Jose P. Rizal-25=

Rizal in Madrid at the age of 25

 

INSTITUSYONG PILIPINO 100

Dimalanta, Lea C. ika-2 ng Pebrero, 2004
01-18803 G. Nilo S. Ocampo


Book Rebyu ng: Istilo Ko: Rizal Romantik (Mga Tala ng Pag-asam at Pag-ibig)
May-akda: Nilo S. Ocampo
Inilathala ng: Lathalaing P.L., Diliman, Lungsod Quezon
Unang Pagkalimbag: 2001


“Sino ka ba Jose Rizal?Sino ka ba?…” Ito ay isa lamang sa mga linya ng awit ni Gary Granada na paulit-ulit na pinaparinig sa amin ng aming propesor sa aming klase. Marahil ay matatawa ang ilang tatanungin ng mga katagang ito dahil simula pa ng tayo ay magkaisip sio Rizal ay kilalang-kilala natin. Si Gat Jose Rizal ay itinuturo na sa atin mula elementarya hanggang hayskul lalo na sa bandang ikatatlo at ikaapat na taon. Ito ay bukod pa sa kung anu-anong bagay na makakapag-alala sa atin kay Rizal: nariyan ang mukha niya sa piso, maririnig mo sa awit, sa kalye at kung anu-ano pa. Kung ating iisipin, kilala na natin si Rizal, ano ba namang klaseng katanungan yan? Yan ang aking naisip noong magsisimula pa lang ang klase, subalit, pagkatapos kong basahin ang mga aklat na sinabi ng aming propesor, ako pa lang ang katawa-tawa dahil hindi ko pala talaga kilala si Rizal ng lubusan. Ang aking mga nalalaman sa loob ng halos dalawampung-taon na paninirahan sa mundo ay tuldok lamang ng kung sino talaga ang ating tinaguriang pambansang bayani ng Pilipinas.

Ang aklat na Istilo Ko: Romantik ni Ginoong Nilo Ocampo ay masasabi kong may kaibahan sa mga aklat na nabasa ko tungkol kay Rizal sapagkat ang mga aklat na iyon ay nasa perspektibo na ng mga awtor. Ang Romantik ay koleksyon ng mga sulat na ibinigay kay Rizal ng kanyang mga mahal sa buhay; mga sulat ni Rizal para rin sa kanila; mga tala ni Rizal tungkol sa kanyang bayan, babae; at mga eksperiyensya sa labas ng Pilipinas na masusing ginawan ng pagsasalin ng awtor na si Ginoong Nilo Ocampo. Mayroon ding mga ilustrasyon ng mga iskets nig bayani sa aklat. Upang maunawaang mabuti ang akda ay bingiyang diin ang salitang Romantik. Sa panimulang parte ng aklat ay sinabi ang deskripsyon ng pagiging Romantik: Ang “elementong romantiko tulad ng matinding pagnanais na ialay ang buhay sa bayan, ang damdaming makabayang tila isang simbuyo, ang paksa ng kamatayan sa iba’t-iabang kaanyuan, ang hiwaga at tunay na romantikong pag-ibig at marami pang iba…” Dito ko sisimulan ang aking pagsusuri. Paano ba naipakita ang deskripsyon na ito patungkol sa kanya samantalang tinagurian siyang isang napakataas na nilalang na akala mo ay hindi naging tao kahit minsan?

Sa lahat ng mga aklat na aking nabasa patungkol kay Rizal, ang Istilo ko pa lamang ang naglapit sa aking pagkatao kung sino ba talaga siya. Dahil ang mga nakatala sa aklat ay mula sa sulat kamay ng mga taong nabuhay sa panahong iyon—sa panahong nabubuhay pa ang ating pambansang bayani. Mas nabigyang diin kasi ang perspektibo ni Rizal tungkol sa mga bagay-bagay, tulad na lamang ng kanyang mga tala ng pag-alis sa bansa. Sinabi niya roon ang kanyang mga naramdaman habang siya ay papaalis at kung ano-ano ang nakita ng kanyang mga mata na naghatid sa atin tungo sa panahong iyon at sa mga bansang kanyang pinuntahan. Sa aking pagrerebyu ng aklat, nais kong isa-isahin ang mga kategoryang nilalaman nito at kung paano ba naipakita ditto ang pagiging Romantik ni Rizal.

Ang mga sulat na kanyang ginawa para sa kanyang pamilya at ganun din ng mga ito sa kanya ay nagpapakita lamang ng kanyang pag-alala sa kanila at kung paanong ang lungkot ng pagkakawalay sa kanila ay lumukob sa kanyang pagkatao. Naipakita rin ditto na kahit marami silang magkakapatid at milya ang layo sa isa’t-isa ay hindi iyon nagging hadlang upang mabawasan ang bigkis ng dugong pinagyaman ng kanilang pamilya. Lahat ng kanyang mga kapatid ay sumulat sa kanya at ganun din naman siya sa kanila.

Samantalang ang mga sulat naman ni Rizal para sa kanyang kamag-anak at kaibigan ganun din naman ito sa kanya ay nagbigay impresyon sa akin na maalalahanin si Rizal at naipakitang humingi siya ng tulong mula sa mga ito. Sa kabilang dako ay binigay din naman sa abot ng kanilang makakaya ang tulong na hinihingi ni Pepe.

Naisulat din ditto ang ilang mga akda ni Rizal—ang Noli at Fili at ang ilang mga kathang isip na ginawa niya. Ang mga parteng naisama sa Noli at Fili ay yaong may mga esensya ng pagiging “Romantiko” ni Rizal tulad ni Elia at Salome at ang piknik nina Maria Clara at Crisostomo. Ang pagsama ng kanyang mga akda ay naging malaking tulong upang lubos kong maunawaan ang pagiging romantik ng ating pambansang bayani.

May mga larawan ng mga iniukit ni Rizal at kanyang mga iskets ng iba’t-ibang taong kanyang nakapiling at mga bagay na kanyang nakita na may espesyal na ukit sa kanyang puso lalo na ang may kinalaman sa kanyang tinubuang lupa. Ang mga ilustrasyong ito ay nagpatibay lalo ng visualidad na gustong iparating ng awtor sa ikanyang mga mambabasa. Naramdaman ko habang binabasa ang bawat ang pahina nito tila kaharap ko talaga ang mga taong naisulat ditto lalo na ang mga babaeng kanyang minahal. Tulad ni Leonor Rivera at Josephine Bracken.

Ang pinakahuling masasabi ko ng nagpatibay sa pagiging Romantik ni Rizal ay ang kanyang mga liham para sa kanyang mga babae at ang mga liham ng mga ito sa kanya. Ang ating pambansang bayani ay nabibiyayaan ng brilyanteng pag-iisip at ubod tamis na dila na lahat halos ng mga kababaihan ay kanyang napaibig. Marahil ang kapansin-pansin na kahinaan ng mga babaeng ito ay ang mabubulaklak na pananalita ni Rizal at ayon nga sa pagkakasabi ng ilang liham, siya ay biniyayaan din ng magandang mukha. Oo, aaminin ko kung pananalita ang pag-uusapan, habang binabasa ko ang mga liham ni Rizal, napaibig niya na rin ako. Kaya hindi natin masisisi ang mga babaeng nahumalig sa ating si Pepe.

Siyempre, hindi mawawala ang pagiging Romantik ni Rizal sa kanyang sariling bansa. Ang ating tinubuang lupa ang bansang Pilipinas na animo siya ay isang mangingibig na ikamamatay ang pagkalayo sa kanyang minamahal na bansa.

Dalawang layunin ang naisakatuparan sa aklat na ito: una ay ang ipakilala si Rizal sa lahat ng anggulo at ikalawa ay ang ipakita na si Rizal at ay isang natural na Romantik. Pano naisakatuparan ang unang layunin? Sa librong ito ay nakilala ko si Rizal bilang isang Pepe, Jose, G. Jose Rizal, G. Jose Rizal y Maecado, Monsieur Rizal, Rizal, Dr, Jose Rizal at Laong Laan. Napakaraming mukha at napakaraming anggulo. Ngunit iisa lamang ang ugat ng lahat ng mukhang ito: ang pagiging Romantik. Nakilala kong si Rizal ay tao rin. Marunong magmahal at masaktan. Nalaman kong siya pala ay abot-kamay lamang at lahat tayo ay maaring maging tulad niya. Noon, inakala kong ang ating bayani ay hindi nagkamali kahit minsan at marahilk ay hindi nakaramdam ng kahit anong lungkot. Subalit dahil sa aklat na ito, nakilala ko ang pagiging tao ni Rizal, Isang aspetong hindi na mababasa sa ibang aklat.

Sa aking palagay ang Istilo Ko ay masasabing isang napakagandang koleksyon para sa ating mga Pilipino. Hayaan nawa ako ng awtor na purihin ang kanyang ginawang akda dahil ako ay natuwa at naipapaimbabawan ng mga kaisipang papuri para lamang sa kanya. Napakaganda ng aklat.

“Sino ka ba Jose Rizal?…”Ang aking natatanging sagot ay isa siyang taong biniyayaan ng pagiging Romantik at sariling istilo. Minsan sa isang panahon, si Jose Rizal ay naging tao rin.