bukod sa kanyang mga kapatid at kay nanay aba, ako na marahil ang susunod na mas higit na nakakakilala sa awtor bilang manunulat. unang-una, bago pa lamang ipinaglilihi sa sinapupunan ang kanyang mga tugma at kataga ay saksi na ako hanggang sa ito’y mailuwal at matutong makisalamuha sa mundo ng panitikan.
tag-araw ng 1989 noong una kong personal na makabungguang balikat ang awtor sa don severino agricultural college (ngayo’y cavite state university na). naging magkaiskwela kami sa isang klase. nagsimula ang pagkakapalagayang-loob namin nang magtagpo ang aming hilig sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga kaset teyp (wuds, urban bandits at betrayed ang sa kanya, at ang sa akin nama’y asin at banyuhay ni heber.) kasunod nito’y natuklasan naming parehas kaming mahilig sa panitikang pilipino at may mga nauna nang pagtatangka sa pagsusulat. nang malaon, natagpuan ko na lang ang sarili ko na tagabasa, tagapakinig at tagapuna ng kanyang mga tula. nagkataon namang literary editor ako ng dsac gazette noong panahong ‘yon. ang pahayagang iyon sana ang magsisilbing pandayan ng kanyang husay, subalit sa kabalintunaan ay wala ni isa man sa kanyang mga katha ang nalathala rito. ‘di ko rin matiyak ang dahilan; ‘yun ba kayang istilo niya sa pagsusulat ang ayaw nila o ‘yung mga paksang kanyang tinatalakay sa kanyang mga akda? subalit ‘di ito nagpaligamgam sa init ng pagkahumaling niya sa literatura. ang nakapagtataka pa nga nito, sa aming huling taon sa kolehiyo, sabay kaming ginawaran ng parangal bilang pinakamahusay na manunulat sa pilipino.
ang tutuo niyan, hindi kasundo ng aking panlasa ang kanyang mga tulang walang sukat at tugma, talagang noo’y hindi ko nagugustuhan. sa katitiyaga ko sa kanyang mga akda, sa kalauna’y parang may gayumang napaibig na rin ako sa kanyang mga kathang hinugot mismo sa kanyang mga karanasan.
at ngayon:
sa isang suntok sa buwan na pagtatangka ng awtor na isaaklat ang kanyang mga akda; dahil ako marahil ang pinakamaraming napakinggan, nabasa’t natunghayan sa mga ito, ako na rin siguro ang may angking kakayahan upang magbigay pananaw hinggil sa nilalaman ng aklat naito. aklat na maituturing kong direktang repleksyon ng awtor -
sa pinakatapat niyang sarili.
simpleng-simple lang naman ang mga tula niya:
prangka.
ang tiyak:
tuwirang sasagasa ito sa mga konserbatibo, kikiliti sa imahinasyon ng mga progresibo at pagtatampisawan ng mga malalalim.
"ang sining ng kanyang mga kataga at tugma ay nakakulong mismo sa kawalan nito. ang kawalan mismo ng sukat at tugma ang siya mismong sining nito."
sa pagtatapos,
tulad niya, tulad ko, kaming mga manunulat na walang pangalan ay nakikiambag
lamang nang kaunti sa salansan ng ating panitikan.