lab istori ninyo
(para kina mel at may)
 
anong sabi mo? nagboksing na naman kayo kagabi.
kaya pala ‘yang mata mo ay parang pinutakti.
dumami na naman ang inyong plato’t kubyertos,
bakit naman dinurog n’yo pa ang telebisyon?
 
pambihira ka kasi cristina, sabi nang magpasensya
anong magagawa mo kung ika’y tumataba na?
nagsasaya lang si vicente, nanonood ng hubo,
gusto lang siguro ng bagong ulam at rekado.
 
bilin ko sa ‘yo’y matulog ka na, magpa-inin ng galit
sukat ba namang pinagderbi mo ang telepono’t sahig
ayun, sumabog ang elektroniko sa sahig mong bagong lampaso,
baka itong pira-pirasong cellphone, maipakain sa ‘yo.
 
o, anong napala n’yong dalawa, pagkatapos ng sabong?
isang pugad na hinalo, mga appliances na durog,
inubeng katawan, ‘di-masuklay na buhok, pingkit na mata,
silyang ‘di maupuan, sinturong nagdugo at may pobyang bata.
 
‘nong pakialam ko, kahit ba magpatayan kayo,
kahit ba ang pinanday n’yong bahay, sunugin n’yo.
kahit ba lahat ng seramiko, imultiplay ninyo,
‘wag na lang idamay ang mga bata na tinatakot n’yo.
 
bakit kayo ganyan, halos mga kaluluwa’y durugin?
‘mantalang noong una kulang na lang kayo’y langgamin.
bakit kayo ganyan, ayaw kayong magbigayan?
‘mantalang noong una, nakakauta ang inyong lambingan.
 
kung ako sa inyo, magsaulian na kayo ng singsing,
tutal wala pa naman kayong kotseng hahatiin.
‘di ba’t mas masarap no’ng iisa ang inyong nanay at tatay,
‘di tulad ngayon, pati magulang ng asawa’y inyong kasambahay.

Ika-23 ng hunyo, 1995 / lungsod ng heneral santos

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents