HOME ABOUT ME SITE MAP ARTICLES OPINION SITE LINKS


ARTICLES

16 Hunyo 2002, Linggo

6:03 am

hapi fathers day! musta? (Mahigit isang linggo na kaming 'di nagkikita ng tatay ko. Inaayos ko pa kasi ang enrolment ko; tapos presswork sa Kulę kaya 'di na ako nakakauwi. Buti na lang nanood ako ng sine sa SM nung Biyernes. Sandamakmak kasing promo ad ang nakabalandra't nagsasabing: "Sige totoy, bilhan mo ng regalo erpats mo. Araw ng mga tatay sa Linggo." Ayan tuloy, wala akong excuse na makalimot na Fathers' Day ngayon.)


6:30 am

gcing n! anjan n ung serbis. (Tamad at laging late ang mga tao sa Kulę. Papunta kami dapat ngayon sa Munti para bisitahin si Donato Continente, isang bilanggong pulitikal na nagtrabaho rin sa Kulę 13 taon na ang nakakaraan. Sa tingin ko mahuhuli na kami. Alas nuwebe kasi ang kitaan sa Bilibid, pero hanggang ngayon, tulog pa ang mga tao.)


9:45 am

cge, snod k n lng. (Gustong humabol ng isa kong kaibigan. Hindi kasi siya nagising nang maaga. Napuyat daw. May katangahan na naman akong ginawa. Nagsuot ako ng orange "Free All Political Prisoners" shirt, 'yung may malaking "P" sa likod. Feeling fashion statement, e bawal pala 'yun sa Munti. Baka raw mapagkamalan akong preso. Napilitan pa tuloy akong bumili ng fit na t-shirt sa palengke.)


11:30 am

…(Bawal mag-text sa loob ng bilangguan. 'Di ko alam kung dala lang 'to ng puyat pero naiiyak ako habang nagsasalita si Donat. Kinukuwento niya 'yung mga nangyari nang dakpin siya ng mga 'di nakilalang tao. Tinalian siya ng alambre, sinakay sa kotse. Binugbog at tinortyur mula ala-sais ng hapon hanggang madaling araw. Pinapaamin kasi siya sa salang pagpatay kay James Rowe, isang Kanong militar na may mataas na katungkulan. Pinagbintangan pa raw siyang miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas. Gan'un pala 'yon. 'Pag naging suspek ka sa krimen, para ka na ring pinatay. Nilagyan siya ng hose sa puwet tapos binuksan 'yung gripo. Sili naman 'yung sumunod. 'Di pa nakuntento, binalian pa siya ng tadyang. Dapat kasi'y pumirma siya sa kasulatang nagsasabing siya nga ang pumatay. Nandoong pinadukot at pinapatay na rin ang kanyang kapatid. Hindi na raw niya nakayanan. Ayun, pumirma. Life sentence.)


12:00 nn

…(Hindi ko pa nararamdaman ang gutom. Paano mo ba naman maiisip busugin ang sarili kung alam mong ang mga nakapaligid sa iyo'y masahol pa sa gutom ang problema. Labingtatlo silang bilanggong pulitikal na narito, kasama na si Donat. Simula pa lang ng rehimeng Aquino, itinatanggi na ng gobyerno na meron pang mga katulad nila. Kasi raw, lahat ng political detainees napalaya na simula pa nang bumagsak ang diktadurang Marcos. Lahat kasi sila pinatawan lang ng mga kasong pagpatay o pangingidnap imbes na kasong pulitikal tulad ng rebelyon o subersyon. Pero buhay silang nagpapatotoo na nagsisinungaling lang ang pamahalaan. Marami nga sa kanila ang nagawaran na ng parole at nabigyan na ng mas mababang sentensya. Si Donat ay dapat nakalaya na noon pang Oktubre. Pero hanggang ngayon ay nakakulong pa rin siya. Siyempre, malakas ang hatak ng Amerika sa 'Pinas. Banta kasi ng naunang masisira ang relasyon nilang dalawa kung papalayain si Donat. Kaya mukhang wala na talagang kawala ang mga katulad ni Donat.)


2:15 pm

d ako mkksma. (Pupuntang Megamall ang pamilya ko. Nandito pa rin ako sa Bilibid. Si Donat, pinangakuan uling palalayain sa 2005. Naalala ko, sabi ng anak niya, "Tay paglaya mo punta tayong SM, ha?" Naisip ko, sikat pa kaya ang SM paglaya ni Donat?)


COPYRIGHT 2003 Xavier P. Gravides Department of Journalism, College of Mass Communication, University of the Philippines. All rights reserved.