y maging inhinyero,
kailangang-kailangan ito sa bansang Arabo.
sana’y maging doktor,
para gumamot sa aking alta-presyon.
sana’y maging pulitiko,
pinuno ng nasyon.
sana’y maging abugado,
eksperto sa pagnunotaryo.
sana’y maging pulis,
sikat at laging laman ng diyaryo.
sana’y matupad itong matataas na pangarap
dahil ayaw na kung saan lang bumagsak
itong magiging paboritong anak.
ayaw maging magbubukid, na bubungkal sa lupa.
ayaw maging karpintero, na sa mga pagawaa’y bubuo.
ayaw maging pabrikante o obrero
na laging pawisan at mabaho.
mga manggagawang hindi na sikat
ay singliit pa ng langgam sa lansangan,
na twina’y maraming ipinaglalaban
kahit kapalit ay hungkag na tiyan,
sa mga kasagutang walang katiyakan.
 

iv. ang pagdatal.

sumapit na ang oras na pinakaaasam.
paghihirapan, pagtititisan,
iiri, halos matuyuan ng laway.
habang ang nakapantalo’y nakapamewang,
tambak na ang beha sa paghihintay.
siya man ay parang mapapatai rin,
kinakabaha’t pinagpapawisan ng butil-butil.
panalangin niya sana ay normal
at huwag biyakin ang tiyan
dahil takot siyang magastusan.
operasyon . . .
lagitikan ng gunting na pagulong-gulong
sa pawisang guwantes na panay ang sulong.
walang anestiyang sa kanya’y tumulong.
heto’t hawak na ang sinulid at karayom.
hay! salamat. sa wakas ay nalagpasan
ang makipot na sipit-sipitan
nitong animo’y dagang bagong silang.
 

v. pag-aalaga (ikalawang bahagi ng mga "sana")

sana’y ang pagkakita ng liwanag
ay maging tanglaw sa karimlan
sana’y ang unang uha
ay mga salitang matalinghaga
at sigaw ng katotohanan.
sana’y ang pinutol na pusod
na inilagay sa kisame
ay mag-akyat ng maraming plake.
sana’y ang inunan
ay maging unan ng bayan.
sana’y ang munting hininga,
sana’y ang pinahid na lamad at dugo
ay handang ibuwis upang bansa’y mabuo.
sana’y ang donselya pang isipan
na tulad ng matabang punlaan
ay hindi mahasikan
nitong binhi ng kasamaan
at maging ugat ng kabuktutan.
 
ika-26 ng mayo 1994 / nasugbu, batangas
 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents