luwalhati sa kasilyas
- bistek na kay raming sibuyas,
- ginataang langka
- at sinampalukang tilapya
- ang tanghalian mo kanina.
- inihaw na mais at gulamang malamig
- ang iyong mineryenda.
- kumayat ang laway mo sa hapunan
- na pritong manok at adobong sitaw,
- may pamutat ka pang nilagang kamote,
- bagoong at manggang hilaw.
- kinumpleto mo ang iyong busog
- sa pamamagitan ng malamig na coke.
- matiwasay kang natulog
- matapos manigarilyo
- (nalimutan mo nang magsipilyo).
- at sa yong kahimbingan
- kumalam ang iyong tiyan.
- wariy gustong mag-unahan
- ng mga hindi natunaw na ulam
- sa yong titibuk-tibok na sasapnan.
- dagli kang naalimpungatan
- pero kagyat ka pang natigilan
- nang iyong maisipan
- na kung pwede kayang
- sa tulong ng kamote ay i-konbert na lamang
- ang by-product ng yong kinain
- sa isang malakulog na tunog
- o kaya naman ay
- sa isang hanging kinulob.
- ngunit talagang emerdyensi
- ang tawag ng silid-kapanatagan
- sa kalaliman ng gabi.
- kung kayat patakbo (habang naghuhubo)
- at simultanyos mong ini-on ang ilaw,
- binuksan ang gripo
- at pasalampak kang umupo
- sa puting-puti mong trono.
- nasimulan mo ang yong naiibang panganganak.
- tiim-bagang.
- kuyom ang isang kamao.
- ang isang kamay ay nakakapit sa gripo.
- puno ng konsentrasyon ang isip.
- tulo ang pawis na butil-butil,
- habang ang hininga ay pinipigil.
- pikit mata kang tumingkayad
- nang bahagyang nakalilis ang salawal
- sa trono mong puting-puti ang kulay.
- at bumalusbos
- ang unang hagunot ng daluyong,
- ang unang hagupit ng unos.
- tuloy-tuloy.
- una ang sabaw,
- sumunod ang isdang natunaw.
- naggitgitan ang coke at gulaman.
- sandaling napatid
- ang parang kay habang lubid.
- sa yong harapan ay sumagitsit
- (na halos sumala sa labi ng yong trono)
- ang likidong dilaw na kay init.
- at noon ka nagmulat,
- noon ka nagulat
- dahil naguumpisa pa lamang pala ang yong paghihirap.
- konsentrasyon ulit.
- pero talagang di mo mapilit.
- ang hirap na nadaramay saglit mong nilimot.
- pinaglaro ang tingin sa tabong nilulumot.
- inilipat mo ang yong mga mata sa sahig,
- at pansamantala kang nalibang
- sa butiki at ipis na nagtutunggalian.
- nagtaka ka pa at di sila magkahulihan.
- yun palay ang butiking kalaban
- ng ipis na matapang
- ay isang repleksyon lamang
- sa tubig sa sahig
- buhat sa kisameng inaagiw.
- aba! at heto na naman ang pangamba.
- heto at paudlot-udlot na naman sila.
- "bakit ba ang hirap ninyong iluwal?"
- isa pang matinding konsentrasyon.
- pikit mata. tiim bagang
- todo-unat ang katawan.
- kuyom ang dalawang kamao,
- at isang hapit na hapit na buwelo
- para sa isang marubdob na dag-is
- ang mapayapang nagpababa
- sa bagoong, mangga at mais,
- sa karne at sitaw.
- kasabay rin nang paggitaw
- ng kay lapot na pawis.
- isang mahabang --- ahhhhh.....
- tabo, sabon at di madiriing kamay
- ang sumunod na naging bida.
- at
- sa muling pagbabalik at paglatag
- ng kapapanganak mong sasapnan
- sa na-miss mong kama;
- at bago mo ipinikit ang yong mga mata
- ay iyong napaglimi
- ang sarap-hirap
- (o hirap-sarap?)
- na dulot ng masarap na pagkain sa hapag
- at mapagkandiling inodoro sa kasilyas.
- Ika-22 ng abril, 1996 / indang, kabite
- Balik sa Main Page l Balik sa Kontents