PagkalitoAng dami kong nakakasalubong
at waring kilala ako ng lahat.
Tinatawag ako sa maraming pangalan
subalit wala naman akong pagkakakilanlan.
At ang mga dati kong kaibigan
ay nag-aastang dayuhan ako sa sarili kong lugar.
Panay ang tingin sa akin
pero wala naman akong nakukuhang anumang paghanga.Naitanong ko minsan
sa aking sarili
kung talaga nga bang may langit
doon sa kabila ng lawak ng ulap?Ngunit wala pa naman akong nabalitaan
na muling nagbalik
at nagpatunay na mayroon ngang langit?Maligalig ang takbo ng katotohanan.
May nagsasabing
piliin ang mas madilim at mas mabatong
daan. Pinili ko ito sa pag-asang
kakayanin ang pangangapa sa karimlan
at pagkakatapilok sa lubak.Sugat at galos ang aking natamo.
Impyerno ang aking natagpuan.Hanapin ko raw ang aking sarili
sa mata ng unos.Paano? Gayong,
hanggang ngayoy di ko pa rin
alam ang hinahanap ko.
Pero alam ko naman kung papaano ito kukuhanin.Tila ang takdang oras para sa akin ay nagmamadali na’t nagwawala.
Tiningnan ko kung papaano umagos
ang ilog patungong karagatan
subalit di ko man lang nakita ang bakas na
kanyang dinaanan.Estranghero sa akin ang ganitong pakiramdam
ng mga pagbabago. Nang humarap ako sa
salamin at di ko nakita ang aking sarili, nagulat
ako sapagkat natunghayan ko naman ang
ebolusyon ng aking pagkatao.
Pagkalito?Sana’y nakakalangoy ako.
Tulad ng paglangoy ng isda.
Naniniwala akong ito lang ang magdudugtong
ng magkahiwalay kong daigdig.At nang ako ang maghahari sa lahat
ng katubigan. Kahit minsan lang.
Isang araw man lamang. O isang saglit
sa nawawala kong panahon.O sa buong panahon.
Ika-25 ng Enero, 2000/Indang, Kabite