Akala ko...
    Sabi nila marami raw napapahamak sa maling akala. Pero noong mangyari 'yun sa akin, okey lang di naman ako napahamak, medyo nasaktan lang. Kasi naman ikaw eh! Bakit kasi masyado kang mabait, lagi mo akong kinakausap, tapos panay pa ang ngiti mo. Hay! ayan tuloy lumukso ng pagkataas-taas ang puso ko at kung saan-saan lumipad ang isip ko. Ang layo na tuloy ng narating ng mga pangarap ko. Mga pangarap na hanggang pangarap na lang pala.

     Kailan at saan nga ba nagsimula ang lahat? Dati na naman kitang nakikita, di ko pa nga lang alam ang pangalan mo noon, may hinahanap ka kasi ako ang tinanong mo. Nang hindi mo makita ang hinahanap mo nag-iwan ka sa akin ng mensahe para sa kanya tapos sinabi mo ang pangalan mo, tinandaan ko naman. Medyo inis pa nga ako sa iyo noon eh, kasi nakukulitan ako sa'yo. Ang pagkikita nating iyon ay naulit pa, pero di pa rin kita masyadong napapansin. Hanggang isang araw kinausap mo ako, 'yung dating di ko napapansin sa'yo napansin ko na, ang mga mata mo, ang ngiti mo, ang kilos mo, ang buong ikaw. Hindi man natin napag-uusapan ang maraming bagay, maaaring di man kita lubos na kilala pero mula ng araw na iyon pakiramdam ko ang gaan-gaan na ng loob ko sa'yo.

     Ang pagkikita at pag-uusap ay nasundan pa, minsan nga sinasadya kong huwag kang masyadong pansinin baka kasi mahalata mo na bumibilis ang tibok ng puso ko kapag kaharap kita. Nakakahiya mang aminin pero minsan kahit di naman mainit pinagpapawisan ako ng malamig kapag kausap kita. Di ko alam pero basta parang bigla na lang akong namumula at kung hinahawakan mo lang ang mga kamay ko sa tuwing magkaharap tayo, tiyak magugulat ka dahil sinlamig na ng yelo ang mga palad ko. Pero puwede ba namang dedmahin kita ng matagal, eh kahit nga nakatalikod ka at di naman tumitingin sa akin para na akong lumilipad. Hindi ko nga maiwasang mapangiti habang tinitingan kita kahit di ka naman nakaharap sa akin. Hanggang sa dumating ang pagkakataong tinatanong ko na ang sarili ko kung ano ba talaga ang nararamdaman kong ito para sa iyo. Siguro paghanga nga lang ang lahat. Paghangang kahit saan ako'y laging ikaw ang iniisip ko, lalo na kapag mag-isa lang ako. Kapag nasa sasakyan, kapag naglalakad, kapag nakaupo, ikaw at ikaw pa rin kahit bago matulog at paggising sa umaga. Paghangang habang tumatagal lalong lumalalim at tumitibay.Paghangang minsan naghahanap na rin ng pagpapahalaga galing sa iyo. Kung alam mo lang sana na hindi nakukumpleto ang araw ko kapag di kita nakikita, na nanghihinayang ako kapag natatapos na ang pag-uusap natin at nagkakahiwalay na tayo. Kung alam mo lang sana na lagi akong naghihintay sa pagdating mo.

     Siguro masyado lang akong nagpakalunod sa nararamdaman ko na ang bawat kilos mo't galaw ay binigyan ko ng kahulugang naaayon sa kagustuhan ko. Akala ko kasi may ibang kahulugan ang mga ngiting iyon, ang bawat sulyap, ang bawat banggit mo sa pangalan ko. Hindi pala ganoon iyon, nagkamali ako. Sana nga di ka na lang naging mabait sa akin, sana di mo na lang ako pinansin, sana di mo na lang ako kinausap, sana di ka na lang nakikipagbiruan sa akin, sana di ka na lang nagtanong, sana di mo na lang ako tiningnan, sana.... sana...

     Pero matagal na iyon, kapag naaalala ko ang mga panahong iyon nangingiti na lang ako. Minsan nga kapag binalik-balikan ko sa aking ala-ala ang mga eksena nating dalawa parang gusto kong matawa sa sarili ko pero aaminin ko nandoon pa rin ang kilig, ang ngiti sa puso ko. Pero hanggang doon na lang 'yun kasi nga isang maling akala lang lahat.... Akala ko kasi mayroon pero wala pala... :-( 





                                                                                                       07 April 2004
Back to Stories