Paalam na Hindi Paalam
(Imo Quibilan Jr)

Butil bawat butil
inaanod ang buhanging inaapakan ko
alon bawat alon
dumidila sa mga daliri ng paa
kumukulob ang lamig at alat
na alam kong katulad ng
alat dyan sa kabilang ibayo

Kumikindat-kindat

  naglalamat ang dilim
  sabay na binibigyang-hugis
  at pinatototoo ang agwat

 na pinagdugtong ng tubig

magpapatianod dahil abutin man ng
liwanag, saan man mapdpad
sa laot ng pagkakalayo sa
aplaya mong kinatatayuan

butil bawat butil
ng buhanging inaapakan mo
alon bawat alon
sa iyong paanan
ibubulong ang paalam na hindi paalam
na mas mainam na di
na lang tinatanggap

Balik