trenta
(para kay cora at sa tulad mo pa)
 
ha?
sa edad mong trenta
ay dalaga ka pa?
at anong sabi mo?
ika’y nabubuwisit
sa paghihintay sa nakakainip
ng iyong pinakakaasam
na pakikipag-isang dibdib
(at syempre sa unang gabi ng pakikipagtalik).
 
batid ko sa lamlam ng ‘yong mga mata
ang prustrasyong nadarama,
ang ‘yong pagkasawa
at ang iyong pangamba
sa bangungot ng pagtandang-dalaga.
‘wag mong sisihin ang pekeng nadama
ng mga lalaking iyong idinambana
 
‘wag mo ring sisihin ang taglay mong ganda
‘di naman hitsura’t edad ang nagdirikta
nang pagsapit ng kaganapan ng saya.
 
‘di nga ba’t ang kapalara’y
‘di naman isang pagkakataon,
‘di rin ito napipilit
‘di ito pag-aala tsamba.
ang kaganapan ng pangarap
ay nasa tapat na pagharap
sa reyalidad na nagaganap.
 
mayroon akong panukala:
mamasyal ka ng ilog mamaya
baka roo’y iyong matagpuan
ang prince charming
mong palaka.

ika-17 ng mayo, 1996 / indang, kabite

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents