home | about me | my articles | site map | links | guestbook |
« Sigh with the Moon | Ako si Pepe | Untitled » |
Ako si Pepe --Mayang Frigillana-- | ||
"Benrey, come here!" Napatalon ang batang himbing na himbing na natutulog sa kanyang upuan. Naglakad sa unahan, nagkamot ng ulo, pinilit sagutin ang tanong. Pinagpawisan ng malapot. Tahimik ang silid-aralan, maliban sa mga bulong sa di mawari kung sinasadyang mapalakas upang marinig ng lahat. "Kawawa naman 'to, kasimple-simple e." Nagtawanan ang ilan sa mga bata. Nilapitan ng guro si Benrey, inakbayan at binulungan. Nakayukong naglakad ang bata at pabulong na sinabing, "Maraming salamat po, Miss Mae." Malungkot na sinundan ng tingin ng guro si Benrey. "Okay class, I'll see you tomorrow." Buong maghapon ay mayroong pilit na gumugulo sa isipan ni Miss Mae. Hanggang siya ay sumakay sa FX papuntang Quiapo. Malakas ang hampas ng ulan sa labas, mabuti na lang at hindi siya inabutan nito. Pinagmasdan ang mga tao sa labas habang nagkakarandarapang humanap ng sisilungan. "Raul, come here! Answer this on the board!" Tinitigan kung papaano unti-unting naglaho ang mga tao sa kalsada. Lumapit ang labing-walong taong bata sa pisara, nagkamot ng ulo. Tungkol sa Chemistry ang tanong. Napansin ang pag-agos ng tubig kasama ang mga basura papuntang kanal. Matagal na nakaharap si Raul sa pisara. Hindi gumagalaw. Mukhang pinag-iisipang mabuti ang gagawin. Nahihirapan. Unti-unting naiinip ang mga kamag-aral. Ang iba'y nagbubulungan, ang iba'y nagtatawanan. Tap, tap, tap. Tunog ng sapatos ng kanyang guro. "Sit down! I don't want this to happen again, Raul." Ngunit ang bata ay waring walang narinig. Hindi gumagalaw sa pinagtatayuan. Merong nais patunayan, sa buong klase o sa sarili. Hinila pa ito ng guro papunta sa kanyang upuan. Sabay-sabay na pumutok ang tawanan ng mga kamag-aral. Kasama ata ako sa mga tumawa. Huminto ang FX sa may Quezon Avenue. Nagsakay ng isa pang pasahero. "Magandang tanghali." Tumingin sa buong klase at tumango. "Maaari na kayong umupo," ang sabi ng aming guro sa Filipino. "Kahapon pinag-usapan natin ang paghihingalo ni Elias sa may pampang at ang pag-aabot nila ni Basilio dito...kung paano nagkalat ng dugo si Elias. Sinong makakapagkwento kung ano muna ang nagpalitan sa dalawa bago napugutan ng hininga si Elias? Mae, alam mo ba?" Naputol ang pakikipagkwentuhan ko sa katabi ko. "Ah...eh...pasensiya na po sir. Hindi ko po alam." Naramdaman ko ang paggapang ng init sa mukha ko. Tumingin ako sa labas ng bintana. Napahiya ako. At sa pag-aabala ko sa sarili ko, napansin ko ang katabi. Si Raul. Mukhang nakalimutan na kaagad ang pagkakapahiya kanina sa Chemistry. Oo nga no, pareho kami ni Raul, pareho kaming hindi nakasagot. Ano nga bang alam ko tungkol kay Raul maliban sa malimit niyang hindi alam sa mga kasagutan...Ah, dalawa silang magkapatid, mahirap lamang sila at balita ko ay iniwan sila ng kanyang ama noong sanggol pa lang siya. Kaya't naiwan mag-isa ang kanyang ina upang alagaan silang dalawa magkapatid. Maliban doon ay wala na akong alam sa buhay niya. "Raul. Raul," pabulong na tawag ko kay Raul. "Raul." Ngunit parang walang naririnig ang katabi ko. Bingi ba talaga 'to? Dito ko napansin ang kakaibang atensyon na binibigay niya para sa aming guro ng Noli Me Tangere. Titig na titig si Raul at hindi siya kumukurap. Medyo nakabukas ang kanyang bibig, kulang na lang ay tumulo ang kanyang laway. Walang duda na paborito niya itong asignatura. Araw-araw pinagmamasdan ko na si Raul sa klase naming Filipino. At sa araw-araw na ito ay pare-pareho ang aking naoobserbahan. Bingi siya ng isang oras." Meron lang akong napapansin, unti-unting nagbabago ang kanyang hitsura at pagkilos -- ang kanyang katauhan. Ang dati niyang buhok na tayo-tayo, ngayon ay may pomada at may hati sa gilid. Ang kanyang payukong lakad ay naging tuwid at nagkaroon ng dignidad. Kapag siya ay kinkausap, malayo ang kanyang tingin at may kakaibang tono ang kanyang pananalita. Para bang dinadala ang kausap nito sa sinaunang panahon. Tumingin ako sa paligid, wala bang nakapapansin nito? Ayaw ko mang aminin sa aking sarili, nagkakahawig na ata sila ni Jose Rizal. Nagkibit-balikat na lang ako sa mga bagay na naiisip ko. Masyado lang siguro ako nanonood ng telebisyon. Lumipas ang araw, linggo, buwan at hindi ko na masyadong pinag-isipan pa ang pagbabago at ang kawirduhan ni Raul. Dumating din ang bakasyon, maligaya ako at ang lahat sa dalawang buwan na pahinga sa mga takdang-aralin. Mula noon ay hindi ko na nakita pa ulit si Raul. Asan na kaya siya? Nagulat na lamang ako ng isang umaga, nang makita ang isang maliit na artikulo sa sulok ng isang tabloid. Tungkol ito kay Raul. Estudayanteng idolo daw si Rizal. Sobrang idolo at dumating sa punto na akala niya na siya si Rizal. Naguluhan sa realidad at pantasya. Mayroong tumawag na kapitbahay, narinig daw ang hiyaw ng kanyang ina. Hiyaw ng sakit. Dumating ang pulis, inabutang duguan ang kamay ng batang si Raul. Nasa harapan ang duguan ring ina. Wala ang mata. Kung bakit nagawa ni Raul? Ang kuwento ng mga kapitbahay, palagi daw pinapagalitan si Raul sa kanyang kahinaan. Laging maririnig ang sigaw na "bobo," "tanga" at "walang kuwenta." Laging nakikita sa labas ng bahay pinatutulog. Ngunit hindi naman natutulog ang bata kundi nagbabasa lang habang lumuluha. Hindi daw nila ni minsan narinig sumagot sa kanyang ina. Kawawang bata daw. Tumakbo palabas si Raul ng kanilang bahay. Hinabol siya ng mga pulis. Tinatawag siya. "Raul! Raul!" Ngunit parang bingi ulit, hindi ito huminto. "Raul, huminto ka, sa ngalan ng batas!" Hindi man lamang tumingin si Raul sa likod. Tuluy-tuloy ang kanyang pagtakbo. Ang sabi ng mga nakakita, wala daw sa sarili ang hitsura nito. Nagpaputok ang isang pulis sa taas. Nagulat ang mga tao sa paligid. Huminto si Raul, nakatingin ng diretso, sumigaw, "Hindi ako si Raul!" Ang pangalan ko'y Pepe!" Sabay na tumakbo ng mabilis. Walang nagawa ang mga pulis, pinutok ng isa ang kanyang baril. Inasinta sa binti ni Raul. Sumubsob si Raul sa konkretong kalsada. Nagsigawan ang mga tao. Patay na si Raul. Kinilabutan ako nang nabasa ko ang balitang ito. Natakot ako. Nalungkot sa pangyayari. Ito ang naramdaman ko noon, bilang isang kaklase ni Raul. Lumipas ang maraming taon, ako ngayon ay guro na sa mababang paaralan. Naalala ko ang lahat ng mga panahon na pinagmasdan ko si Raul habang tinatalakay ang Noli Me Tangere. Hindi lamang pala niya ito paborito, obsesyon niya ito. Hindi ko noon naintindihan ang nangyari. Walang nakakaalam kung ano ang nasa isipan ni Raul ng mga panahon na iyon upang magawa ang krimen. Hindi nakayanan ang pang-aalipusta sa kanyang katauhan ng mismong ina. Naghanap ng katahimikan. Ibinaling ang atensyon sa kadakilaan ng bayaning si Jose Rizal. Maaaring naguluhan siya sa sariling katauhan. Napag-isa ang realidad sa pantasya. Maaaring siya ay pobre at mahina, ngunit sa kanyang abnormal at baluktot na pag-iisip siya ay isang bayani. Namatay siya na bayani. At dito siya nakahanap ng katahimikan. "Miss? Miss, ano ho? Di pa ba kayo bababa?" Nagising si Miss Mae sa matagal na pagkakatulala. Iritang nakatingin ang drayber sa kanya. Mag-isa na lang pala siya sa FX. Napansin niyang basa ang kanyang mukha. Marahil sa luha. Bumaba siya sa harap ng simbahan ng Quiapo. |
« Sigh with the Moon | Ako si Pepe | Untitled » |