Anakbayan Flag
Anakbayan

Welcome to Anakbayan CyberPage

Arouse, organize and mobilize the broadest numbers of Filipino youth towards the struggle for National Democracy with a Socialist Perspective!
Serve the People

PROGRAMA NG ANAKBAYAN

Itinatag ang ANAKBAYAN sa panahon ng ‘di mapapantayang krisis at atake sa kabuhayan at karapatan ng kabataang Pilipino. Lalong tumindi ang pambubusabos sa kabataang nagmula sa hanay ng manggagawa at magsasaka. Maging ang kabataang mula sa panggitnang saray ay hindi nakaligtas sa napakatinding pagbulusok ng kabuhayan. Ang pagguho ng mga ekonomiyang pinagharian ng dayuhang kapital ay lumikha ng malawakang disempleyong nagpapalala sa dati nang mataas na tantos ng disempleyo sa hanay ng kabataan. Ang ilang kabataan namang nakapagtatrabaho ay binabarat ang sweldo at niyuyurakan ang demokratikong karapatan sa pag-uunyon. Ang tumitinding pangangamkam ng lupa ay nagpapalala sa pyudal na kaayusan sa kanayunan. Maraming kabataan ang pinagkaitan ng kabuhayan, napipilitang lumikas sa mga lungsod o di kaya ay ang mangibang-bayan. Ang mga kabataan sa komunidad ng maralitang tagalunsod tulad ng kanilang mga magulang ay palagiang nakaharap sa marahas na demolisyon at malawakang dislokasyon para bigyang daan ang mga dayuhan sa kanilang mga negosyo. Ang mga kabataan mula sa panggitnang saray ay labis na nahihirapan sa pasanin sa edukasyon. Taun-taon ay libu-libong kabataan ang humihinto sa pag-aaral at napipilitang magtrabaho, karaniwan bilang mga kontraktwal na nagtatamasa ng pinakamababang sahod.

Noong Nobyembre 30, 1998, sa ika-135 kaarawan ng dakilang lider rebolusyunaryong si Andres Bonifacio at ika-34 na anibersaryo ng pagkakatatag ng KABATAANG MAKABAYAN, nagtipun-tipon ang kabataan mula sa hanay ng manggagawa, magsasaka, estudyante, maralitang lungsod, pambansang minorya, at kababaihan. Malinaw ang layunin ng pagtitipon ─ harapin ang matinding atake ng imperyalismo sa trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng isang samahan ng kabataan mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Ang ANAKBAYAN ay itinayo bilang isang komprehensibong organisasyon ng kabataang Pilipinong nagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang ANAKBAYAN ay bahagi ng nagpapatuloy na pambansa demokratikong rebolusyon ng Katipunan at produkto ng muling pagsigla at pagpanibagong lakas ng pambansa demokratikong kilusan. Kaya’t ito’y isang patunay na habang may mga kabataang tulad natin ay magpapatuloy at magtatagumpay ang Pambansa Demokratikong Pakikibaka hanggang sa maitatag ang bago at mas maunlad na sistemang panlipunan sa hinaharap.

Ang ANAKBAYAN at ang Makasaysayang Papel ng Kabataan

Ang kasaysaan ng Pilipinas ay kasaysayan ng pakikibaka laban sa kolonyal at mala-kolonyal na naghahari at mga lokal na nagsasamantala. Sa bawat yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ay matatagpuan ang mga pagsisikap ng kabataang Pilipino na baguhin ang mapang-aping sistema ng isang progresibo at maunlad na sistema. Hindi iilan ang kabataang naghahangad ng mas magandang kinabukasang kaiba sa bulok na sistemang umiiral. Batid natin ang kabayanihan ng mga nagbuo ng Katipunan. Kalakhan ng mga naging kasapi nito ay ang mga kabatang nasa kasibulan ng kanilang buhay. Mga dakilang bayani tulad nina Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Gregorio Del Pilar ay mga huwaran ng katapangan at sigla ng kabataang inialay para sa bayan. Ang kanilang batang edad ay hindi naging hadlang sa kanilang paglahok sa paghuhubog ng bansang Pilipinas.

Sa panahon ng ligalig ng dekada ’60 at ’70 sa pangunguna ng mga organisasyong tulad ng  KABATAANG MAKABAYAN, ipinakita ng kabataang Pilipino ang marubdob na hangaring ibagsak ang dayuhan at lokal na paghahari sa bansa. Ang makasaysayang Sigwa ng Unang Kwatro (First Quarter Storm) ay naghudyat ng panibagong pagsigla at pagsulong ng buong rebolusyunaryong kilusan sa pangunguna ng uring manggagawa at mahigpit na nakasanib sa kilusan ng anakpawis. Nang ipataw ang batas militar, daan-dang kabataan ang tumugon sa panawagang magpunyagi sa armadong rebolusyon. Maraming  kabataan ang nagbuwis ng buhay habang lumalaban sa pasistang diktaduryang US-Marcos.

Tunay na mahalaga ang kilusan ng kabataan para sa anumang naghahangad ng pagbabago. Sa panahon ng rebolusyong 1896 hanggang sa pagpapatuloy nito sa  pambansa-demokratikong rebolusyon ng bagong tipo, pinatunayan nito na ang kabataan ay di masasaid na balon ng salin-lahi ng rebolusyon. Ang kabataan ang kinabukasan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino kung kaya’t mahigpit ang pangangailangang pagkaisahin sila sa bandila ng pambansang demokrasya.

Sa isang lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal, kalakhan ng kabatan ay nagmumula sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka. Sila ang dumaranas ng matinding pagsasamantala. Ang kabtaang estudyante, bagamat bumubuo lamang ng maliit na bahagi ng kabataan, ay isang konsentrado at mahalagang saray ng peti-burgesyang lungsod. Ang kabataang estudyante, intelektwal at propesyunal ang pinagkukunan ng teknikal at intelektwal na suporta ng naghaharing sistema. Ang mga kabataan sa komunidad ay napapabilang sa mga manggagawa at mala-manggagawa. Ang mga kabataan na mula sa aping sektor ng lipunan ang pangunahing tutok ng pagbubuo ng komprehensibong organisasyon ng kabataang Pilipino.

Ang komprehensibong organisasyon  ng kabataang Pilipino ay isang batayang pwersa ng pambansa demokratikong pakikibaka. Ito ang magtitipon sa rebolusyunaryong potensyal ng kabataang Pilipino para sa pakikibaka ng sambayanan. Nagiging makapangyarihan itong pwersa kapag naisasanib sa makapangyarihang kilusan ng mamamayan.

Ang kabataan din ay nahahati sa dalawang panig ng kasaysayan: isang naghahangad ng pagbabago, at isang kumakapit sa lumang kaayusan. Maging ang naghaharing uri ay mulat sa paglalansi ng kabataan para panatilihin ang bulok na kaayusan. Ang kawalan ng komprehensibong organisasyon ng kabataan ay kapakipakinabang sa naghaharing uri. Sa pamamagitan nito tayo ay nagpupunyagi na makabig ang pinakalawak na bilang ng kabataan para sa panig ng pagbabago.

Ang ANAKBAYAN ay isang komprehensibong organisasyong naglalayong pukawin, organisasyon at pakilusin ang kabataang Pilipino para sa pambansa demokratikong pakikibaka para at isanib ang lakas at sigla ng kabataan sa kilusan ng mamamayan. Komprehensibo ang ANAKBAYAN dahil ang organisasyon at kasapian nito ay nakaugat sa malawak ng masa ng manggagawa at magsasaka, komunidad maralitang komunidad maralitang lunsod, kabataang estudyante, pambansang minorya, propesyunal, kawaning publiko at iba pang aping sektor. Ang ANAKBAYAN ay bahagi  ng pagpapatuloy ng di pa tapos na laban ng rebolusyong 1896 sa kasalukuyang panahon ng imperyalismo. Dala nito ang masaklaw na programang pampulitika ng pambansa demokratikong pakikibaka. Naniniwala ito na ang tunay na kabuluhan ng kilusang kabataan ay matatagpuan sa pagsanib nito sa kilusan at pakikibaka ng mamamamyang inaapi.

Ang ANAKBAYAN ay humahalaw ng aral at inspirasyon sa mga naunang kilusang  mapagpalaya tulad ng Katipunan. Inilalaan nito ang kanyang lakas at sigla para sa pagpapatuloy ng di pa tapos na laban ng rebolusyong 1896 sa kasalukuyang panahon ng imperyalismo. Dala nito ang masaklaw na programang pampulitika ng pambansang demokratikong pakikibaka. Naniniwala nito na ang tunay na kabuluhan ng kilusang kabataan ay matatagpuan sa pagsanib nito sa kilusan at pakikibaka ng mamamayang inaapi.

Ang ANAKBAYAN ay humahalaw ng aral at inspirasyon sa mga naunang kilusang mapagpalaya tulad ng Katipunan. Inilalaan nito ang kanyang lakas at sigla para sa pagpapatuloy ng di pa tapos na laban ng lumang demokratikong rebolusyon ng 1896. Ang ANAKBAYAN ay humahalaw din ng aral at inspirasyon mula sa maningning na tradisyon ng Kabataang Makabayan na siyang nagsilbing unang komprehensibong organisasyon ng kabataan para sa pambansang demokrasya.

Mula ng ipataw ang Batas Militar, wala pang naging katumbas ang KABATAANG MAKABAYAN bilang isang komprehensibong organisasyon ng kabataang Pilipino. May matagal ng panahon ding napabayaan ang ganitong tipo ng pag-oorganisa na nagpakitid sa pag-oorganisa sa kabataan sa mga estudyante lamang. Patuloy ding nagpapalalim ang ANAKBAYAN sa mga inabot ng mga nauna nitong organisasyon ng kabataan tulad ng LEAGUE OF FILIPINO STUDENTS, STUDENT CHRISTIAN MOVEMENT at KABATAAN Para Sa Demokrasya at NASYUNALISMO o KADENA. Pinupunan ng ANAKBAYAN ang matagal ng pangangailangan para sa isang organisasyong pupukaw, mag-oorganisa at magpapakilos ng libu-libong kabataang naghihintay abutin ng pambansa demokratikong mensahe at kilusan.

Tungkulin din ng ANAKBAYAN na tumulong sa pagbubuo ng ‘di matitinag na pagkakaisa ng lahat ng progresibong pwersa ng lipunang upang ibayong isulong ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan sa lahat ng larangan ng lipunan: ekonomiya, pulitika, kultura at relasyong panlabas.

Sa Larangan ng Ekonomiya

    Naninindigan ang ANAKBAYAN na ang tanging landas para sa tunay na pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas ay ang pagpapabagsak sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo. Tanging sa pagwawasak ng mala-kolonyal at mala-pyudal na kaayusan malulunasan ang malawakang kahirapan ng mamamayan at atrasadong katangian ng bansa.

    Naninindigan ang ANAKBAYAN para sa pambansang industriyalisasyon. Kinakailangang lagutin ang paghahari ng monopolyo kapital sa ekonomiya ng bansa. Ginagamit ng monopolyo kapitalismo ang pyudalismo bilang panlipunang batayang kapakipakinabang sa dayuhang kapital. Pinanatili nitong bansot at lubhang ‘di pantay ang pag-unlad ng ekonomiya.

    Ang makabayang industriyalisasyon inilunsad sa planadong paraan ang magtitiyak na tumutugon ang industriya sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan at hindi ng dikta ng dayuhang kapital. Ang mga batayang industriya, ang siyang pundasyon ng ekonomiya ay isasakamay ng mamamayang Pilipino at maglilingkod sa interes ng mamamayan. Ang mga lokal na industriya na winawasak din ng monopolyo kapital ay pauunlarin din bilang bahagi ng ekonomiyang tumutugon sa kagyat na pangangailangan ng nakakarami.

    Pinaglalaban ng ANAKBAYAN ang pagwawakas sa lahat ng ‘di pantay na tratadong pang-ekonomiyang kinakatawan ng GATT-WTO, mga dikta ng IMF-WB, Mining Act of 1995, Foreign Investment Act, General Appropriations Act para sa dayuhan, pautang, Oil Deregulation Act, atbp., na nagpapahirap sa mamamayan at sumasagka sa tunay na kalayaan. Tinututulan ng ANAKBAYAN ang mga patakarang deregulasyon, liberalisasyon, at pribatisasyon na nagbubukas sa Pilipinas para sa mas matinding pandarambong ng imperyalismo.

    Naninindigan ang ANAKBAYAN para sa tunay na repormang agraryo na siyang magwawakas sa mga labi ng pyudalismo. Ang tunay na repormang agraryo ay batayang kundisyon para magtagumpay ang pambansang industriyalisasyon. Tutol ang ANAKBAYAN sa patakarang land conversion, dayuhang pagmimina, dayuhang pag-aari ng lupa, at paglabag sa pambansang patrimonya. Ang repormang agraryo ang bubuwag sa monopolyo sa lupa at magbibigay ng kondisyon para sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka.

    Tanging sa paraan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo, at sa sosyalistang pag-unlad nito lamang magkakaroon ng magandang kinabukasan ang kasalukuyang kabataan. Tanging sa ganitong paraan mabibigyang lunas ang malawakang kawalan ng trabaho, mababang pasahod, kawalang benepisyo at serbisyong panlipunan, epidemya, under employment at matinding kahirapang sumasaklot sa milyon-milyong kabataan sa kasalukuyan.

Sa Larangan ng Politika at Relasyong Panlabas

Ang ANAKBAYAN ay naninindigan para sa isang estadong tunay na malaya sa kontrol at dikta ng dayuhan. Bagamat nagwakas ang tuwirang pangongolonya ng US sa bansa noong 1946, pinalitan naman ito ng sunud-sunod na papet na rehimeng kontrolado ng dayuhang kapangyarihan.

Dapat magkaroon ng pagbabago sa kasalukuyang pamahalaan hindi lamang sa simpleng usapin ng porma ng gubyerno kundi lalo pa mismong makauring katangian nito. Naniniwala ang ANAKBAYAN na tanging ang gobyernong nakabatay sa alyansa ng manggagawa at magsasaka ang magsusulong ng interes at mithiin ng nakararaming Pilipino. Dapat wakasan ang gubyernong pinaghaharian ng dayuhan at iilan, at palitan ng demokratikong gubyernong bayan.

Sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan ay siil ang karapatang sibil ng kabataan. Hindi rin nabibigyan ang kabataan ng sapat na puwang para sa partisipasyon sa pampulitikang buhay ng bansa. Naninindigan ang ANAKBAYAN laban sa mapanupil na batas at patakaran sumisiil sa karapatan ng mamamayan.

Ang patuloy na presensya ng dayuhang pwersang militar ay palagiang pagmumulan ng sigalot sa bansa. Tutol ang ANAKBAYAN sa anumang tratadong naglalayong palawigin ang pwersang militar ng US sa bansa. Kabilang dito ang anumang tangkang ibalik ang base militar ng US, mga tratado para sa access ng pwersang militar tulad ng VFA, at sa patuloy na control ng US sa AFP at PNP. Ang mga ito ay nananatiling instrumento ng karahasan laban sa mamamayan. Pinangangalagaan ng pwersang militar ng US ang pang-ekonomiya at pampulitikang interes nito sa bansa.

    Naniniwala ang ANAKBAYAN sa nagsasariling depensa ng bayan na nakaugat sa malawak na pagkakaisa at lakas ng mamamayan.

    Ang ANAKBAYAN ay naninindigan para sa pandaigdigang pakikipagkapatiran lalo na sa mga kabataan at mamamayang nakikibaka sa kolonyalismo at imperyalismo. Ang imperyalismo ang salot sa kabataan sa buong mundo.

Sa Larangan ng Kultura

    Ang ANAKBAYAN ay nagsusulong ng makabayan, siyentipiko at makamasang kultura at edukasyon. Ito ay bilang pagkilala na ang kasalukuyang bansa ay kolonyal, pyudal at labis na mapanupil sa progresibong kaisipan. Masisasig ang imperyalismo sa kanyang propaganda ng mga anti-nasyunal, atrasado at dekadenteng mga pananaw na naglulugmok sa maraming kabataan sa makasarili at anti-sosyal na tunguhin.

Nagsusulong din ang ANAKBAYAN sa pagkilala sa karapatan ng kababaihan at paglaya nito sa patriyarkal na lipunang Pilipino. Kaya’t matapat na binabaka ang pyudal at burgis na pagtingin sa kababaihan. Kinikilala at iginagalang din ng ANAKBAYAN ang mga positibong aspeto ng katutubong kultura. Kaya tutol tayo sa ginagawang komersyalisasyon at bulgarisasyon dito ng kasalukuyang gobyerno.

Ang makabayan, makamasa at siyentipikong edukasyon ang susi ng paghuhubog ng kultura ng bayan. Dapat wakasan ang lahat ng hibo ng dayuhang dikta sa edukasyon lalo na sa pamamagitan ng World Bank, JICA, USAID, at iba pang multilateral at pribadong institusyon ang ANAKBAYAN ay naninindigan para sa libreng edukasyon sa lahat ng antas. Ito ay hindi hamak na mas kapakipakinabang  kaysa taunang pagbabayad ng dayuhang pautang. Naniniwala din ang ANAKBAYAN na kailangang paunlarin ang pag-aaral ng agham at teknolohiya para maglingkod sa pambansang industriyalisasyon.

Nakalaan din ang ANAKBAYAN sa pagbibigay ng mag opurtunidad at puwang sa kabataan para sa pagpaunlad ng malikhaing potensyal na taliwas sa mga anti-mamamayan, dekadente at makasariling aktibidad na binibigyang suhay ng kasalukuyang sistema. Layunin ng ANAKBAYAN na magsanay ng kabataan na maging bahagi ng edukasyong  naglalarawan sa tunay na kalagayan ng mamamayan, gawaing kultura, gawaing sibiko at gawaing pagpaunlad ng komunidad.



Home