![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
Why Can't It Be? | ||||||||||||
Mahal kita, mahal mo siya Mahal niya ay iba. Mas mapalad ka, mahal kita Sa aki’y walang nagmamahal… Iyon ang awiting naabutan mo sa pagbukas mo ng radyo. “Ano ba naman ito, pati ba naman music sa radyo nakikisali pa sa bigat ng nararamdaman ko ngayon?” Sa inis mo nilipat mo sa ibang istasyon. Maybe it’s wrong to say please love me too Coz I know you’ll never do Somebody else is waiting there inside for you. Maybe it’s….. Hanggang doon na lang ang narinig mo sa awitin dahil pinatay mo ang radyo at muntik mo nang itapon sa inis. Hindi mo alam kung bakit pero pati yata ang panahon di ka rin pinaligtas dahil kanina pa walang hinto sa pagbuhos ang ulan. Kaya sa halip na lumabas at aliwin ang sarili, heto ka ngayon sa kuwarto mo, nakahiga, nag-iisa. Alas dos na nang hapon, ang lakas pa rin ng ulan, ang lamig ng paligid. Masarap sanang matulog ayaw ka namang dalawin ng antok. Pero pinilit mo pa ring ipikit ang iyong mga mata, sa pagpikit mong iyon nandoon ang kadiliman. Wala kang nakikita, pero ang katotohanan ay di nawawala, di kayang tabunan ng kadilimang iyon ang damdaming bumabalot sa pagkatao mo ngayon. Kasabay rin ng pagpikit mo ang pagbabalik ng sari-saring ala-ala. Tulad ng eksena sa isang teleserye. “Mahal mo si Christian. Si Christian mahal niya si Ara. Si Ara mahal niya si Leo, mahal din naman ni Leo si Ara. Ikaw, paano ka?” Pakiramdam mo ng mga sandaling iyon ikaw si Mary Ann na kausap ng lalaki sa teleseryeng Sana’y Wala ng Wakas. Di ka naman mahilig manood ng mga teleserye nagkataon lang talaga na di ka pa inaantok ng gabing iyon kaya naisipan mong manood na rin ng teleseryeng paboritong pinapanood ng nanay mo gabi-gabi, at ang eksenang iyon ang naabutan mo. “Oo nga naman, paano ako? Sinong magmamahal sa akin?” Naitanong mo sa sarili mo. Kung iisipin nga mas masuwerte pa rin siya kasi kahit di siya mahal ng minamahal niya at least naman nandiyan ka na nagpapakatangang mahalin siya. Samantalang ikaw, walang nagbibigay sa iyo ng damdaming katulad ng ibinibigay mo sa kanya. “Sayang ‘no? Sana kung di lang ako naging duwag noon, sana kung sinabi ko lang sa kanya na matagal ko na siyang gusto, na matagal ko na siyang mahal baka sakaling nabigyan pa ng pagkakataon na maging kaming dalawa.” Naalala mong sinabi niya sa iyo minsan. Mas pinili mo ang huwag nang sumagot o magsalita sa sinabi niyang iyon. Mas pinili mo ang manahimik. Sa katahimikang iyon tinitingnan mo siya, samantalang siya nakatingin sa malayo. Walang ibang laman ang isip mo sa pagkakataong iyon kundi siya na katabi mo lang, samantalang siya alam mong ang babaing iyon ang iniisip niya. Si Teresa. Si Teresa na kasama ang minamahal niya na kani-kanina lang ay nakita ninyong magkasamang lumabas ng campus, magkahawak-kamay. Bakit ba naman kasi ganoon ang nangyari? Saan nga ba nagsimula ang lahat? Kailan ba nagsimulang mahulog ang damdamin ng lalaking mahal mo kay Teresa, noong naging kaklase n’yo siya sa isang subject? Noong nagkaroon ng play ang grupo ninyo at silang dalawa ang napagkasunduang gumanap bilang Romeo at Juliet? Siguro nga dahil sa play na ‘yon, dahil doon na nagsimula ang tuksuhan sa kanilang dalawa. Dahil bagay daw sila. Samantalang ikaw, nakikisabay na lang, nakikitawa. Hindi lang nila alam na lihim kang nasasaktan. Sino nga ba naman kasi ang nakakaalam na mula pa noong highschool sobra na ang paghanga mo sa kanya. Lihim mo na siyang minahal noon at hanggang ngayong pareho na kayong nasa kolehiyo ay siya pa rin ang laman ng puso mo. Kung tutuusin pareho lang kayo ng kalagayan, pareho kayong nagmamahal sa taong may iba nang minamahal. Pareho lang kayong natakot na ipaalam sa mga mahal ninyo ang tunay ninyong nararamdaman. Natakot ka dahil baka masama ang kalalabasan kapag sinabi mo sa kanya ang damdamin mo at higit sa lahat hindi naman dapat dahil babae ka. Kahit pa sabihing ginagawa na ng ibang babae na sila ang unang aamin sa lalaki, sa loob mo hindi mo pa rin kaya. Siya naman ganoon din, alipin din siya ng takot na baka iba ang maging dating kay Teresa kapag nagtapat siya. Baka hindi na siya pansinin nito at baka masira ang pagkakaibigang namamagitan sa kanila. Sabi pa nga niya “Baka hindi pa ito ang tamang panahon, hahanap lang ako ng tamang tiyempo.” Ngunit ang tamang panahon ay di na yata darating dahil isang araw nabalitaan n’yo na lang na sinagot na ni Teresa ang lalaking matagal na palang nanliligaw sa kanya. Nakita mo kung gaano nasaktan ang lalaking mahal mo sa katotohanang iyon. Pero katulad mo, nandiyan pa rin siya, umaasa. Mahal pa rin niya si Teresa at wala kang magawa dahil hindi lang siya ang nasasaktan sa sitwasyon kundi ikaw man ay nasasaktan din. Sa pagkakapikit, dahan-dahan mong iminulat ang iyong mga mata. Nanlalabo ang paningin mo, hindi dahil sa matagal-tagal mong pagkakapikit, kundi dahil sa mga luhang nag-uunahan sa pagpatak. Hanggang kailan ka ba masasaktan? Mabuti pa ang ulan, tumigil na pero ang pagmamahal mo sa kanya nandiyan pa rin. Mabuti pa ang mga teleseryeng pinapanood ng nanay mo, kaya mong hulaan ang ending nito, pero ang kuwento ng pag-ibig mo di mo alam kung saan patutungo. Alas kuwatro na ng hapon, naisipan mong buksan ulit ang radyo… Why can't it be Why can't it be the two of us Why can't we be lovers Only friends You came along At a wrong place, at a wrong time You came along At a wrong place, at a wrong time Or was it me……… Patapos na ang kanta. Hindi mo na nilipat ang istasyon o pinatay ang radyo. Bakit pa? Totoo naman…. May mga bagay lang talaga na gustuhin man natin sadyang di pupuwede, at kung mangyayari man, sadyang tadhana lang ang nakakaalam. Napabuntung-hininga ka, saka mo pinakawalan ang isang ngiti… isang mapait na ngiti… 22 May 2004 |
||||||||||||
Back to Stories | ||||||||||||
![]() |
![]() |
![]() |