pakulo
sa katawan
-
marami akong pakulo
sa katawan.
-
naroong pinahaba
ko ang aking buhok
-
na halos tumakip
sa mahaba ko ring mukha.
-
winarak ko ang
aking pantalong maong
-
na ang silbi sana’y
-
sa binti ko’t hita’y
kumanlong.
-
binutas ko ang
lambi ng aking taynga
-
at itong kabiyak
na arilyos
-
ay naglambiting
parang gagamba.
-
nagpatatu ako
-
at nagmistulang
butuhing kanbas
-
ni joselitong pintor-kulapol
-
itong aking paypay
at braso.
-
-
noon ‘yun.
-
-
ngayong ako’y de-trabaho
na
-
sa isang iginagalang
-
at respetadong
kumpanya.
-
inalis ang tila
tarsan sa aking taynga.
-
tinakpan ang serpentina’t
dragon
-
sa burdado kong
braso
-
nitong mahabang
manggas ng aking polo.
-
isang disente’t
di-pistong salwal
-
ang paborito n’yang
katerno.
-
-
ang tanging ‘di
bumagay sa akin
-
ay itong aking
buhok.
-
dahil ako’y nagpakalbo.
ika-7
ng hunyo 1994 / nasugbu,batangas