unang araw ng pasukan

pagsakay ko kanina sa dyipni
tungo sa opisinang pinaglilingkuran
nakasabay ko itong mga istudyante
na sa tingin ko’y handang-handa
para sa unang araw ng klase.
pero nang igala ko itong paningin
ay akin ring napansin
ang mga iskwelang ‘di pa paanyo
dahil mukhang bitin pa sa bakasyon
na kanilang iginala’t ipinaglaboy.
ito’y kita sa mga ‘di nasuklay na buhok,
anyong ‘di na nakaligo,
sa mga matang pupungas-pungas
na ang kulapol ng muta’y
‘di na pinunas.
 
nakakalibang pagmasdan
ang kanilang yabangan
ng kanilang bagong biling bag at notbuk
na ang disenyo ng pabalat ay larawan
ng paboritong artista’t basketbolista.
mga bagong unipormeng polo
na kay tikas ng tindig ng mga kuwelyo
sanhi ng pulidong almirol nito.
mga bago’t nagkikintabang sapatos
na nalimutan nang alisin ang etiketa.
 
pero sa kanilang lahat,
ang lalo kong pinagmasdan
ay ang hitsura ng bata sa aking tapat.
lasa ko’y sarili lamang ang naihanda
(dahil amoy bagong paligo siya).
walang dalang bag,
ni lumang notbuk o pad.
tanging ang pudpod na mongol
na ang pambura’y pudpod
ang sa bubot niyang palad ay nakakuyom.
naninilaw na ang gusot na kamisetang
ang imprenta’y ngalan ng sikat na panlabang sabon.
ang kabiyak na dahon ng istepin niyang suot
ay kalawanging kawad ang tanging naghuhugpong.
ako sa kanya ay naawa,
dahil ‘di ko ito naranasan
noong ako’y isang istudyante - - - - -
kaya ipinagbayad ko siya ng pamasahe.
 

hunyo 1994 / nasugbu, batangas

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents