Himagsikan Ng Mga Pilipino Laban sa Kastila

ni Artemio Ricarte

 

Ika-Apat na Bahagi

c. — Sina GG. Emilio Aguinaldo, Luciano San Miguel at Vibora — Noong ika-6 ng hapon nang ika-25, araw na ikinakuha ng mga kastila sa bayan ng Imus, ang tatlong ginoong nasabi, ay nagsilagay sa dakong labas na malapit sa kabayanan at ang tangka'y maharang ang mga kastila sa pagtungong San Francisco de Malabon, Nobeleta at Cavite el Viejo Nang di makatagpo ng mabuting pook na dapat katayuan, sina GG. San Miguel at "Vibora'y" nagsiuwing kasama ang lahat nilang mga kawal, gayon din ang ginawa ni G. Aguinaldo, na umowi raman sa Naik at dito'y nagkasakit siya nang may kalubhaan sa loob ng dalawang linggo.

d. — Nang isa sa mga huling araw ng Marso, 1897,— ang mga kastila'y umalis sa Imus; nagsipagdaan sa mga lupang sakahan sa dakong timog ng kabayanan ng Cavite el Viejo at nagsipasok sa lupang sakop ng San Francisco de Malabon hanggang mangakarating sila sa nayon ng Bakaw ng naturang bayan. Sa pook na ito'y natagpuan nila ang pangkat ni G. Andres Bonifacio, saka ang mga tao ng Magdiwang. Pinaglunggatian ng mga naghihimagsik na ang mga kastila'y mapabalik sana muli sa Imus, ngunit walang nangyari. Nagsitulog noon ang mga kastila sa naturang nayon ng Bakaw, at nang kinabukasan, ay nasilakad, na ang malaki nilang pangkat ay naliligiran ng maraming kalabaw at mga kabayong napaghuli nila sa mga kaparangan at sila'y nagsitungo sa asyenda ng Teheros, ngunit nilusob ng buong higpit ng mga kawal ni Tenyente Heneral San Miguel, ni Koronel Antonio Virata at Koronel Esteban San Juan, ng Komandante Montalan, kasama pa ang mga sariling kawal ni G. Andres Bonifacio. Sa pagurong sa labanang ito ng mga kastila, ay nakuha nila ang Nobeleta, at ang tanggulan nitong, di nagahis kailan man, ay napilitang iwan ng mga tanod na pinangunguluhan ni Heneral San Miguel. Sa mga namatay sa labanang ito, ay kabilang ang isang nagngangalang Gregorio Dampot.

35. —Mga bagay-bagay at pangyayari sa buwan ng Abril, 1897. —

a — Nang nagsisimula pa lamang ang buwang ito,— si G. Andres Bonifacio at "Vibora" ay lumusob sa mga kastilang nasa Nobeleta, at bagaman gayon na lamang ang naging kasiglaan sa pakikilaban ng mga naghihimagsik, na tumagal tuloy ng maghapon, ay di rin nagbunga ng kasyahang-loob. Kasama naman sa nangapatay ang isang nagngangalang Juan Munti, na ang bangkay ay naiwan sa pintuan na rin halos ng tahanang kinahihimpilan ng mga kastila.

b — Pagkakuha ng San Francisco de Malabon. — Noong ika-7 o 9 ng umaga, ang mga kastilang pinangunguluhan ni G. Francisco Valencia (Talang 19 at 20), ay nagsialis sa Nobeleta at kanilang sinalakay ang San Francisco de Malabon; sa pagsalakay na ito, ang mga kastila't naghihimagsik ay nagkaroon ng isang labanang napakahigpit at madugo. Marami sa mga sumalakay ang nasawi gayon din naman sa mga naghinimagsik; katunaya'y halos kalahati sa mga tao ni G. Andres Bonifacio ang nangamatay, dahilan sa banal na pagtupad sa kanilang sinalita nang di pa nangyayari ang pagsalakay ng kaaway, na anila: "Dito'y iiwan namin ang amin-aming mga buhay", palibhasa, sa bayang Mapagtiis ay nagtamo sila ng mga pagmamahal at mabuting pagtingin ng mga taong-bayan. Kabilang sa mga nasawi ang Komandante Pio Bayot, Lucio at Valeriano Poblete (ama at anak), Nicomedes at Cornelio Esguerra (ama at anak), Juan Broas, ang anak ng nasawing Kapitan, G. Mariano San Gabriel, isang nagngangalang Vicente Pulot, Santiago Sangafiar at ang Kapitan-Ayudante at Kalihim ni "Vibora" na si G. Francisco Arnaldo.

Dapat din namang banggitin na si Heneral G Pio del Pilar at kanyang maraming kawal at isang maliit na pangkat ng Imus na pinangunguluhan ng isang Komandante, ay nagsigibik sa pagtatanggol ng San Francisco de Malabon; ngunit bago magsimula ang paglalabanang nasabi na, ay nagsialis din nang walang anomang paalam sa tnga pangkat na nasa pook ng Tarike. Nakuha nga ng mga kastila ang bayan, at pagkaraka'y sinunog nila ang maraming bahay sa harap ng simbahan, mula sa dakong silangan hanggang kanluran Nang sumunod na araw sa pagkakuha ng San Francisco de Malabon, sina "Vibora", ang Heneral ng Brigadang G. Nicolas Portilla at iba pa, mula sa Katibayan (Buenavista) ay nagsitungo sa bayan ng Kampupot (Aliang, Santa Cruz de Malabon ó Pangwagi) at sa pagpapatuloy nila sa dakong Indang (Walangtinag), ay natagpuan dito si G. Mariano Trias Closas sa piling ng kasintahan niyang si Bbng. Maria Ferrer, kasama nito ang ama at ang kapatid na si G. Luis Ferrer. Itong mga huli ay luha-luhaang nagpapaalam sa naturang pinunong Trias, na siyang nagtulot upang ang kanyang magiging biyanan at mga anak nit6, ay magsiharap na at pumailalim sa kapatawaran ó "amnistia" na ipinagkakaloob ng pamahalaang kastila, sanhi sa pagkakuha sa bayan ng Nobeleta ng mga pulu-pulutong na kastilang pinamamanihalaan ni Heneral Lachambre. Maraming salin ng pamahayag tungkol sa amnistia ng mga kastila ang kanilang ipinadala bago salakayin ang San Francisco de Malabon, at sa mga bayang nasa kamay pa noon ng mga naghihimagsik at sa iba pang pook, sa pamamag-itan ng mga taga Santa Kurus de Malabon, na gaya ng naiulat na'y, nagpahalata sila (taga Tansa), nang mga una pang sandali, ng pagwawalang bahala at panghihinabang ng loob sa ating mga kawal, lubha pa nga nang makuha na ng mga kastila ang Imus at Nobeleta. Ang mga taga Santa Krus de Malabon, ay nagpamalas ng tunay na kapootan sa mga naghihimagsik, sa katunaya'y isa man halos sa mga mag-aanak na lumalayo sa pook ng labanan, dahil sa pagkahulog na sa mga kastila ng kanilang bayan, ay di pinatutuloy (ng mga taga Tansa) sa kanilang mga bahay o looban kaya; sa dahilang ito, ang lahat ng mga naghahanap ng sukat mapangublihan, ay sa Naik o sa Indang kaya nagtutungo, mga bayang tumatanggap naman sa kanila (ang mga alsang balutan) ng buong pagtingin at habag.

Si G. Francisco Valencia, nang nasa Nobeleta na, kasama ng mga kastila, ay nagpadala rin ng mga sugo sa kanyang bayang Santa Krus de Malabon, upang ang mga tagaroon ay magsipaglagay ng bandilang puti sa kanilang mga bahay-bahay, tanda ng pagsuko, bagay na sinunod nga ng lahat, mula noong kinabukasan ng pagkakuha ng San Francisco de Malabon. Ang Santa Cruz de Malabon ay nakuha nang walang laban at kapagkarakang makapasok doon ang nmga kastila, ay pumailalim na sa "amnistia" ang Ministro de Guerra ng pamahalaang Magdalo, na si G. Daniel Tirona at ang Heneral ng Brigadang G. Juan Cailles. Itong huli, nang magtatag ng pangkat ng mga kusang-loob (voluntarios) si G. Valencia, ay dagling humarap na maging kawal at pumisan kay G. Jose del Rosario, ang abogadong ipinagmamapuri at inihahalal ni G. Daniel Tirona sa Teheros.

Pagdating nina "Vibora" at mga kasama sa Indang at mabatid na wala roon ang pamahalaang Magdiwang, ay nagsipatungo ng Naik at dito na dinatnang napapanatag ang Magdiwang at ang Magdalo sa piling ng Ktt. Pangulo ng Katipunan, G. Andres Bonifacio.

Bago magmahal na araw (Semana Santa) nang taong 1897, ang dalawang pamahalaan ng iMagdiwang at Magdalo, ay nagsisiiral sa Naik, at ang kanilang mga hukbo, ay nagsilagay sa pampangin ng ilog Timalang. Ang mga pinuno ng Magdiwang ay nagsipagtangkang lusubin ang mga kastilang nasa sa Santa Cruz de Malabon, ngunit ang balak na ito'y hindi natuloy, dahil sa mga kata-katang nakasusuklam na kinapatayaan ng mga kagawad ng dalawang pamahalaang nasabi, na kapwa natatayo sa isang maliit na bayan.

c — Pagkabalita ni G. Andres Bonifacio na ipinasya ng pamahalaang Magdalo ang pagpapalaya sa mga kastilang bihag na nasa kanilang kapangyarihan, ay ipinagpautos sa kanyang mga kawal na hulihin ang mga nangasabing bihag pati kanilang tagahatid na noo'y nabalitang patungo na sa dakong Santa Cruz ng Malabon, at iharap sa kanyang natatalibaang mabuti. Naganap ang kanyang ipinag-utos at ang mga hinuli ay dinala sa bahay-asyenda ng Naik, na siyang kinalalagyan noon ng pamunuan ng Ktt. Pang-ulo ng Katipunan at ng sa Magdiwang; kasama sa mga kastilang nahuli si Heneral Mascardo, at ang Ministro ng asyenda ng Magdalo na si G. Cayetano Topacio. Kumalat ang balita ng naturang pagkahuli, at nang malaman ni G. Emilio Aguinaldo, ito'y nagtungo sa pook na kinalalagyan ni G. Bonifacio at nang silang dalawa'y magkita ay sinabi ni G. Bonifacio ang gaya ng sumusunod:- "na ang sinomang katipunero'y may kabig ó wala man, ay may tungkuling humadlang sa pagharap ó kaya pagsuko ng sinomang pilipino, sa mga pinuno ó kaya sa kapangyarihan ng mga kaaway, lalung-lalo na ng mga pinunong pilipinong tanyag na tanyag na; sapagkat ang Katipunan ay itinatag, upang pumatnubay sa Panghihimagsik hanggang sa matamo ang layon, na di iba't ang "Kalayaan ng bayan"; at sapagkat humarap na sa mga pinunong kastila ang dalawang bansag na kagawad ng Pamahalaang Magdalo, ay ibig niyang mailagang gayahan ng iba ang gayong gawi, na totoong nakasisirang-puri sa Panghihimagsik. Si G. Emilio Aguinaldo ay sumagot at nagpaliwanag din na ikinasiyang loob ng lahat ng kaharap noon; kayat nanauli ang dating pagkakasundo tuloy nagyakapang mahigpit ang dalawang pinuno pati naman ang mga nakaharap.

d — Paglusob sa mga bayang Sto. Tomas at Tanawan, Batangan, ng mga naghihimagsik. —Ang mga kawal ng pangpook ng Pamahalaan ng Batangan na pinamumunuan ng kanilang Heneral G. Miguel Malvar, at saka ang mga tao ng mga Heneral Lucino at Portilla (Nicolas), sa lilim ng pamamahala ni 'Vibor4", ay nagsilusob sa mga bayang nasabi na sa unahan at sa kinatatayuang lugal ng mga kastila sa nayong yaong pinanganganlang Bilug-bilog. Nagkaroon ng mahigpit na labanan; ngunit sa huli, ang mga naghihimagsik ay napaurong na marami ang sugatan at may ilang patay.

e — Sa likod ng Pasko ng Pagkabuhay ng taong 1897— Nang matamo na ni G. Emilio Aguinaldo ang pagkagiliw sa kanya ng marami sa mga pinunong naghihimagsik, ay kanyang pinairal ang kapasyahang pinagtibay sa Kapulungan sa Teheros at ang sa Kombento ng Santa Cruz, at sa gayo'y tinipon niya ang mga kagawad ng pamahalaang Magdiwang sa isang hayag na pagpupulong; ito ang patuluyang nagpasya at nagtatag ng Pamahalaan ng Republika Pilipina, sa lilim ng ganitong pagkakabuo:

Pang-ulo, G. Emilio Aguinaldo; Pangalawa, G. Mariano Trias Closas; Kapitan Heneral, "Vibora"; Direktor de Guerra, G. Emiliano Riego de Dios; Direktor del Interior, G. Pascual Alvarez; Direktor del Estado, G. Jacinto Lumbreras; Direktor de Hacienda, G. Baldomero Aguinaldo; Direktor de Fomento (Instruccion, Comercio y Obras Publicas), G. Mariano Alvarez; Direktor de Justicia, G. Severino de las Alas.

Matapus malagyan ng tao ang mga naturang tungkulin, ay pinagkaisahan ng lahat ng magkakasama sa tagong pamahalaan, na baguhin ang mga sagisag at palatandaang dati ng mga kawal sa hukbo.

36 — Mga bagay-bagay at pangyayarirng mahalaga sa buwan ng Mayo hanggang sa pagdating sa Biyak-na-Bato ni Aguinaldo.—

a. — Nang mnga huling araw ng Abril 6 mga unang araw ng Mayo ay tinipon ni G. Andres Bonifacio ang kanyang mga kabig sa nayon ng Limbon, Indang, sa nasang umalis na sa lupang Kabite, at magtungo sa kabundukan ng San Mateo (Maynila) at sa mga kabundukan ng Bulakan. Samantalang inaantabayanan ang kanyang mga tao, na sa pagsunod sa kanya'y nagsipatungo rin sa lupang Kabite, at samantalang inaantay niya ang pagbabalik ng mga kawal niyang nagsisiyasat ng kanilang mabuting pagdaanan. ay maraming mga litaw na taga Kabite, kabilang sa kanila'y si G. Severino de las Alas at ang Koronel Jose Coronel, ang nagharap kay G. Emilio Aguinaldo ng ilang sumbong(???) laban sa naturang si G. Andres Bonifacio. Ilan sa mga sumbong ay itong mga sumusunod:

Na, ang nasabing si G. Andres Bonifacio ay binayaran ng mga prayle, upang magtatag ng Katipunan at ibunsod ang bayang pilipino sa digma ng walang sandata, laban sa Pamahalaang Kastila na sagana sa lahat ng kailangan, ukol sa pakikibaka.

Na, ang nasabing G. Bonifacio ay nag-utos sa kanyang mga tao na sunugin ang simbahan at kombento ng lndang kung makuha ng mga kastila ang kabayanan. Na, ang mga kawal ni G. Bonifacio ay nagsisikuha, sa pamamag-itan ng lakas, ng mga kalabaw at iba pang mga hayop na pangsaka na pinapatay at kinakain nila.

Na, si G. Bonifacio ay may tangkang sumuko na sa mga kastila, pati kanyang mga kawal.

Pagkabatid ng Pang-ulo ng Republika Pilipina sa naturang mga sumbong (???), ay dagling ipinadala sa Limbon ang mga Koronel Agapito Bonzon at Jose Pawa, kasama ang kani-kanilang mga tao ng taganas na barilan. Sa Limbon ay tinanong sila ni G. Bonifacio kung saan magsisiparoon at nagsisagot na lumabas lamang sila, upang makapagsiyasat; kaya nagsipagpatuloy ng lakad pagkatapus na sinusundan ng Koronel Julian Montalan; ngunit pagdating nila sa Banay-banay, Amadeo, ay nagsipihit din muli sa Indang. Kinabukasan ng umaga, ang mga kawal ni G. Andres Bonifacio na noo'y nakabantay sa daan ng nayong Limbon, ay nilusob na’t sukat ng pangkat ng nagsibalik doong mga Koronel Bonzon. at Pawa at agad nilang napatay ang matandang kapatid ng Supremo na si G. Ciriaco Bonifacio, at pagkatapus ay hinandulong na nila ng mga kasamang kawal ng namatay, hanggang sa mangahuli at maalisan silang labat ng sandata.

Pagkarinig sa putukan, si G. A. Bonifacio at isa pang kapatid niyang si G. Procopio, saka ang mga kasamang G. Alejandro Santiago, G. Francisco Carreon, G. Apolonio Samson, G. Antonino Guevara at iba pa, ay nagsidalo sa pook na pinangyayarihan ug gulo; ngunit babahagya pa silang nakalalapit, ay sinagupa na sila nina Bonzon at Pawa. Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng leeg. Nang anyong bibigyan uli ng isa pang saksak si G. Bonifacio, ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: "Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!" Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid. na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauricio, isang,binatang nag-aaral pa na nagngangalang Leon Novenario, na naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na mapagtatandaan ang mga panga-pangalan. Ang labat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di binigyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tungkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magkapatid.

b— Sa likod ng dalawang araw mula sa pangyayari sa Limbon kina GG. Bonifacio, ay sinalakay at nakuha ng mga kastila ang Naik, bagama't gayon na lamang ang ginawang pagtatanggol ng mga naghihimagsik na nangapaurong sa Maragundong. Naagaw din ng mga kastila ang bayan ng Indang, na dahil sa kakulangan ng punlo ng mga naghihimagsik ay nagkaroon lamang ng sandaling labanan at ang ating mga kawal ay nagsilipat sa nayong Dainé, Indang, na ginawang bayan ng Himagsikan at nginalanang Labong, bilang parangal kay G. Mariano Trias Closas, na nagtaglay ng gayong pamagat sa panahon ng paghihimagsik. Buhat sa Labong ay inilipat uli ang himpilan ng himagsikan sa Kaytitingga, isang nayon ding ginawang bayan at pinamagatang Mainam, sa kapurihan naman ng Pang-ulo ng Sangguniang-Lalawigang Magdiwang, G. Mariano Alvarez na gumagamit ng gayong pamagat ó simboliko.

Maraming mga dating nayon lamang ng Kabite bago maghimagsik ang nagawang bayan dahil sa karamihan ng naninirahang tao, gaya na nga ng mga nasabi na. Kaya ang dating nayong kilala sa ngalang Buenavista ng San Francisco de Malabon, ay ginawang bayan at pinamagatang Katibayan, pagpaparangal bilang kay G. Diego Mojica, Kagawad-Kayamanan ng Magdiwang na siyang may gayong sagisag sa Katipunan; ang nayong Aliang ng Santa Cruz ay bininyagan namang Kampupot, na siyang pamagat sa Katipunan ni G. Ariston Villanueva, Kagawad-digma ng Magdiwang, at ang dating nayong Binakayan, Cavite el Viejo, ay pinanganlang Bakay.

c. — Nang nasa Maragundong na ang pamahalaan ng Republika Pilipina, si G. Feliciano Jocson ay dumating at mula sa liwasan ng kabayanan hanggang sa kombento, ay sumigaw ng buong lakas na: "Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas!" At upang mapasigla ang loob ng tao, ay nagsabi, bukod sa iba't iba pa, na sa madaling panaho'y darating ang mga armas na kanyang binili sa Hongkong, at sa pamamag-itan ng kaunti pang pagmamatigas sa labanan, ay matitiyak nang lubusan ang ating pagwawagi. Sa kahilingan ni G. Jocson ay tinulutan siya ni G Emilio Aguinaldo na magtatag ng isang pamahalaan sa gitna ng pulong Luson na pinamamagatang "Gobierno Departamental ng Pitong Lalawigan sa Gitna ng Luson". Si G. Feliciano Jocson, kasama si G. Teodoro Gonzalez, ay natagpuan sila ni Vibora sa Mainam ó Kaytitingga, Alfonso, at sa panayam ni Vibora at ni Jocson ay naibadya nito ang bagay sa kapahintulutang magtatag ng Gobierno Departamental, at tuloy ipinakita kay Vibora ang isang larawang kahuwad ng watawat na tatlong kulay, isang araw at tatlong bituwin. Ang mga lalawigang binubuo ng nasabing pamahalaan ay itong mga sumusunod:

Tayabas, Laguna de Bay, Morong, Manila, Bulakan, Nueba Esiha at Bataan.

Ang Pamahalaang Departamental ay binuo rin ng mga tungkuling, gaya ng napagtibay na ng Republika Pilipina, at sa mga ginoong naghawak ng tungkulin sa loob ng pamahalaang iyon, ay napabilang itong mga sumusunod:

G. Anastacio Francisco, pangalawang Pang-ulo; G. Feliciano Jocson, Kagawad pangloob; G. Teodoro Gonzalez, G. Cipriano Pacheco, at G. Antonio Montenegro, na naging Punong-lalawigan (Gobernador) sa probinsia ng Maynila; G. Severino Taeño, Heneral rg Brigada. Isa sa mga pangkat ng Heneral na ito'y pinamahalaan ng isang babaing si Ginang Agueda Cahabagan, na siyang, sa buong paghihimagsik, ay nabansag sa pangalang kilalangkilala ng madla na:—"Henerala Agueda", pagkapalibhasa'y tunay na nagtamo ng katibayang ito, na ipinagkaloob ng Heneral G. Miguel Malvar, Komandante Heneral ng hukbo ng pamahalaang panglalawigan ng Batangan (Gobierno Regional de Batangas).

Ang Tenyente Heneral G. Mamerto Natividad ay nahalal na siyang mamahala sa lahat ng mga kawal ng bagong pamahalaang itinatag, at sa gayo'y nagtaglay siya ng tungkuling pagka-Komandante Heneral ng Centro ng Luson. Sa ilalim ng kanyang pamamahala ay kasama ang mga Heneral ng hukbo at itong mga sumusunod:

G. Mariano Llanera, Tenyente Heneral, kasama ang kanyang anak na si G. Eduardo Llanera, Koronel.
G. Isidoro Torres, Tenyente Heneral, kasama ang kanyang matalik at matapang na kalalawigan na si G. Gregorio del Pilar, Koronel.
G. Manuel Tinio, G. Francisco Makabulos, G. Simeon Tecson, isang nagngangalang Cabling, at G. Tiburcio de Leon. taga Polo, Bulakan, mga Henerales ng Brigada.

Ang Pamahalaang Departamental, sa bisa ng Konstitusyong ginawa ni G. Isabelo Artacho, ay nalansag at pinawalang kabuluhan, noong mga huling araw ng Nobyembre 1897, at si G. Antonio Montenegro ay nanungkulan ng pagka-direktor ng Estado dahil sa pagkamatay ni G. Jacinto Lumbreras, at si G. Isabelo Artacho ay siya naman ang gumanap ng pagka-direktor ng interior bilang kapalit ni G. Pascual Alvarez, na naging Intendente Heneral ng hukbo ng Republika Pilipina.

d — Mga huling araw ng Abril 6 sa mga unang araw ng Mayo nang makuha ng mga kastila ang bayan ng Maragundong. Naganap sa liwasan ng bayan ang napakamarugong paghahamok, na kung di sanhi sa kakulangan ng punlong magagamit ng mga naghihimagsik na nagsisilaban sa patio ng simbahan, ay di sana napilitang humimpil ang pamahalaan ng Republika Pilipina sa mga kabundukan ng Maragundong at Look, Batangan at sa paanan ng bundok na Pinagbanderahan.

e — Nangahulog din sa kamay ng mga kastila, ilang araw lamang noon, ang, mga bayang Alfonso, Mendez Nuñez at Amadeo, dahil sa kawalan ng punlo ng mga naghihimagsik. Sa isang saglitang pagpapanagpo sa pook ng Parroso, sakop ng Amadeo, ay napatay ang Komandante ng kawal panghihimagsik na si G. Florencio de la Viña na nagpapamagat na Ensiong.


f — Pagkabaril sa magkapatid na G. Andres Bonifacio at G. Procopio Bonifacio.— Nang ang Republika Pilipina ay nahihimpil na sa mga bundok na lalong masukal at tago sa pag-itan ng Maragundong at Look, pook na pinamamagatang Buntis, si G. Emilio Aguinaldo ay nagpasya na ng pagpapabaril sa dalawang magkapatid na nasabi na, upang lubusan nang mawala, marahil, ang sa boong tapang at lagablab ng pag-ibig sa bayang tinubuan, ay tinatag niya ang K. K. K. ng mga A. N. -B. na siyang lumikha ng dakilang tungkuling sa gahasa'y inangkin niya (Aguinaldo). Inuna muna ang Procopio at pagkatapos ang Andres, na dahil sa kanyang mga sugat ay lupaypay na ang katawan, kaya't dinalang nakaduyan sa pook na pinagbarilan, isang oras muna sa kanyang kapatid, ng mga Koronel ding Bonzon at Pawa (Koronel Lazaro Makapagal?), na gaya ng maalaala'y silang nagsilusob sa pangkat nina Bonifacio sa nayon ng Limbon, Indang. At sa ganitong paraan tinapus ang buhay niyaong bayaning humamak sa mga kapanganiban, at nagtatag ng K. K. K. ng mga Anak ng Bayan; niyaong taong nagturo sa bayang pilipino ng tunay na landas, upang maibulid ang panga-alipin ng mga dayuhan; niyong, kailan ma't kausap ng kanyang mga kabig, ay lagi nang nilalabasan sa bibig ng mga ganitong pangungusap:

"Pagsikapan ninyong huwag makagawi ng mga pagkakasalang makadudungis sa inyong mnga pangalan".

"Matakot kayo sa Kasaysayan (Historia), na siyang di mapagkakailaan ng inyong mga kagagawan".

Ika-Limang Bahagi

Bumalik sa Unang Pahina