regalo sa bagong taon
- humahaba ang mukha ko sa sama ng loob
- sa darating na bagong taon
- na di naman bago
- namasdan ko ang aking anak
- na nawalan ng ina
- lalong sumama ang aking loob
- pati ang giniginaw kong utak ay kumabog
- nilalamon ng ibinubuga kong usok
- nginatngat ko ang aking kuko
- sa pag-asang papatay ito sa panlulumo
- pinipilit kong magmukhang guwapo
- oo,
- guwapo ang aking karanasan
- ang aking nararanasan
- masasaya ang tao sa labas
- inaaliw ng ingay at liwanag
- ngunit....
- bakit nababasag
- ang tulig at gising kong ulirat
- ngunit....
- bakit sumasambulat
- ang pag-asa....
- ang pag-asay kumakalat
- humihigpit ang tangan ko sa panulat
- nagtatangis ang ngipin ko sa gulat
- sumisigaw ang boses kong malat
- naghahanap ang wisyo kong salat
- brown-out!
- nabalot ng karimlan
- nawawala ang liwanag
- tuloy ang putukan
- muling nagka-ilaw
- pinaslang ko ang huwad na liwanag
- pangako ng kinabukasan
- at pangamba sa maraming katanungan.
- bakit ako lumilikha ng tula
- gayong wala namang nagbabasa
- gayong di naman ito nalathala
- gayong ako lang ang nakakaunawa
- bakit ako patuloy na nakikihamok sa buhay
- gayong tila mas mapayapa pang mamatay
- gayong tila nawawalan naman ito ng kulay
- gayong tila sa reyalidad akoy nakawalay
- bago na naman ang dahon ng kalendaryo
- magsisindi na naman ako ng sigarilyo
- ipagdiriwang na naman ang bertdey ko sa marso
- aalalahanin na naman sa abril si kristo
- mabibitak ang lupa sa tag-araw
- paghuhugpungin ng lamig sa tag-ulan
- at hihina-babalong ang mga bukal
- sa paglipas ng kayraming pista opisyal
- sisigid ang ginaw sa pagkatunaw ng yelo
- magkukulay parol sa simoy pasko
- at di maiiwasang paglipas ng sang linggo
- muling babalik ako sa kaisipan kong ito
ika-31 ng disyembre 1995 / indang, kabite
- Balik sa Main Page l Balik sa Kontents