ta - ka - tak
(talambuhay ng isang manunulat)
 
ipinanganak kang kakambal ay teklado ng makinilya
ang mga kamay mo’y papel at tinta
ang mga paa mo’y sa karanasan nabihasa
at pintig ng puso mo’y mga kuwento at tula
 
ang bawat hininga mo’y hinga ng pakikipagsapalaran
kaya’t ang bawat kilos mo’y dagdag na karanasan
at ang nahahabing ala-ala sa pahina ng iyong isipan
ay tula, sanaysay, nobela’t katha ng ‘yong kasaysayan
 
ang pagbabagong anyo ng utal mong kamusmusan
ang patuloy na paglago ng ‘di bihasa mong asal
ay matalas na dila ng pinanday mong katauhan
at batikang tilamsik ng kilos mo sa lipunan
 
ngayong ganap ka nang anluwage ng akda at katha
tahanan mo’y nalikha sa haligi ng mga puna’t paghanga
ang yero ng katotohanan ang panabing mo sa luha
mga pundasyong hatid ay kalayaan at tuwa
 
umiinog ang mundo mo sa piniling landas
kasabay ang pag-ibig, galit, mga damdaming wagas
dito na muling tumahak pabalik ang bukas
sa kahapon na iniwanan na ng ‘yong buhay at bakas
 

Ika-27 ng mayo 1996 / umuulan /indang, kabite

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents