Siya... at ang katulad niya
    Hindi lumalagpas ang isang araw na hindi ko siya nakikita, na hindi ko siya natititigan, na hindi ko nadarama ang damdaming bumabalot sa pagkatao niya. Buong akala ko kilala ko na siya ngunit hindi pa rin pala. May pagkakataong hindi ko pa rin siya maintindihan. May mga sandaling gusto kong itama ang mga mali sa kanya ngunit hindi ganoon kadali, dahil marami siyang dahilan, may sarili siyang pananaw sa mga bagay-bagay. Kaya wala akong magawa kundi ang intindihin siya. Wala akong magawa kundi ang hayaang dumaloy ang luha sa mga mata niya, ang hayaan siyang isipin ang mga bagay sa paraang gusto niya, ang hayaang ilabas ang hinanakit at kalungkutan niya. Minsan gusto ko nang mabingi sa mga paulit-ulit niyang tanong, sa mga paulit-ulit niyang daing. Pero gaya ng kung ilang daang beses na, wala akong magawa kundi ang pakinggan siya, ang hayaan siya.

     Paano ko ba siya tutulungan kung hindi ko rin alam ang mga sagot sa mga tanong niya, kung hindi ko rin mabigyan ng positibong pananaw ang ilang pangyayari sa buhay niya? Pero ganun pa man, heto pa rin siya, patuloy pa rin sa buhay. Sa kabila ng pagluha natutunan niya pa ring ngumiti at tumawa, sa kabila ng kalungkutan pinipilit niya pa ring maging masaya, sa kabila ng kawalan naghahanap pa rin siya ng mapanghahawakan dahil alam niya wala rin namang mangyayari kung bibigay siya sa kahinaan ng loob at sobrang awa sa sarili. Alam niya na hindi titigil ang mundo sa pag-ikot kung hihinto siya. Alam niya na hindi maghihintay ang mundo para sa kanya. Kaya naiintindihan ko kung bakit pilit niyang ibinabalik ang lahat sa dati, dahil kailangan, dahil iyon ang nararapat.

     Gaya ng dati maaga na naman siyang bumabangon para pumasok sa trabaho. Sa gabi ko na nga lang siya natitingnan ng mabuti dahil lagi siyang nagmamadali sa umaga. Okey lang iyon, at least hindi na siya masyadong nag-iisip pa ng kung anu-ano para lamang dumaan ang isang araw. Hindi na siya mamumroblema kung ano pa ba ang dapat niyang gawin sa bahay para lamang maging abala siya. Pero di pa rin maiiwasan na minsan may mga gabing kahit pagod na ang katawan at gusto nang pumikit ng kanyang mga mata, ayaw pa ring tumigil ang isip niya, nagtatanong na naman, paulit-ulit. At ang mga matang kahit nakapikit na ay naglalabas pa rin ng mga luhang dulot ng sari-saring emosyon. Minsan parang ayaw matulog ng gabi, ayaw tumigil ng utak sa paglakbay, ayaw sumuko ng takot. Gusto na niyang mapagod pero hanggang salita lamang, hindi siya maaring sumuko sa laban ng buhay. Kaya nga naitatanong niya, ganoon ba siya katatag para pagdaanan ang lahat ng ito? Sabi nila, hindi ka raw bibigyan ng pagsubok ng Diyos kung hindi mo ito kayang lagpasan. Ganoon ba siya kalakas kaya binibigyan siya ng ganitong pasanin?

     Naitatanong nga niya paano nga ba magdasal? Paano nga ba makipag-usap sa Kanya? Kailangan bang magmemorya ng iba-ibang panalangin para pakinggan ka? Kailangan bang sumigaw, umawit, humagulhol para marinig ka Niya? Pero naisip niya, hindi na niya kailangan pang magsalita para marinig siya ng nasa Itaas. Kahit na minsan may halong pagdududa, pilit pa rin siyang naniniwala na may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat, ang mahirap nga lang hindi niya alam kung bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito. Hindi madali para sa kanya ang magkaroon ng hindi normal na kalagayang pisikal, hindi madali para sa kanya ang mawalan ng minamahal sa buhay, hindi madali para sa kanya ang mahulog ng wala man lamang sinuman na sasalo, hindi madali para sa kanya na dumaan sa isang karamdamang walang kasiguraduhan kung hanggang kailan at saan aabot, hindi madali para sa kanya na mangarap at umasa sa isang pagkakaibigan at mabigo, hindi madali sa kanya ang isiping maging pasanin siya ng mga taong malapit sa kanya. Kaya hindi rin naging madali sa kanya na sagutin ang tanong kung bakit kailangan niyang dumaan sa ganito. Ang dami nang bagay na hindi ibinigay sa kanya, ano ba pa ang sa kanya’y puwedeng ipagkait?

     Kung kasalanan man ang magtanong, wala siyang ibang hinihingi kundi kapatawaran at pang-unawa dahil sinasadya man o hindi, magkaroon man ng kasagutan o wala magtatanong at magtatanong pa rin siya. Alam niyang hindi siya nag-iisa, alam niyang marami ring katulad niya na nagtatanong at patuloy na magtatanong.

     Panibagong araw na naman, heto na naman siya, hindi ko lang basta tinitingnan kundi tinititigan, gusto kong basahin ang mga mata niya dahil alam kong may mga tanong na naman akong makikita. Pero umiiwas siya, pinawalan niya ang isang matipid na ngiti na para bang nagsasabing, “Okey lang ako, kaya ko ito, hindi ko kailangang mabuhay sa takot at kalungkutan. Ang lahat naman ng iyan ay nasa isip lang.”

     Ang lahat naman ng iyan ay nasa isip lang… sana nga… sana nga hindi na maramdaman pa ng puso ang sinasabi ng isip at sana hindi na kailangang makita pa sa mga mata ang tunay na nilalaman ng puso at ng di na lumabas sa boses ang lungkot na dulot ng mga pangyayaring naglalaro sa isipan.

      
                                                                                                
  09 April 2005
Back to Stories