Madaling Araw

Madaling araw na. Dapat sana’y kaulayaw ko na ang aking paboritong panaginip habang kumakayat ang aking laway sa balikat ng aking kasiping. Pero ano ito’t nakikipagbuno ako sa isang tulang walang katiyakan? Panay ang higop sa tasa ng kapeng di kursunada ng aking panlasa. Panay ang hitit ng mumurahing sigarilyo.

Madaling araw na. Dapat sana’y malayo na ang nalalakbay ng aking pangarap habang nakapamaluktot sa loob ng malong kong maiksi ang sukat para sa akin. Pero ano ito’t nakikipaghuntahan ako sa mga kaisipang di ko makausap? Panay ang hugot ng hininga sa dibdib kong sinakop na ng plema at pangamba. Panay ang tighim nang wala namang pinagpaparamdaman.

Madaling araw na. Dapat sana’y naghahanda na ako para sa nalalapit na pag-iinat at paghihikab habang nagpapainin sa ginusot kong kobre kama ng nagdaang gabi. Pero ano ito’t naglilibang ako sa huling higop ng kapeng di kursunada ng aking panlasa? Sige ang hitit ng mumurahing sigarilyo. Walang patlang ang buntong hininga at tighim na wari’y nagpapapansin sa umagang parang hindi rin naman darating.

Maya-maya pa’y di ko na tiyak kung madaling araw pa rin ba o muling nagbalik ang gabi. Dadalawin kaya ako ng maramot na paghihikab? Kakalabitin kaya ako ng pagkangalay ng likod? Tutuksuhin kaya ako ng paglalapat ng talukap ng aking mga mata? O kaya’y kukutyain ng katotohanang - niroromantisa ko lamang ang aking pagiging manunulat?

Susubukan ko muling lagyan ng lohika ang lahat ng ito:

Madaling araw na. Dapat sana’y inaawit na ng aking paghihilik ang pagkaunawa kong may nagdaang gabi at kailangang gumising para ipagluto ng mababaon ang aking anak.

Pero ano ito’t nakikipagbuno ako sa mga kaisipang  naghahamon ng mga kababalaghan? Panay ang pagpapatintero ng adbenturismo at panghahamit sa napuyat ko ng kompyuter. Panay ang pag-aasam na bubulagain ako ng mga di-inaasahang ngayo’y gustong asahan.

Sumulpot na ang di-dapat sumulpot. Magpakita na ang di-dapat magpakita. Ngayong ako’y nag-iisa at walang puwang ang takot. Mapademonyo. Mapa-anghel. Mapabirheng lumuluha ng dugo. Kahit pa si Kristo. Tikbalang. Tiyanak. Aswang. Bampira. Babaeng manananggal na naglalaway sa masisilang biktima, basta ba’t hubad siya at tirik ang kanyang mga suso. Ang lolo kong malaon ng patay, magpakita ka! Tutal ay di naman talaga kita nakita dahil maging ang ama ko nga’y di ka na nagisnan nang maaga mo siyang iwan sa sinapupunan ni lola.

Tumugtog ka amplifier kong bulok, maski na di ka naka-on. O kaya nama’y patutugtugin kita at magluwal ka ng mga nakakarindi at di-mawawaang tunog. Sige, Robert Smith.  Gumalaw ka sa may isang dekada mo nang pagkakadikit sa dingding. Kalabitin mo ang iyong gitara.

Bumukas ka, mamahalin kong telebisyon. Gulatin mo ako, kung akala mo’y magugulat pa ako sa kabila ng mga mapanlinlang mong palabas. Ipakita mo ang tunay na mukha ng presidente. Lagyan mo siya ng sungay habang  nakangising nagsasayaw sa ibabaw ng lugmok at duguan  niyang mamamayan. O kaya nama’y surpresahin mo ako sa isang bagong cartoon channel. Pero erotika ang tema. I-spoof mo si Tasmanian Devil sa mukha ni Manero habang nire-reyp si Tweety na kamukha ni Pops Fernandez.

Ano? Ikaw pintuang salamin sa aking kaliwa. Magparinig ka ng katok at sa aking paglingon sa malamig mong susian, bumuo ka ng nakakatakot na imahe ng isang matandang huklubang animo’y namamalimos ng barya sa gitna ng ambon sa madaling araw. At kung subukan ko siyang patuluyin, gulantangin nawa ako ng katutohanang marami pala sila. May akay pa pala siyang butuhing batang humpyak ang pisngi at bundat ang tiyan. Sa likod pala niya’y may isang babaeng umiiyak. Punit ang damit, may agas ng dugo sa pagitan ng putikang hita. Nakasampay ang kanyang kili-kili sa balikat ng isang mamang di-nakaahit ng bigote. May karit sa baywang at  namumuti ang laman ng mga daliring binunutan ng kuko habang sapo ang kanyang kinuryenteng bayag. May sinasambit ang mama, paulit-ulit na animo’y dasal: “di ako NPA, magsasaka ako...di ako NPA, magsasaka ako...di ako NPA, magsasaka ako”.

Maari ko na nga sigurong ikatakot ang tagpo sa salaming pintuan ng matandang pulubi, ng malnoris na bata, ng ngumunguyngoy na babae at ng mamang may bigote kung magiging dramatik ang eksena dulot ng graphic manipulation. Isang mahabang pila, na di kayang abutin ng aking tanaw. Magkakatulad na karakter. Maraming-marami sila. Maraming-marami. Magkakamukha. Iisang mukha.

Subalit magkaganyan man, magkikibit balikat lamang ako sa eksenang iyan. Hainan mo naman ako ng bago. ‘Yung di ko pa nakikita’t nararanasan. Palasak na ang katotohanang iyan. Maging ang “Saksi” at “TV Patrol” ay ayaw ng pumatol sa gasgas na eksenang tulad niyan.

O, kababalaghan, wala ka bang maiaalok na bago. Kahit na malayung-malayo sa katutohanan. Basta’t tiyakin mo lang na tatambulin ng kaba ang aking dibdib sanhi man ito ng takot o pananabik.

Kung kaya, kababalaghan! Ipako mo na ako sa walang kahalintulad na sindak bago pa magbago ang aking isip. Patindigin mo ang aking balahibo. Paurungin mo ang aking bayag. Pakatalin mo ang aking baba. Panginigin mo ang buo kong katawan bago maubos ang aking pasensya dulot ng reyalidad at pantasya. Itulak mo ako sa isang sulok ng silid kong ito ng nakabaluktot habang tagaktak ang pawis sa paghahabol o pagpipigil ng aking hininga sanhi ng matinding takot bago maubos ang mumurahin kong sigarilyo.

Maghihintay pa ba akong kusang mag-flush ang inodoro? Pakikiramdaman ko ba kung biglang sisilarit ang gripo at dugo ang lalabas rito? Babantayan ko ba ang pagsilip ng mga mapupulang mata sa siwang ng aking sliding window? Kailangan ko bang patayin ang ilaw upang anyayahan ang mga nilalang ng dilim at nang sa gayo’y magsabog ito ng kahindik-hindik na anino buhat sa aking likuran?

Wala akong alam na kahit anong orasyon para sa anumang ritwal o mahika blanka. Kahit isang salitang Latin ay wala akong natatandaan maliban sa Lycopersicum esculentum na scientific name ng kamatis. Kahit isang kandila ay wala sa tabi ko. Insenso pa kaya? Kwadra-kwadradong vinyl tiles ang aking sahig at hindi pentagram ang disenyo. Kung kaya, kababalaghan, kung maari’y ‘wag mo na akong paghanapan ng mga rekisito sa hinihiling ko.

Palagay ko’y matatapos na ang madaling araw. Tumitilaok na ang manok sa dakong ilaya. Dinig na ang tikatik ng hamog sa kalawanging bubong tanda ng nalalapit na pagsikad ng di-masukat na bolang apoy mula sa kanyang pagkakahimlay sa kinalbo at pinagminahang kabundukan.

Palagay ko nga’y naghahanda ng lumisan ang madaling araw. Tila ginigiling na ng aking malaking bituka ang maliit kong bituka na wari’y pinadudulas ang prosesong ito ng sukang mula sa irok. Natutukso na naman akong magtimpla ng kape. Naglalaway na naman ako kahit na sa mumurahin kong sigarilyo.

Subalit magpahanggang ngayo’y di sumasapit ang inaasahan kong sindak sa madaling-araw. Napaka-paborable pa naman ng aking pag-iisa sa maluwang kong silid. Umaayon pa naman ang mapanglaw na dilim ng madaling araw na di sinipot ng katagpo niyang buwan at mga bituin. May hatid na kakaibang lamig ang hamog at ang tik-a-tik ng ambon sa bubong ay sumasaliw sa huni ng kagang at kuliglig sa may puno ng saging sa tabing-bahay. Maging ang tahimik at mamasa-masang daan ay waring naghihintay ng pagragasa ng kakaibang pangyayari.

Pero, bakit di ako nabingi sa katahimikan ng madaling araw? Bakit walang dumapong gahiganteng paniki sa puno ng tsiko? Nasaan ang nanlilisik na mata ng aswang? Ang tabako ng kapre? Ang mapanilang dila ng tiktik? Ang estrangherong nagsasa-baboy o nagsasa-aso? Ang nakakangilong uha ng tiyanak? Ang iniwang kaputol na katawan ng manananggal na gumagalaw-galaw pa ang bituka’t lamang-loob (na nakahanda sana akong budburan ng sangkaterbang iodized salt)? Bakit di nagparamdam ang mga namayapang kaluluwa sa hitsurang bangkay na nakapagtatakang di kumanay ang foundation sa mukha gayong mainit sa loob ng nitso at di man lang nanilaw ang suot na barong-tagalog gayong wala namang serbisyo ng dry cleaning sa kabilang buhay? Bakit di nagpatay-buhay ang fluorescent lamp? Ang T.V.? Ang radyo? O lumindol kaya at nabiyak ang lupa upang magluwal ng isang halimaw? Nasaan ang matandang unanong nakasalakot na naglalakad ng di nakasayad ang paa sa lupa? Bakit di nagpakita ang white lady at sana’y naitanong kung available ba siya ngayon? Ano at di ako nakaamoy ng kandila? O singhaya ng dama de noche’t kalatsutsi? Bakit di man lang ako kinilabutan dulot ng lamig? O kahit sana’y nalibugan man lang?

Kahit ang diyos ama, diyos anak at diyos espiritu santo’y di nag-aksaya ng oras upang ako’y hipuin. Walang birheng lumuha, nagsayaw. Kahit sana Sto. Niñong walang likod o may titi na pabulol-bulol magsalita kung sumasakay na sa mga arbularyo’t hilot.  Lalo na si satanas na kinapananabikan kong makita sana upang makumpirma kung kamukha nga siya ni Lenin pag nilagyan ng sungay.

Nasaan ang sindak ng karimlan? Nasaan ang kababalaghan ng madaling araw? Bakit mas masipag dumalaw ang reyalidad kahit na anong oras nitong naisin. Higit na mabangis kaysa sa aswang. Mas nangangagat kaysa bampira. Higit na nakakasindak kaysa bangkay na nagbangon mula sa hukay. Mas kamangha-mangha kaysa lumuluha at nagsasayaw na birhen. At kung haharapin, higit na may kakayanang magligtas kaysa sa pagpapapako sa krus.

Hindi na lang ako ulit magtitimpla ng kape pero magsisindi ako ng mumurahin kong sigarilyo. Mas kailangan ko ngayon ang tulong ng usok ng sigarilyo dahil unti-unti ko nang nararamdaman ang pagsapit ng hinahamon kong sindak. Sindak na hindi dulot ng kababalaghan.

Tiyak ko na ito. Paparating na nga ang aking pinangangambahan. Nangangalisag na ang aking balahibo. Parang hinihigop ang aking bayag papasok sa aking sasapnan. Nakakangilo ang pagtatangis ng aking ngipin dulot ng di mapigilang pagtaas-baba ng panga. Tila kailangang igapos ang aking buong katawan sanhi ng matinding pangangatal.

Hala! Makapangyarihang antok, dalawin mo ako sa aking pag-iisa. Akayin mo ako sa aking naghihintay at naiinip ng kama. Ipaghele mo ako sa duyan ng aking mga panaginip.

03.03.00/indang, cavite

Balik