kuwentong patay-sindi
panay ang giling ng murang katawan,
sa tiyempo ng tugtog na sinasaliwan
ng malamyos na galaw
ng maliit na bewang
nitong babaeng manibalang.
at pagdating sa korus
ng kantang iniindakan
sabay titingin ng malagkit
sa mga manonood
na halos matuyuan ng laway
sa pag-aantay nang tuluyang paghuhubad
ng seksing mananayaw.
 
sigawan, palakpakan at sipol
sa ibabaw nang nagkalat na suka
at kayat ng malansang tamod.
lasing at malagihay na
dahil sa serbesang nainom.
ano ba ang ginagawa
ng mga kalalakihan sa loob,
nagrerelaks ba
o nagpapalipas ng libog?
 
magteteybol.
o-order ng ladies drink
para mawili ang babaeng hubo.
konting tsansing, konting lamas
at konting hipo,
nang sa gayo’y makuntento
at masulit ang ibinayad na piso.
order pa, isang round pa
hanggang sa malango.
 
kanya-kanyang drama,
mga gasgas na drama.
"binata ako at walang asawa,
manedyer pa sa isang malaking kumpanya."
"ako nama’y mayaman at maraming pera."
"sir, ‘wag n’yo naman akong bastusin,
napilitan lang ako sa aking trabaho
dahil sa bahay ay maraming gastusin."
"labandera si inay,
lasenggo at tambay si itay
kaya sarili kong puri’y aking hinalay."
 
ay, ewan!
‘yan talagang buhay na panggabi
kahit ano pang paliwanag,
kahit ano pang katwiran,
talagang talamak na ang sakit ng lipunan
na pagba-bargain
at buy and sell ng sariwang laman.
 
pulang ilaw na patay-sindi.....
mababang lipad na kalapati.....

 

1993 / dasmariņas, kabite
 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents