Milagro Sagrado
(Arnelo L. Vejerano)Kung natiis mo
na hungkag ang tiyan
sa loob ng apatnapung araw
at apatnapung gabi
sa mapanlinlang
na bundok ng pighati,
madali mong nagawa yaon
dahil ikaw ang panginoon
at sadyang makapangyarihan.Ano ba naman ang kalam ng sikmura
para sa isang hari
gayong maraming nagugutom
sa isinumpang bangketa
at mapanghing piitan?Kung nagawa mong magpaputong
ng koronang tinik,
pasanin ang mabigat na krus,
at tiisin ang malupit
na hagupit ng latigo,
dapat lamang
dahil ikaw ang panginoon
at siyang tanging nakaaalam.Ano ba naman ang matinding pasakit
kung alam mong tutungo ka sa langit
kung saan ang lansangan
ay lantay na ginto,
walang dusa,
luha, gutom, at pawis?Kung nagawa mong tahakin
ang mapang-uyam na daan,
gapangin ang kalbaryo
upang sa wakas ay ibaon sa abang kamay at paa mo
ang mga pako ng kabayanihan at kaligtasan,
tunay na magaan
at siyang nararapat
dahil ikaw ang pinakamalakas,
ang pinagmulan
ng lahat
ng kalahat-lahatan.At dahil batid mong luluklok ka
sa kaluwalhatian,
yaon nga ang iyong maningning na gabay
upang hindi mo indahin ang masakit na tarak
sa tagiliran.Kung nagawa mong magpabayubay
sa krus,
at doon ay malagutan ng hininga
sa harap ng ama't ina,
bakit hindi mo magagawa
gayong alam mong mabubuhay
na mag-uli ka sa mga patay,
at sa mga sugat mo
ay maghihilom
upang pumailanlang ka
sa kalangitan?Kamangha-mangha ba
ang ganitong mga milagro
gayong alam mong ikaw
ang tanging susi ng misteryo:
upang sambahin ka
sa iyong pa-milagro
ng mga taong mahilig
sa palabas ng santo?