TUNAY
NA BUHAY
Oct. 1996
I.
Lumilipas ang panahon, unti-unting nadarama
Sa buhay na ito’y hindi tunay ang ligaya
Isang saglit ay may ngiti, kapag daka’y may luha na
Kanina lang ay kay saya, bakit ngayo’y may lumbay na
II.
Buhay nati’y ‘di rin tunay dahil ito’y may hangganan
Ngayon puso’y pumipintig ngunit dagling pumapanaw
Dating lakas, dating sigla ngayo’y isang bakas na lang
Ala-ala ng kahapo’y naglalahong walang ano pa man
KORO
Kaya’t ang nais ko ay ang buhay na tunay na buhay
Doon sa paraisong ligaya ay walang hanggan
Tuwa doo’y walang sukat, walang makakapantay
‘Di ka na mangangambang ika’y muling malulumbay
III.
Huwag nating ilalagak itong isip sa may wakas
Mata nitong ating puso ay ititig sa itaas
Hirap nati’y mapapawi hahalinhan N’ya ng galak
Kung tayo’y magtitiwala sa Dios Ama nating liyag
REFRAIN
Si Hesus ang tumubos sa ating sala
Nang ating makamtan pagpapalang walang hanggan
Sa Kanyang pagbabalik nawa tayo ay magkita
Doon sa bagong langit buhay natin ay tunay na
(ULITIN ANG KORO)
(ULITIN ANG *)