nakakainggit sila

nakakainggit ang apoy sa siga
na naghihintay na lang sa kanyang paghupa,
at sa pagsanib ng kanyang usok
sa mga ulap doon sa bundok.
maging ang butiki
ay namamahinga na sa tabing bintana
matapos humalik at magbigay-pugay
sa lupa.
nakakainggit si vincent;
iiyak, tatawa, iihi, tatae,
tatahimik
‘pag nasubuan ng dede.
nakakainggit si diane;
kuntento na sa hapunang buto,
walang pagod sa pakikipaghabulan,
walang sawa sa pag-aaruga
sa kanyang pitong supling
na bago pa lamang natututong tumakin.
 
samantalang ako,
maski siguro ikaw,
o maging sila ay sakbibi ng pangamba
ang ‘di lubos na kilalang katauhan
sa mga ‘di mahagilap na kasagutan
ng mga katanungan sa buhay.
 
"nais kong maging apoy sa siga
‘tas ay maging usok
at maglaho kapag natupok.
nais kong maging butiki
tumalatak na lang kung gabi
nais kong maging sanggol muli
‘tulad ni vincent,
basal sa kainosentehan.
nais kong maging tulad ni diane
kahit bantay lang ng tahanan"
 
 
ika-12 ng hulyo 1995 / lungsod ng heneral santos
 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents