Unang SigwaEnero, at di pa tag-ulan.
Sumisiit pa rin ang kilabot ng lamig
sa balat at damdamin ng taong-bayan
dulot ng nakaraang pasko
at di natatapos na pasismo.Nagbanta ang kapaligiran
ng napapanahong unos.
Nagtipon ang mga kulog at kidlat
para sa isang makasaysayang pagsalakay.
Makikisabay na rin yata ang natural
na kalamidad sa waring paghihintay
ng isang panlipunang bulkang
anumang oras ay nakahandang sumabog
at dumagundong.Di man lang natigatig ang bayang
pinaghaharian ng dayuhan
sa pamamagitan ng mga berdugo
nito sa inuuod ng kongreso.Ngayon na!
Bumuhos ang militanteng ulan
at binaha ang lansangan.
Halos anurin ang mga basura,
plakard at molotob
ng umaagos na murang kaisipan
at idelohiya ng pagkakapantay-pantay.
Di na napigilan ang pananalasa
ng sigwa ng unang kwarto.
Matatalim na sumasagitsit
ang kidlat ng galit
at prinsipyo.
Dumadagundong ang kulog
at boses ng mithing pagbabago.
Ang himig ng habagat ay mga musika
at awit ng paglaya.
Ang hanging kanlurang matikas na iginugupo.Nakiayon na rin ang panlipunang bulkan.
Kumukulo ang kanyang sinapupunan
na anumang sandali ay magluluwal
ng asupre't apoy ng pagtutol
sa naghaharing imperyo ng pasismo
at pagsasamantalang dayo.
Desididong magpabugso ng buong-buong
pagwasak sa tatlong salot ng daigdig.
At upang pagkatapos ay muling magtayo
ng isang lipunang malaya sa pagsasamantala
ng dayuhang imperyalista.Di natapos noong araw na yaon ang pananalasa
ng makabayang sigwa. Bumilang ng araw,
buwan, taon ang sambayanan.
Pwersado na ang mga hari na suhayan
ang haligi ng kanilang upuan
sa pamamagitan ng batas militar na di-makatarungan.Maraming taon ang nakalipas.
Patuloy ang sigwa sa paninibat ng kanyang kidlat
kulog at hangin.
Hanggang, isang araw ng buwan ng Pebrero,
Itinakdang napawi na rin daw
ang pasistang paghahari.Tatlong rehimen pa ang nagdaan.
Nag-aakala ang mga haring ito na di na magbabalik
ang unos na sumalakay
noong sigwa ng unang kwarto.Nagkakamali sila!
Muli na namang nagtitipon
ang mga kulog, kidlat at habagat.
Nag-iipong lakas para sa muling pagbugso
ng mas matinding pananalakay
sa pagsasamantala ng imperyalismo,
burukrata kapitalismo,
pasismo at pyudalismo.
Ang bulkan ay sasabog na anumang sandali.
Buhat sa pagtitipon natin sa lansangang ito,
Itatakda ng ating sigwa ang pagbawi sa layang
matagal ng ipinagkakait upang kamtin
ang isang lipunang demokratiko at sosyalista.Ang lipunang ito buhat sa ilulunsad nating bagong sigwa!
Ika-26 ng Enero, 2000/Indang, Kabite