paalam

kahapon.
kayliwanag ng kalawakan
na sa hardin ng ating damdami’y nagbibigay kulay.
kaypayapa ng dagat
na sa bangka ng ating pagniniig ay nagduruyan.
kay yumi mo amihan
na sa himpapawid ng aking pagsuyo’y nakikipagsayaw.
 
ngayon.
iglap wari’y nagtampo ang liwanag ng kalangitan.
at ang mga bulaklak ay nangagsiyuko.
ang alon sa karagatan ay nag-alimpuyo
at ang ating bangka ay napilitang dumaong.
nagbabadya ng unos ang hangin.
ang aking amihan ay tinatangay ng habagat.
bulong ko sa iyo’y kumapit ka’t manalig
sa hiwaga ng ating pag-ibig
huwag magpatangay sa sigwa
dahil galit ng kalikasa’y agad ring huhupa.
 
subalit.
kaagad kang pumanaw at nalanta
kaagad kang bumitiw sa iningatang pagsinta
inagaw ka na ba ng habagat?
kay raming nasalanta, nasira, nadamay
maging ang murang bunga ng pagsuyo’y napabayaan.
kay raming papandayin,
bangka nati’y kayhirap nang buuin.
kay raming bumagsak..... natangay.....
nabihag na nga ang damdamin mo ng habagat.
 
bukas.
nakapanlulumo.
pira-piraso ang natirang mundo.
tumatapik sa aking balikat ang pagsuko.
 
nguni
ang nalabing pag-asa’y ‘di dapat magupo.
muli akong mangangarap,
muli akong titindig,
para sa paghabi ng bago kong daigdig.
hahanap nang katuwang.....
nang kasuyo.....
nang bagong pag-ibig.
paalam!

.....para kay eva (dating kabiyak) / 1995 / lungsod ng heneral santos

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents