paano kung wala ka na?

pag-alpas ng iyong ispiritu
mula sa mahubog mong katawan,
matapos na alisin
ang natatanging takip ng iyong kabuuan
ay aking lalasapin,
aking sisimsimin,
at aking dadamahin
ang naiiba mong bango
dito sa aking dibdib.
 
dahil sa tindi ng sarap
at ginhawang ipinalasap,
iyong tinighaw ang uhaw
ng pagod kong isipan
at pata kong katawan.
kaya ayaw kong mangyari,
ni ayaw kong isipin,
‘pagkat ‘di ko yata kaya
ang ika’y mawala
dito sa buhay ko
na sa tuwina’y pagod
naging kabahagi ka na.
 
‘di ko papayagang
basta ka na lamang mawala
sa mundo kong ginagalawan.
‘di ko rin papayagang
lumipas ang maghapong
‘di ka natitikman.
para patunayan sa ‘yo
kung gaano ka kahalaga,
kung gaano ka kamahal sa akin,
ay aking nanamnamin,
aking sasairin
ang pinakahuling patak,
ang natitira mong tamis
na naiwan at natira
sa labi ng botelya
na iyong sisidlan.
 
iba talaga ang sensasyon
na hatid ng sarap
ng bagong bukas
at malamig
na sopdrinks.
paano kung wala ka na?
 

hunyo 1994 / nasugbu, batangas

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents