kitang maggala
(para kina tsito at den-den)
paano mo tatahakin ang isang gabing naligaw?
kayhirap maglakbay kung ika’y walang kasabay.
magsisindi ba ng sigarilyo o iinom ng tubig?
para sa gayo’y kumalma ang ‘di mapakaling bibig.
 
pagugulungin ang natirang perlas kahit ito’y nadurog
at papuputiin ko ang alero sa tulong ng usok
patutuluyin sa utak at katawang-lupang inaantok
para sa gayo’y umabot ako sa umagang nasunog.
 
paano mo sasalubungin ang isang pekeng madaling-araw?
kay hirap sumagupa kung ika’y natutuyuan ng laway.
magda-jogging ba sa plaza o maglilinis ng bahay?
para sa gayo’y kumalma ang pangang nangangatal.
 
ay siya,
kita nang maggala.....
 
ipinta natin ang lahat ng kulay na maisip.
pakyawin na natin ang lahat ng libreng panaginip.
dinggin natin ang huni ng puyat na kuliglig.
‘wag lang magugulat sa umaalong sahig.
 
‘lika na,
kita nang maggala
sa isang malubak at panandaliang ligaya.
 
at humalik na sa bubong ang balisang araw.....
 
ihanda na ang sikmura sa agahang walang laway
ihanda na ang matang tatakpan ng antipara
ihanda na ang bulsang lalamnan ng problema
ihanda na ang katauhang malao’y ‘di mo na kilala
 

ika-3 ng enero, 1999 / indang, kabite

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents