korning kausap

kay dilim ng kahapon
nangungutya ang pamimighati
ayaw lisanin ng kabiguan
ang puso kong pagod sa dalamhati
 
‘di sinasadyang ika’y nakilala
at mandi’y kumatok ang pag-asa
nagkaroon ng kausap
ang damdamin kong pagal
 
naaliw akong saglit
ngunit pait pa rin ang pumalit
dahil natatakot akong igiit
ang umuusbong kong pag-ibig
 
kausap lang naman talaga ang turing ko sa ‘yo
subalit ito’y isang pagbabalatkayo
sa naduruwag kong pagsuyo
 
‘di na nga yata kausap lamang
ang nais at nararamdaman
kundi pagkagiliw sa isang minamahal
nitong dibdib ko’y nais isigaw
 
kaya’t marapat na sigurong tigilan
itong aking kahibangan
 
ipagpaumanhin mong ‘di na kita kausapin
o kaya’y tawagan man lang
dahil naririyan ang nagdudumilat na katotohanan
na ako’y ‘di pa ganap na malaya
sa aking mga kakornihan
 

1995 / lungsod ng heneral santos

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents