trip to jerusalem

nahilo ako nang nahilo
sa pag-ikit sa nakabilog na mga bangko
at kahit mamahalin ang sala set ko
sa inosenteng silya’y nakikipag-agawan ako
 
nahilo ako nang nahilo
sa pag-aasam sa ‘pinangakong premyo
at kahit ang musika ay hindi gusto
panay ang kendeng ng balakang kong puro buto
 
pumailandang muli ang pangpinal na tugtugin
para indakan at ikutan namin
kaming dalawang huling kalahok
ang nagsasayawan,
nagbabalyahan,
at nagpapakiramdaman
parang mga buwitreng nakaabang
sa pagsila sa sisiw na upuan
diniinan ng opereytor ang stop button
at bago pa nakadamba ang patpatin kong puwitan
sa naiinip na upuan
ako’y
nahilo nang nahilo
 
nahilo nang nahilo
sa isang pamosong laro
 
nahilo nang nahilo
sa matining na ikit ng mundo
 
nahilo nang nahilo
tungo sa aking pagkatalo
 
nahilo nang nahilo
nang ‘di man lang nakilala si kristo
 

ika-28 ng nobyembre 1998 / indang, kabite

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents