- twentiyet
- (alay kay bulkang taal)
- pitumpu't-pitong pares ng paa
- ang sabik na nagkita-kita,
- nagsama-sama.....
- mithiin ay iisa
- ngayong araw ni kupido
- ikaw - bulkang taal.....
- ay maakyat at makasuyo
- sa duyan ng alon at awit ng lawa
- ituktok mo bulkan ay aangkinin
- ng kislap ng aking kamera
- sa pagitan ng mga tagay,
- tawanan at hiyawan
- ay naroroon ang pagnanasang
- kalikasan mo'y makaulayaw
- naroroon ang pananabik
- na maikumot ang mga bituin mo sa langit
- naroroon ang natatanging mithiin
- na lupa mo'y maging banig
- sa gabing, ang anggi ng lawa mo'y
- lamig at kapayapaan ang hatid.
- pangahas ang bawat hakbang,
- 'di pansin ang init ng iyong hininga
- na sa aking katawang-lupa ay tila umiiga
- sapat na ang kagustuhang ika'y aking marating
- at sa 'yong kagandahan
- magsawa ang aking mga retina.
- mga bago at lumang kakilala
- ang sa bulwagan mo taal ay aking kasalamuha
- ang magkarelasyong si may at terry
- ang dati nang kakulitang sina egay at tony
- ang giyang sina sir manoy, sir mar at sir rex
- ang batikang grupo ni batman at ed,
- si pedro, si arnold, si marie at marami pang iba
- mga pangalang 'di ko na maalala
- ngunit, isa lang ang tiyak
- mga ngiti nila'y mananatiling nakatatak
- sa pangahas kong isipan
- at sa pahina ng bago kong karanasan.
- tila yata nagtataka ang bilog mong buwan
- sa aming tawanan
- maaring ikaw lawa'y nagtatanong rin
- kung ano ang aming pakay sa mabato mong pampang
- magsaya lang ba't malasing?
- tumakas sa tudyo ng kawalang kasuyo
- ngayong araw ng mga puso?
- o para ibandera ang bagong medyas na thorlo?
- ako rin ay nagtatanong sa aking sarili
- pagtakas ba ito sa ulol na sibilisasyon?
- nilulunod ng bawat tagay
- ang lalim ng paghikbi
- saksi ang laway at suka
- na iniluwa ng gabi
- sumasayaw ang hampas ng alon
- natutusta ang pulutang fishball
- bawa't isa'y unti-unting nabubulol
- sa himig ni marley at cabangon
- at kasabay ng huling patak ng alak
- ipinaghele mo bulkang Taal
- ang bawat isa amin
- sa duyan ng iyong kalikasan.
- mahapdi ang unang haplit ng sinag ng araw
- ginigising ang bubong ng aking tent.
- kaylangan ng bumangon
- sa umagang ang hikab mo'y
- amoy alak
- amoy upos ng sigarilyo
- ang tamis ng nagdaang gabi'y
- may bahid ngiti sa 'yong labi.
- at sa aking pag-uwi
- isinilid ko sa aking backpack
- ang basyo ng bote ng alak
- na saksi sa kasiyahan at karanasan
- ang plastik ng basura
- na 'di bagay sa 'yong kalikasan
- ang bawa't huni ng uwak
- na 'di ko maririnig sa siyudad
- at ang pinakahuli,
- maingat kong itinupi
- ang sumibol na bagong mithi
- na ikaw bulkang taal
- ay babalikang muli.
- .....para sa isang bagong karanasan
- .....para sa isang bagong tula
araw ng mga puso 1997 / sto. tomas, batangas
- Balik sa Main Page l Balik sa Kontents