- sumbi sa tungki ng ilong
- (isang limot na epiko)
- may itinatagong lihim ang mga lagas na tuyong dahon ng punong banaba doon sa may plasa ng indang. bukod sa mabisa itong panglanggas sa nagnanaknak na galis-aso at medikasyon para sa perenyal na pagiging ututin dulot ng kabag at pagiging matakaw sa ice bukong may balatong sa ibabaw, isang makulay at makasaysayang epiko ang nakaukit sa bawat gatla ng kanyang mga sangang paboritong galaan ng mga ulandis at berdeng hinlalayon.
- batay sa natatanging ulyanin nang dokumento na di sinasadyang natagpuan ng isang traysikel drayber na nagngangalang ka jore (binibigkas ng dyo-re), habang siyay namamang-us ng nilagang mais di kalayuan sa nakausbong na ugat ng punong yaon, isang malaking bangaw na kulay lila ang pakpak ang paroot parito ng lipad sa di nahinukuhan niyang mga kuko. sa irita at abalang dulot ng bangaw sa kanyang pagmimiryenda, iyamot niyang inispin ito ng istik na pinagkakatuhugan ng kanyang mais. sa malas, alertong nakailag ang bangaw kasabay nang pagsasabog ng nakakasilaw na liwanag buhat sa lugar na tinusukan ng kanyang istik.
- gulat at takot na napailandang palayo si ka jore, dumulas sa kanyang kamay ang mais. nang panumbalikan siya ng pustura, dala ng kuryusidad, kahit na takut na takot sa pangyayari at hinayang na hinayang sa umitsang mais, lakas-loob niyang tinitigan ang istik na nakatusok sa lupa. sa kung anong kababalaghan, nagmistulang tubong salamin ang kaninay kawayang kaniig ng mais. nang kanya pang pagmasdan, bigla na lamang may animong pwersa ng batu-balani ang unti-unting humigop sa kanya. una ang kanyang talitang ismagol, sumunod ang pinutol na camouflague na ginawa niyang shorts, kasunod ang kanang manggas ng kanyang puting fruit of the loom at huling-huli ay ang kanyang di-tuping wayfarer na padala ng kanyang bilas na nasa saipan. nang siyay matauhan, ganito ang kanyang naging hitsura:
- sa takot at hiya sa kanyang naging anyo, dali-dali siyang sumakay sa kanyang traysikel de-motor, at walang lingun-likod na pinaharurot ito pauwi sa kanilang bahay sa baryo ng kaytambog. nang palusong na siya sa makipot na tulay ng binambangan biglang-biglang may sumibad patawid sa kanyang harapan na di niya mawari kung ano dahil sa tulin nito. di na niya nakuhang mag-preno sapagkat nauna ang kanyang pag-aantanda kung kayat tumilapon siya kasama ang kanyang traysikel pabagsak sa ilog na tinutuluyan ng lahat ng basura ng bayan ng indang.
- sa ere pa lamang ay kitang-kita niya kung papaano nagkapira-piraso ang kanyang sasakyan pagsalpok nito sa malalaking bato ng ilog. bigla tuloy niyang naisip na siguroy minadali ng kanyang kumpareng omar ang pagwe-welding sa sidecar nito kung kayat kay daling nasira.
- at nang siya na ang akmang sasalpok sa malalaking bato ng kamatayan, pinalad pa siyang sumang-it sa malabay na dahon ng irok na tahimik na namumuhay sa bangin na iyon. subalit di pa siya ganap na ligtas dahil patuloy pa rin ang kanyang pagbulusok pababa. kaginsa-ginsa moy isang banig na yari sa buli ang mistulang sasakyang himpapawid na sumalo sa buo niyang katawang-lupa. di pa rin makapaniwala, ligtas siyang inilipad ng mapagkandiling banig sa direksyon pauwi sa kanilang bahay.
- diretso sa bubungan, sa may bintana malapit sa kanyang silid, maingat siyang inilapag ng kanyang tagapagligtas. nang ganap na siyang nakatingkayad sa may pasimano ng kanilang bintana, kaagad ring pumailanlang ang banig patungo sa kawalan. minalas nga lamang na nadunggil nito ang antena ng tv nina ka jore na bumagsak sa kanyang ulo at tuluyang umagaw ng kanyang ulirat.
- siyempre pay di naman pupuwedeng di siya magkakamalay-tao, kung kayat sa unang pagmulat ng kanyang mga matang pinagdikit ng natutuyong luha na di pa naman ganap na muta, ang bumulaga sa kanyang harapan ay ang talita niyang istepin, ang kupas niyang salwal, ang kanang manggas ng kanyang kamiseta na bahagyang natastas ang pagkakalilip, at ang matikas pa ring pares ng kanyang antipara. katabi ng kanyang mga nawalat bumalik na kagamitan ay ang isang lumang aklat na kulay dalanghita at natatalian ng lasong bughaw na may kakabit na lobong bilog na kulay puti. nahalata niyang kulang na sa hangin ang lobo kung kaya gamedyo nakaluhod na ang tansing panali nito.
- at sa loboy may nabasa siyang nakasulat na tila isang mensahe. ganito ang nilalaman ng mensahe: