sa monumento na lamang ba?

saan nga ba sila magugunita?
paano nga ba sila maaalala?
sa monumento na lamang ba?
o sa librong dinadakila?
 
‘di ba’t ‘di nila pinayagang magapi
ang bayang minsang inapi
ng mga dayuhang dumuhagi
sa ating pagsasarili?
 
sapat na ba ang perang papel?
o ang mga rebultong yeso?
at ang mga larawang iginuhit
ng mga makasining na pinsel?
makatarungan ba ang mapusyaw
na ilaw dagitab na tanglaw
sa kadakilaan nilang
naging pangalan ng kalye?
 
‘tapos na ba ang pakikipaglaban
na kanilang sinimulan
at ngayo’y sa kalendaryo na lamang
ang rebolusyon ipinagdiriwang?
 
‘di nga ba’t ang kontradiksyo’y pirming buhay
ang madugong pag-aaklas rito iniluluwal?
 

1996 / indang, kabite

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents