|
I've known you for so long You are a friend of mine But is this all we'd ever be? I've loved you ever since You are a friend of mine And babe is this all we ever could be?
Gasgas na ang kuwentong ito tulad ng lyrics ng kanta, iba-iba lang ang pagkakasulat pero iisa lang ang kahulugan. Ang iba nga paulit-ulit ko nang nababasa, napapanood sa t.v., sa pelikula, naririnig sa mga kuwento ng kaibigan ko, ng kaibigan ng kaibigan ko, at higit sa lahat paulit-ulit ko ng naririnig sa sarili ko. Ilang beses na nga ba? Pero bakit kahit ilang ulit ng nangyayari di pa rin mawala, nandiyan pa rin ang pakiramdam na masaya ka kahit nasasaktan ka. Ilang magkaibigan pa ba ang kailangang maging biktima? Ang iba nga talagang nasisira ang pagiging magkaibigan, paano kasi nagkakailangan na, nagkakaiwasan. Masuwerte na lang sa iba na napapanatili pa rin ang closeness sa kabila ng lahat. Sa kabila ng damdamin ng isang higit pa pala sa pakikipagkaibigan ang naramramdaman ngunit di naman kayang tugunan ng taong kanyang pinag-aalayan.
You tell me things I've never known I shown you love you've never shown But then again, when you cry I'm always at your side You tell me 'bout the love you've had I listen very eagerly But deep inside you'll never see This feeling of emptiness It makes me feel sad But then again I'm glad
Pero may mga naduduwag pa rin na aminin ang lahat, na sabihin ang totoo, paano nga kasi kung mag-iba ang lahat. Paano kung imbes na makabuti maging dahilan pa para lumayo ang isa. Pero paano naman pala kung hinihintay ka lang din niya na magtapat, na magkatulad din pala ang nararamdaman ninyo sa isa't isa. Buti nga sana kung ganoon, eh paano kung hindi, anong mangyayari? Di ka lang mawawalan ng minamahal, mawawalan ka pa ng isang malapit na kaibigan. Di ba ang hirap, ang dami n'yo nang pinag-usapan, sabay kayo sa ganito sa ganyan, lakad dito lakad doon, tawanan, kantiyawan, kung minsan may tampuhan pero nagkakabati din naman. Konting lambing lang ngingiti ka na, kasi nga di mo naman magawang magalit o magtampo ng matagal sa kanya. Marami na rin siyang sinabi sa'yo, naikuwento na niya halos lahat. Kapag nagtatampo siya sa nanay niya, kapag napagsasabihan siya ng tatay niya, kapag nag-aaway sila ng kapatid niya, kapag naiinis siya sa ibang kabarkada niya, nararamdaman mo kung ano ang nararamdaman niya. Kapag ibinili siya ng nanay niya ng bagong sapatos na gustung-gusto niya, kapag dinagdagan ng tatay niya ang allowance niya dahil matataas ang grades niya, kapag nagkakatuwaan sila ng kapatid niya, kapag may lakad ang barkada, di ba masaya ka rin para sa kanya? At ganoon din naman siya sa iyo kapag ikaw naman ang nagkukuwento, nandiyan din siya para samahan ka sa lungkot at saya. Magkaibigan nga raw kasi kayo eh, di ba?
Magkaibigan... pero bakit di mo alam kung matutuwa ka o malulungkot kapag nababanggit niya ang katagang iyan na ang tinutukoy ay kayong dalawa. Bakit biglang nagugulo ang isip mo't damdamin na katulad ng nararamdaman mo kapag naikukuwento niya sa'yo ang tungkol sa babaeng nagpapatibok ng puso niya? Bakit kapag sinasabi niya na nag-away sila at parang gusto na niyang tapusin na ang lahat sa kanila, di mo alam kung malulungkot ka dahil kitang-kita mo kung papaano siyang nagdurusa, o matutuwa ka dahil kahit papaano madadagdagan na naman ang oras na kayong dalawa ang magkasama. At kahit papaano masasabi mong baka sakali ma-realize niya na ba't kailangan niya pang maghanap at tumingin sa iba gayong nandiyan ka lang naman at abot kamay na niya.
Kung masasabi mo lang sana at maunawaan niya't bigyan ng tugon ang tunay mong damdamin... sana'y walang katulad mo na mabubuhay na lamang sa pangarap, sana'y walang katulad mo na maghihintay kung kailan niya malalamang walang ibang sinisigaw ang puso mo kundi siya, sana'y walang katulad mo na sasarilinin na lamang ang katotohanan... sana'y walang katulad mo... at sana'y wala ring katulad ko...
Pero di mo naman siya masisisi, hindi naman kasi puwedeng mamili ng mamahalin, tulad mo, di mo naman piniling mahalin siya di ba? Di mo naman sinadyang maghangad ng higit pa sa kung anuman mayroon kayo ngayon. Basta na lang nangyari, basta mo na lang naramdaman. Kaya kahit papaano nagagawa mo na ring makuntento, sa kabila ng sakit, sa kabila ng patuloy na pagkukunwari, basta't masaya lang siya, basta't ngumiti lang siya...
But then Again.... Then Again... Then Again I'm glad..
06 April 2004 |
|