Subukan Nating Muli
(Para kay Bridgette)

kiriringgggg….
ng telepono ang sa ‘ki’y gumising

nagtataka…..
sa boses na ‘di kilala

pananabik….
para sa ating pagkikita

pangangamba…..
para sa ating pagkikita

alas-6:
sino ka kaya sa karamihan?
papaano kaya kita lalapitan?

ilang saglit:
nagpanagpo ang ating mga palad

ngunit ‘di ang ating mga mata

alas-7:
gutom ang hatid
sa ngalay na pagkakaupo
ng sigarilyo kong naiinip

maya-maya:
itinakda
ng mga bula ng serbesa
ang ating pagkikilala

halos apat na oras
tayong naglalangoy sa ilalim
at lamig
ng beer na iniinom

manaka-naka’y aahon
magpapahinga
at saka lilipad
sa ulap
na likha ng usok ng marlboro

siyempre pa…..
‘di naman tayo isda
‘di rin naman tayo ibon
tayo’y mga nilalang
na ang tanging kakayahan
ay maglakad at maglakbay
sa kalsada ng walang katiyakan

kaya’t tayo’y mapapagod

madaling araw:
napabalikwas ang kuryosidad
awat-awat ang tunggalian
ng reyalidad at pantasya

buntong hininga:
ang huling dampi ng tubig
sa puyat na katawang lupa
ang tanging sa kanila’y nagpapayapa

sa lrt:
may mga panghihinayang
at ilang pananabik

panghihinayang sa nagdaang gabi
ng paglalangoy at paglipad

pananabik…..
na sana’y  kung muli nating gawin ito

langoy ulit tayo
mas matagal…..

subukan naman natin ng nakahubad
sa gayo’y ‘di maging mabigat

subukan naman nating sumisid
‘yung mas malalalim

subukan naman nating maglaro’t tumuklas
ng ating mga kainosentehan

kung kinakailangang malunod
para lamang makamit ang nais
subukan natin……

subukan rin nating sagipin ang isa’t-isa

at kung muli tayong mapagod
muli tayong umahon
bukas ang bagwis ng damdamin
para magtangkang lumipad

lipad ulit tayo
mas mataas

subukan nating lumipad
ng nakapikit
ng magkakapit
ng magkadikit
ng nakatayo
ng nakaupo
ng nakabaligtad
ng walang pangamba
ng walang pag-aalala
sa posibilidad ng pagbagsak.

kung kinakailangang mahilo
at malaglag
mula sa tayog ng alapaap
pabalik sa dawag ng lupa
subukan natin…..

siyempre pa…..

kaylanman ay ‘di tayo magiging isda
o magiging ibon
tayo’y tiyak na mapapagod

subalit…..
may pagkakataong
makapangyarihan ang mga gabi

nakakalikha
ng mga kababalaghan

na minsa’y….
parang masarap subukan

ano?

subukan natin?

muli?

at kundi man maganap
sabay tayong ngumiti
ng walang pagsisisi

ika-7 ng oktubre, 1999/kalakhang maynila

Balik