Pagniniig

Animo’y laging bagong karanasan
ang ating pagniniig.
Lalu pa’t kubkob ng pangamba
ang mga kilos at pagtatangka
sa mga sandaling kailanman’y mahirap maging atin.

Kung kaya nga sa tuwina’y kapanapanabik
ang mga pagtatagpong

naghahatid sa akin sa ‘di mahubog na kaligayahan
sa bawat dampi ng iyong mga daliri sa aking katawan.

Kahit nakapikit
ay nagsasalimbayan ang samu’t saring kulay
sa bawat lapat ng basa mong halik sa aking balat.

Matatalim na kidlat ang kawangis ng iyong anas
sa puno ng aking taynga
na nakahandang dinggin ang bawat kataga
na inuusal ng nangungulila mong puso.

Nawawalan ng puwang ang mga pangamba
na hinahalinhinan ng pagnanasa
sa tuwing mamamaybay na ang aking labi
sa iyong dibdib padausdos sa pagitan
ng mga mapanukso’t nag-aanyaya mong ngiti.

Kahit wari’y mapupugto ang aking hininga
sa bawat imbay at galaw ng iyong anino
sa ibabaw ng aking pagnanasa’t pagsuyo,
idinuduyan naman ako
sa saliw ng magkatugmang ritmo
na isinasayaw ng magkasanib nating katauhan.

Sa pagpatak na iyong pawis
sa kabuuan ng aking pananabik
nararamdaman kong lalong humihigpit
ang tangan mo sa aking pag-ibig.
Wari ba’y hinihigop mong lahat
ang katapatan ng iniaalok kong damdamin.

At sa paguunahan
ng ating mga naghahabulang hininga,
ay naroroon ang reyalisasyong
ang pagtatalik nitong dalawang pusong sabik
sa ritwal ng pagniniig

ay isa palang sining ng imahinasyon,

ay isa palang eksperimento ng pusisyon,

ay isa palang tula ng mga kataga ng pag-ibig

at isa palang batas ng respeto at tiwala.

1.4.00/1:47 nu/indang, kabite

Balik