TULOY ANG LABAN NG MASA

PARA SA DEMOKRASYA

 

Hindi namin niloko, hindi namin ginalit, hindi namin ginamit at lalong hindi namin inabandona ang masa. Ang People's Movement Against Poverty (PMAP) ay nagsimula, naninindigan at mananatiling kasama ng sambayanang Pilipino sa pagtuligsa sa kahirapan, inhustisya at anumang uri ng paninikil sa masa, lalung-lalo na sa mahihirap. TULOY ANG LABAN NG MASA PARA SA DEMOKRASYA.

 

EDSA DOS ang nanloko, nanggalit at nag-abandona sa masa

Ang kasulukuyang administrasyon at ang kanilang EDSA DOS ang nanloko, ang nanggamit, ang nagpagalit at nag-abandona sa masa. Sa EDSA DOS nagsimula ang ngitngit ng masa sapagkat naunawaan naming ang lahat ng naganap ay sabwatan at drama lamang ng malalaking negosyante, mga talunang trapo at mga heneral upang tanggalin sa pwesto si Pangulong Estrada na inihalal ng halos 11 milyong Pilipino na karamihan ay mga mahihirap. Hindi nila kinunsulta ang masa bagkus ay kinutya at minaliit ang mga lehitimong karaingan ng mahihirap at benalewala ang Saligang Batas at mga demokratikong proseso. Ang administrasyong Arroyo at ang kanyang mga kasabwat, kasama ang Simbahang Katoliko at mga mapagkunwaring "civil society" ang nanloko, nagpagalit, nanggamit, at nag-abandona sa masa. Dapat ding unawain ng malalaking "media network", na ang lalong nagpasiklab ng ngitngit ng masa ay ang mga negatibo, maling impormasyon at "bias" na pag-uulat. May panahon pa upang ituwid ang lahat. Ang tanging batayan ay ang tunay na kapangyarihan at interes ng higit na nakararaming bilang ng mamamayan.

 

Napatunayan ng EDSA TRES na insecure at walang suporta ng masa ang administrasyong Arroyo

Ang EDSA TRES na sinuportahan ng mahigit dobleng bilang ng EDSA DOS ay nagbilad sa kahungkagan at insecurities ng administrasyong Arroyo. Napatunayan nating ang militar ang tunay na nagluklok dito kabaligtaran ng sinasabi nilang suportado sila ng masa. Napatunayan nating malaking sabwatan lamang ito ng malalaking negosyo, talunang trapo at mga retiradong militar sa pamumuno ni Ramos at ng Simbahang Katoliko at "civil society" sa pamumuno ni Sin. Ginamit nila ang militar upang mag-aklas kay Estrada at ginamit nila ang media upang lokohin ang tao.

At dahil insecure sila sa EDSA TRES na nagpahayag ng tunay na damdamin ng masa at nagpakita ng Kapangyarihan ng Mahihirap (Poor is Power), ang mga galamay ng Administrasyong Arroyo ay ginamit nila ang mapayapang martsa ng mahihirap mula EDSA hanggang Mendiola upang magdeklara sana ng "Martial Law". Subalit, dahjl mapayapa talagang nagtungo sa Mendiola ang masa, kulang ang nalikha nilang "violence", kung kaya't "state of rebellion" na lang ang idineklara ni Arroyo at nanakot ng "warrantless arrests" at naglunsad ng pagsosona sa mga lugar ng mahihirap na "nagkataong base" ng mga kasaping organisasyon ng PMAP.

 

Gobyerno ang nagpasimuno ng gulo sa Mendiola sa inihanda nitong patibong sa masa

Ang PMAP ay lubos na kinukondena ang malawakang disinpormasyon at kasinungalingan ng administrasyong Arroyo sa panggugulo sa mapayapang martsa mula EDSA hanggang Mendiola. Sa Greenhills pa lamang ay inulan na ng "teargas" ang masa, inulit sa Sta. Mesa at Nagtahan. Sila ang gumalit sa masa upang papasukin sa isang inihanda nilang patibong. Kusang binitawan ng iilang pulis ang manipis nilang barikada sa J.P Laurel at Mendiola Bridge upang gisahin ang masa. Pinapasok ng mga pulis ang masa upang iumang sa mga baril ng "snipers" at armas ng mga sundalo at pulis na walang sawang nagpapaputok at walang awang namaril sa masa. Muli ninyong balikan ang mga video footages at makikita ninyong walang anumang kaguluhan ng dumating ang mga nagmartsa subalit napilitang gumanti ng bato at kahoy ang masa ng may binaril at bumulagtang kasamahan. Ang nakapagtataka pa, nagsisimula pa lang ang martsa mula EDSA ay nakaabang na ang lahat ng media network kasama ang napakaraming pulis sa Nagtahan at talagang inaasahan na ang pagtungo nito sa Mendiola.

Ginalit at pinilit nila ang masa upang lumaban at nilamanan pa nila ng mga ahente at "infiltrators" upang dagdagan ang kaguluhan. Nagtagumpay sila, namatayan ang masa, hindi ang pulis at militar. Napahiya ang administrasyong Arroyo ng sabihin niyang may namatay na dalawang pulis subalit napag-alamang wala pala at sa sobrang pagkapahiya ay binawi ang "state of rebellion" dahil walang sapat na batayan. Puro sila kasinungalingan at panloloko sa mamamayan.

Ang PMAP ay matibay na naninindigan na ang pagkilos ng mga mahihirap nuong Mayo 1, 2001, Araw ng Paggawa, ay lehitimong protesta at pagpapakita ng paninindigan at pagapapahayag ng karaingan sa pamahalaan at buong lipunan sa patuloy na pagpapabaya at pagbalewala ng administrasyong Arroyo sa interes at kapakanan ng mamamayang Pilipino,

 

State of rebellion, pagsosona at panlilibang ng mga artista ang tugon ng administrasyong Arroyo sa lehitimong karaingan ng masa

Ang parang panahon ng Hapon na pagsosona sa mga organisadong pwersa sa Maynila ay isang malinaw na pananakot sa mamamayan at mga lider ng masa upang sagkaan ang mga pulong na naglilinaw ng mga isyu at kampanya para sa mga kandidato ng Pwersa ng Masa. Matapos ang malawakang pananakot at paggamit sa "state of rebellion" ay ginamit naman ng administrasyong Arroyo ang mga artista upang libangin at aliwin ang masa at ilayo ang tunay na isyu ng kahirapan at inhustisya. Ginamit nila ang artista sapagkat takot at bahag ang buntot ng mga makinarya ni Arroyo at mga sipsip nitong "civil society" na humarap sa masa. Sa EDSA TRES, hindi artista at drama ang pinagsamahan ng masa bagkus ay mga lehitimong isyu ng mahihirap at ng sambayanang Pilipino.

 

Nagmartsa ang masa mula EDSA hanggang Mendiola dahil benalewala at pinagkaisahan ng administrasyong Arroyo at Media

Magmula pa sa "impeachment trial" ay ipinakita na ni Arroyo, "civil society" at media ang pagka-arogante nito sa mga mahihirap na sumusuporta kay pangulong Estrada. Laging negatibo ang paglalarawan at pag-uulat ng media hinggil sa mahihirap, katulad ng bayaran, hakot, bobo, basura, marungis, atpb. Sa EDSA TRES ay muli itong inulit, muling minaliit at kinutya ang protesta ng masa kahit na mas marami ang dumalo kaysa EDSA DOS. Noong Ika-30 ng Abril ay wala ng anumang ibinabalita sa malalaking istasyon ng radyo at telebisyon gayundin sa dyaryo tungkol sa EDSA TRES bagama't nandoon ang mga correspondents ng media mula sa halos lahat ng radyo, telebisyon at dyaryo. Noong hapon ng April 30 ay nagsara na rin ang Net25 at DZEC dahil sa pananakot at negosasyon ng administrasyong Arroyo. Inalisan ng boses sa media ang masa at wala ng pagpipilian kung hindi dalhin sa harap ng Malakanyang ang karaingan ng masa kung kaya't nagdesisyon ang masa na mag-martsa patungong Mendiola. Hindi na siguro dapat magtanong si Arroyo, mga akademiko, simbahan at media kung bakit nagalit ang masa, silang lahat ay bahagi nito sapagkat pinagkaisahan nila ang masa na nagkataon lamang na sumusoporta kay Pangulong Estrada.

 

Pagtataguyod ng Saligang Batas at respeto sa mga demokratikong proseso ang pangunahing isyu ng masa sa EDSA TRES

Nagtatanong ang masa kung bakit napalitan ang Pangulong Estrada na inihalal nila noong 1998 ng di naayon sa Saligang Batas at demokratikong proseso na itinatadhana ng mga batas. Hindi pa rin naman napapatunayan ang mga bintang at kasong isinampa nila laban sa Pangulo. Sapat na ba ang 300,000 rali-sabwatan lamang sa EDSA DOS upang palitan ang Pangulo? Demokratiko ba ito? Kinunsulta ba ang masa?

Hindi buhaw ang EDSA TRES sapakat punong-puno ito ng mga batayang prinsipyo ng konstitusyon at demokrasya. Kung nagsalita man ang mga pulitikong nagtungo sa EDSA TRES, naging bahagi ito ng programa ng lehitimo at mapayapang protesta sa paglilinaw ng mga isyu ng sambayanan. Bukod dito, malinaw din sa EDSA TRES na ang pagbabalik-iral ng Saligang Batas ay higit na magiging daan para sa mga programang laban sa kahirapan. Nilinaw sa EDSA TRES ang mga usapin ng pabahay, pagkain, kalusugan, kabuhayan at kaunlaran, demokratikong partisipasyon ng mamamayan sa pamamahala at hustisya para lahat.

 

EDSA DOS ang nagkudeta, EDSA TRES ang magbabalik ng demokrasya

Walang planong kudeta ang masa, demokrasya ang nais ibalik ng EDSA TRES. Sa kabaligtaran ang EDSA DOS at sabwatang Arroyo-Ramos-Sin ang nagkudeta at sapilitang nang-agaw sa kapangyarihang pag-aari ng masa. Sino ngayon ang dapat kasuhan ng rebelyon? Ang masa o ang nagkudeta sa EDSA DOS?

 

Sa Mayo 14, Tuloy ang pagkakaisa sa EDSA TRES

Sapagkat matibay na naniniwala ang EDSA TRES sa mapayapa at demokratikong proseso, lalahok ang masa sa Mayo 14 at muling gagamitin ang sandatang balota upang iluklok ang mga kandidatong nagtataguyod ng interes at kapangyarihan ng masa. Hindi kami nagpaloko, hindi kami nagpagamit, hindi kami basura. Hindi kami magpapaloko, hindi kami magpapagamit, hindi na kami basura, kami ay makapangyarihan sa balota.