Ang Pag-ibig Ko (music now playing)
Words and Music by Anthony Buenavista

Hindi ko maintindihan
Ang aking nararamdaman
Tuwing ika'y naaalala
Ang iyong ngiti't ang iyong mukha
At kabuuan ng iyong pagkatao
Na umaapaw sa kagandahan at talino
At kabutihan ng loob
Na lumilitaw sa sansinukob
Katwiran sa gitna ng gulo
Sa di maintindihan kong mundo
Katibayan ng nakatagong hiwaga
Paalala sa aking pananampalataya
Na ang lahat ay may landas
At maipaliliwanag ang wakas
Kung saan di makalihis
Kung kailan ang marumi ay malilinis
Kasing linis ng iyong kaluluwa at hinahangad
Na sa iyong pakikitungo'y naisasaad

Ang kinabukasa'y naghihintay
Nananawagan sa ating buhay
Kung saan tayo'y mag-iisang dibdib
At ipapahiwatig wika ng pag-ibig

Mga ibong umaawit
Sa bubungan ng aking silid
Paru-parong lumilipad
Lumulutang at napapadpad
Sa mga talulot ng mga bulaklak sa umaga
Na sa tulong ng hamog sa hardi'y bumubunga
At ang lahat ng mga ito
Ang siyang nagkakalat ng bango
At hanging ating natatamo
Sadyang ganyan ang pag-ibig ko
Katulad ng simoy na sumisipol sa bintana
Na nagpapahinahon sa init niyaring pagnanasang
Magtagumpay para sa iyo
Upang mahaplos ang iyong puso
O di kaya'y mapasaya
Ka lamang sa iyong ginagawa
Kung maaari lamang sa akin ay malipat
Ang paghihirap mo ako'y magpapasalamat

At lulubusin ang pagtulong ko
Bilang kahalili ng inialay mo
Sa ating pakikipagkaibigan
Na aking kailangan
Magpasawalang-hanggan

Langit ng aking mundo
Sagisag ng paraiso
Karagatang umaalon
Pinananggalingang talon
Kung saan patungo ang batis niyaring buhay
Ikaw ang nagpapahiwatig ng tunay
Na pag-ibig at pag-asa
Ginhawa sa pagdurusa
Na umaakay sa puso
Sadyang ganyan ang pag-ibig ko
Ikaw lamang ang siyang sugo ng pangarap
At aaruga sa akin sa aking mga hinaharap
Na suliranin at hamon
Na nagugunita ko na ngayon
Mga gubat na tatahakin
Mga ilog na lalanguyin
Nawa'y giliw di ka mawalay sa aking piling
Ito lamang sa iyo ang aking hinihiling

Ang kinabukasa'y naghihintay
Nananawagan sa ating buhay
Kung saan tayo'y mag-iisang dibdib
At ipapahiwatig wika ng pag-ibig

Itutuloy ko ang pagsuyo
Pangangahalagaan ang inialay mo
Sa ating pakikipagkaibigan
Na sadyang kailangan
Magpasawalang-hanggan!

         copyright 1989 Anthony Buenavista

Email Anthony Buenavista
Open the ZakSalamander site