pakaiingat ka, indang ko
lupa kang minamahal, sa mundong isinumpa
sa daigdig ng dahas, kakambal mo’y digma
ngayo’y kinakatok ng dayuhang mapanira
kaunlarang mapait sa matatamis na dila
 
bantay mong mga payasong de-pangil ay ‘di maaasahan
sapagkat napipi na sa salaping gahamang sinakmal
sila’y nalunod na sa maburak na balon ng kamunduhan
kaming mga anak mo ang ginagawa nilang timbulan
 
pakaiingat ka , minamahal kong indang
mga nakamaskara ang tunay mong kalaban
ang alay nilang pag-ibig sa katapata’y salat
pagkagahamang punla, pumapatay pagsambulat
 
kaya’t narito kami ngayon, bigkis at natitipon
iisa ang adhikain, mga palad ay kuyom
handang makihamok, nakahandang magtanggol
para sa iyo indang ko, kahit buhay idudulog
 
kaylan ma’y di ka hahayaang: kahuyan mo’y putulin
kaylan ma’y di ka hahayaang: hangin mo’y bihagin
kaylan ma’y ‘di ka hahayaang: ilog mo’y lasunin
lalong lalo’t di ko hahayaang: kalayaan mo’y sikilin
 
pakaiingat ka, minamahal kong indang
ang ating kaaway, naglantad na ng kulay
ngiting kinapital, salitang pinuhunan
may mapanilang layon sa kanyang upuan
 
ngunit pakaasa kang bigkis kami’t natitipon
pag-ibig sa ‘yo bayan ko, sa puso’y nakabaon
kung ika’y lupigin, nakahandang magbangon
palalayain ka bayan ko, pagkatapos ng daluyong
 
 
ika-20 ng setyembre, 1996 / tagig, kalakhang maynila
 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents