Bagay
sa napakalungkot na pagkamatay ng Kataastaasang
Pang-ulo ng Katipunan, si G. Apolinario Mabini,
naging-unang Kasangguni ng Pang-ulong Heneral G.
Emilio Aguinaldo, at kinikilala ng madlang "UTAK
NG HIMAGSIKAN", ay nagsalaysay, sa ika VIII
Kabanata ng kanyang isinnlat na "ANG
HIMAGSIKAN NG BAYANG PILIPINO", ng mga sumusunod:
"Sa inasal na ito ni G.
Emilio Aguinaldo, ang manunuligsang kasaysayan, ay di
makakakita ng anomang katwirang sukat makapagtakip o
makabawas man lamang sa kanyang sagutin. Si Andres
Bonifacio ay di huli sa pinag-aralan sa sino man sa
mga napahalal sa naturang pagpupulong, at tangi sa
rito'y nagpakilala ng talino at lakas loob na di
pangkaraniwan sa pagtatatag niya ng Katipunan. Ang
lahat ng mga naghalal ay kaibigan ni G. Emilio
Aguinaldo at ni G. Mariano Trias na noon ay
nangagkakaisa, samantalang si Bonifacio ay
tinitingnan nila ng may hinalang tingin, gayong
nakapagpakilala na ng isang kaasalang malinis at
pusong buo, at ito'y dahil lamang sa siya'y hindi
tubo sa Kabite; ito ang sanhi ng kanyang pagdaramdam.
Gayon pa man, ang pagdaramdam niya'y hindi ipinakita
sa isang magahasang paraan ng pagsalungat, at ang
katunayan, nang nakita niyang walang sinomang
nagmamalasakit sa ikapagkakasundo ng lahat, ay
nagkasya na lamang siya sa pag-alis sa lalawigan
tungong San Mateo na kasama ang kanyang mga kapatid.
Kung pag-iisiping si G. Aguinaldo ang una-unang dapat
managot sa di niya pagsunod at sa di pagkilala sa
naturang pinuno ng Katipunan na kanya ring
kinaaniban; kung pagbubulay-bulayin ang pagkakasundo
ng lahat ay siyang tanging angkop na lunas sa
mapanganib na kalagayan noon ng Panghihimagsik, ang
dahil at layon ng pagpatay, ay di maikakait na bunga
ng mga damndaming nakasisirang totoo ng puri sa
Panghihimagsik; sa paano't paano man, ang gayong
katanmpalasanan, ay siyang masasabing unang
tagumpay ng kasakiman ng isang tao laban sa tunay na
pag-ibig sa bayan.
Sa
naturang "ANG HIMAGSIKAN NG BAYANG PILIPINO" ay matutunghayan din
sa Kabanatang ika X, bagay din sa ginawi ni Heneral
Emilio Aguinaldo sa kay G. Andres Bonifacio at sa kay
Heneral Antonio Luna, ang mga sumusunod:
"Ang
pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang
maliwanag na si G. Emilio Aguinaldo ay may isang
walang habas na kasakiman sa kapangyarihan, at ang
mga sariling kaaway ni Hen. Antonio Luna, sa
pamamnagitan ng mga hibo, ay nakapagsamantala sa
kahinaan niya (Aguinaldo), upang si Luna ay
maipapatay. Kung kinatigan ng buong kaya ni Aguinaldo
si Luna, sa halip na patayin, sabihing nagtagumpay
sana ang Panghihimagsik, ay isa marahil na
napakalabis na pangarap; ngunit hindi ako
nag-aalinlangang ang mga ang mga Americano sana'y
nagka-roon ng mataas na pahalaga sa tapang at
kakayahan sa pagka-militar ng mga Pilipino. Kung
buhay si Luna, ay tiyak na masasabi kong ang dagok na
ibinigay ni Heneral Otis, ay nasugpo o kung di ma'y
nailagan sana, at di napagkilalang maliwanag ang
kawalang-kaya ni Aguinaldo sa pamamanihala ng hukbo.
Tangi sa rito, upang mayalis si Luna, ay ginamit ni
Aguinaldo ang mga kawal ding pinarusahan niyon,
dahilan sa paglabag sa disiplina; pinatay nga ni
Aguinaldo ang disiplina, at siya na rin ang lumansag
sa kanyang sariling hukbo. Sa pagkahulog ni Luna na
siyang lalong matibay na suhay, ay bumagsak ang
paghihimagsik, at
ang kalait-lait na pagkabagsak na buung-buong
napapataw kay Aguinaldo, ay siya ring pumatay sa
dangal nito, na makalilibong mapait kaysa pagkamatay
ng katawan; si
Aguinaldo nga'y siya ring sumira sa kanyang sarili,
siya'y pinarusahan ng kanyang mga sariling kagagawan.
Ganito kung magparusa si Bathala sa malalaking
katampalasanan!
Sa buong
sabi, ang Paghihimagsik ay nabigo pagkat nagkaroon ng
masamang pamamatnugot; pagkat nakuha ng
tagapamatnugot ang kanyang tungkulin, hindi sa
pamamag-itan ng mga gawaing kapuri-puri, kungdi sa
mga gawang kalait-lait; pagkat sa halip na tulungan
niya ang.mga taong lalong may magagawa sa bayan,
dahil lamang sa paninibugho, ay lalo pang sinugpo
niya. Sa pagkalango sa kadakilaan ng sarili, ay di na
pinahalagahan ang mga tao nang ayon sa kanilang
kakayahan, katibayang-loob at pag-ibig sa bayan,
kungdi sa kanilang pagka-kaibigan o pagka-kamag-anak
na ikinalalapit sa kanya; at sa nasang mapasa piling
niya ang mga kabig na handang magsusunod at
magpakasakit ng alang-alang sa kanyang kapakanan, ay
nagpakalulon na hanggang sa makagawa ng mga
kabuktutan, Dahil sa ganitong paghamak niya sa bayan,
siya'y iniwan ng bayan naman; at sapagkat siyay
iniwan nito, wala na siyang hangganan kungdi ang
pagkabulid na gaya ng nangyari sa isang pagkit na
diyus-diyusan na nilusaw ng init ng kasawiang-palad.
Harinawang tayo'y huwag makalimot sa kakila-kilabot
na aral na iyang ating natutuhan sa likod ng mga di
maulatang pagtitiis na yaon".
Sa nasabing kasulatang
naiwan ni G. Apolinario Mabini, sa kaniyang
Kabanatang ika XI, ay mababatid ang mahahalagang
pangaral niya kay Heneral Emilio Aguinaldo, dahil sa
mga nagawa nitong mnga lihis sa kadalisayan ng puso,
at itong mnga sumusunod:

"Mabalik
ako kay G. Emilio Aguinaldo, kahimanawari ang aking
mga palagay na walang anomang halong hinanakit, kundi
tilang pagtupad lamang sa isang mabigat na tungkulin,
ay huwag sanang makaragdag ng kapaitan sa kanyang
puso, kungdi bagkus makapukaw sa kanya ng mapilit na
pagnanasang matubos ang kanyang kahapon at mabawi ang
dating pagmamahal ng madla, sa pamamag-itan ng mga
gawang malinis at walang anomang pag-iimbot sa
sarili. Nang ako'y bihag na sa Maynila, sa ilalim ng
kapangyarihang amerikano, ay isang lathala ng
pahayagang "The Manila Times" ang aking
itinuwid mula sa isang pitak ng "El
Comercio", at doo'y pinagpumilitan kong
maipahiwatig kay G. Emilio Aguinaldo na ang tanging
ikaliligtas niya, ay ang mamatay na bayani
sa gitna ng isang digmaan. Hindi natagalan at sa isa pang
lathalang nahayag sa "La.Fraternidad" na
naghalintulad sa kanya kay Mr. Kruger (raging
Presidente ng rnga Boer, Sur Africa,), ay inulit ko
ang pahiwatig nang lalong maliwanag at tahasan: Alam.
kong ang mga lathalang yao'y hindi kalulugdan ng mga
pinunong amerikano; ngunit ako'y may pananalig na kung mamatay si
Aguinaldo sa isang ubus-kayang pagtatanggol sa mga
kalayaan ng bayan, ang kabayanihang ito'y
ikapapabalik niya sa pagkagiliw ng madla at
mabibigyan pa rin niya ng kapurihan ang mga Pilipino.
Ngunit ang
aking mga payo ay hindi natapad, bagay na hindi ko
dinaramdam, pagkat ibigin man ni G. Aguinaldong
gumawa ng sang-ayon sa gayong nais, ay batid kong
hindi sa lahat ng pagkakataon ay magawawa ng isang
tao ang kanyang ninanasa. Maaari rin namang, ang
kanyang mga kasalanan ay talaga nang napakabigat, na
di tuloy niloob ni Bathalang siya'y maging marapat sa
isang kadakilaang walang kamatayan; o baka nama'y
sadyang iniaatas ng kanya ring sariling ikagagaling
ang mapakinggan niya ang hatol ng kasaysayan, upang
ang pagsisisi ay tumugtog sa mga bagting ng kanyang
puso. Madalas sabihin ng nasirang Andres Bonifacio
nang nabubuhay pa, na hindi tayo dapat
matakot kanino man, kungdi sa kasaysayan; at totoo nga na ang kasaysayan
ay lubhang makatwirang hindi napupuwing, at ang
kanyang hatol ay kakila-kilabot laban sa mga
umuupasala, sa kanya".
Sa ano't
ano man, si G. Aguinaldo ay di dapat mawalan ng
pag-asa, gaya ng aking kasasabi, sapagkat maaari pa
siyang makapagbangong-puri sa kanyang pinagdaanan at
mabawi ang pagmamahal ng lahat, sa pamamag-itan ng
mga gawaing karapatdapat; bata pa naman siya at may
angkin namang katusuhan, upang masamantala ang mga
pagkakataon sa ikapagwawagi ng kanyang mga iniimbot;
subalit ang mga hangarin niya'y nahihidwa
palibhasay kulang siya ng talino at kagitingang
kailangan sa mga gayong bagay. Sa ganang kay G.
Aguinaldo ang kanyang bayan ay mapaglilingkuran
lamang mula sa isang mataas na tungkulin, bagay, na
isang kamalian at sukat ika-panganib ng kagalingan ng
lahat; ang kamalyang ito'y siyang pinaka-malaking
sanhi ng mga pagbabaka ng magkakabayan, na
ikinalulugami at ikinalilipol ng maraming Estado at
nakatulong ng malaki sa pagkabigo ng
Paghihimagsik........ Ang tanging nag-aangkin ng
tunay na pag-ibig sa bayan, ay yaong mula sa
tungkuling kanyang kinalalagyan, mataas man ito o
mababa, ay nagpupumilit makagawa ng lalong malaking
kagalingan sa mga kabatayan niya. Ang isang munting
kabutihang magawa mula sa isang mababang katungkulan,
ay isa nang kadakilaan at kapurihan; samantalang ang
isang maliit na kabutihang ginawa mula sa isang
mataas na katungkulan, ay nagpapakilala ng kapabayaan
o ng pagkawalang-kaya. Ang tunay na karangalan ay
lumilitaw sa isang bahagyang gawain lamang ng isang
kaluluwang malinis at dakila, at hindi sa dingal ng
mga papuri at palamuti na bahagya nang makapagtakip
sa nga kapangitan ng ating katawan. Ang tunay na
kapurihan ay natatamo sa paglilinang ng ating isip,
upang matutuhang kilalanin ang katotohanan, at sa
pagtuturo sa ating puso upang makaugalyang yao'y
mahalin. Sa pagkakilala sa katutohanan ay atin din
namang masasapit ang hangganan ng ating mga tungkulin
at karapatan, at sa ating pagtupad ng tutohanan ay
pararangalan ang anomang gawin natin sa buhay. Hindi
dapat kalimutan kailan man ang kabuhayan ng ating
bansa, at gayon din ang katutohanang hindi nakaakyat
sa tugatog ng kadakilaan, kungdi magdaraan sa hagdan
ng mabubuting gawa at kabayanihan; huwag nating
lilimutin, lalung-lalo na, na kung di tayo
magpapaunlad, ay mamatay tayong di man lamang aabot
sa karampatang laki at gulang, bagay na sukat lamang
makita sa mga bayan o lahing bansot at palipol".
Si G. Apolinario
Mabini, sa kanyang madagubdub na paf-ibig sa Bayan
Pilipinas, at sa maningning na kabatiran niya, walang
kaunti mang agam-agam ay nagbitla ng mga "HATOL
NA IYAN"; at ako, na isa sa mga tunay na
nakamasid sa mga masasaklap at nakapanglulumong
pangyayaring dito'y, nayuyulat,-ay nagpapatibay at
matunong na nagsasabing:- "TUMPAK NA TUMPAK SA
TIKIS NA GINAWI NI HEN. AGUINALDO, ANG MGA
NAPAKATITIGAS AT NAPAKATATALIM NA HATOL NA
IYAN"; at ang mga pangaral niya kay Aguinaldo,
ay karapat-dapat sa isang taong kusang lumihis sa
kadalisayan ng puso at sa kalinisan ng katuwiran.
Karapat-dapat ding
banggitin dito ang mga pangalan ng mga ilang
nag-udyok pa kay G. Emilio Aguinaldo, upang patuluyan
nang ipaganap nito ang pagpapatay sa dalawang
Bonifacio, ay itong sumusunod:
G. Feliciano
Jocson, G. Antonio Montenegro, G. Teodoro,
Gonzales, G. Severino de las Alas, G. Baldomero
Aguinaldo, G. Mariano Trias Closas at iba pang
marami sa lalawigan ng Kabite, na nagsipagmithing
kagiliwan sila ni G. Emilio Aguinaldo, na siyang,
sa pamamag-itan ng mga tiktik, ay nakatuklas ng
pagkakaisa (???) ni G. Andres Bonifacio at ng
Heneral ng Brigadang G. Santos Nocon ng
Magdiwang, upang biguin ang tangka ng mga taga
Magdalo, laban sa Ktt. Pang-ulo ng Katipunan, na
maliwanag na napagkilala, mula pa ng pagpasok ng
Supremo sa lalawigang Kabite, at laluna noon
gawin ang pagpupulong sa Teheros at sa kombento
man naman ng Santa Cruz ng Malabon (Pangwagi). Sa
lahat ng ito, at nang itatag ang pamahalaan ng
Republika Pilipina sa Naik, si G. Emilio
Aguinaldo ay tumanggi nang kilalanin ang
tungkuling pagka-militar ni G. Santos Nocon,
bagama't ito'y may maniningning na paglilingkod,
ni hindi nila binigyan ng ibang tungkulin,
bagama't may maningas na pag-ibig sa Bayan ang
nasabing Nocon, na kagaya rin nila G. Santiago
Alvarez, G Diego Mojica, G. Ariston V illanueva,
G. Antonio Vtrata, G. Arcadio Arayata, G. Nicolas
Portilla at iba't iba pang, dahil sa kanilang
katapatang-loob at maningas na pagkamakabayan, ay
nagsipanatili rin sa mga gubat at kabundukan at
nagsipagtiis ng mga kahirapan sa buong panahon
paghihimagsik na sinasalaysay dito.
g. Makaraan ang
mga ilang araw pagkatapus ng pagkapapatay sa
magkapatid na Bonifacio, si G. Emilio
Aguinaldo, na tinatalibaan ng mga Heneral G. Pio del
Pilar at G. Mariano Noriel at sinusundan ng maraming
tao, babai't lalaki, ay umalis sa Buntis, tumigil ng
ilang araw sa piling ng kanyang mga taong walang
sandata, na sumusunod sa kanya mula sa Buntis, pagkat
sa Tagaytay ay naiwan ang maraming mag-aanak na hindi
na nakapagpatuloy ng paglalakbay, dahil sa gutom at
mga sakit na ikinamatay tuloy ng di kakaunting tao sa
pook ng Anuling, Mendez Nuñez. Nang nasa Talisay na
ay tinipun ni G Emilio ang lahat ng mga taong-bayang
walang sandata na kasama niyang dumating doon mula sa
Buntis, at nang natitipun na ang lahat, ay nagsalita
siya, sa tinig na malambot at magiliw, ng ganito:
"Mga giliw
kong kababayan: ganap nang napatibayan ang
inyong taos na pag-ibig sa kalayaan, gayon din
ang maalab ninyong pagsusumikap na tamuhin ang
kalayaang iyan. Ang pamahalaan ng Republika ng
Pilipinas na ngayo'y pinangunguluhan ko, ay
lubhang nasisiyahang-loob sa inyo at
nakapagmamalaking mapasa inyong piling; ngunit
palibhasa'y tumutunghay sa atin sa lahat ng dako
ang gutom, na siyang lalong mabalasik nating
kaaway, ay buong pagdaramdam na napilitang
magsabi sa inyo ngayon, na ang bawat isa, ay
makakauwi na sa kanyang sariling bahay, yamang
ang pamahalaang kastila ay nagkakaloob ng
kapatawaran sa lahat ng ibig pumailalim sa
kanyang kapangyarihan at pagkukupkop. Huwag
ninyong sabihing: ang Republika'y
itinataboy kayo sa kamatayan, hindi,
hinding-hindi. Huwag kayong manganib pasaklaw sa
kapakinabangan ng amnistia, at inyong isiping ang
ating pamahalaan ay buhay at mabubuhay upang
maghiganti sa mga umuupasala sa inyo, at ang
bilin ko lamang ay huwag ninyong lilimutin ang
mithing pinaghandugan ng buhay ng ating mga
yumaon nang kapatid; at kayo'y magpakabait,
katulad ng mga tupa sa harap ng mga
halimaw."
Pagkatapus ng
talumpating ito ay humanda sa pag-alis na kasama ang
buong hukbo at nagtungo sa Kabangaan, at buhat naman
doo'y nagpatuloy ng paglakad kasama ng Heneral de
Dibisyon, na si G. Vito Belarmino at ang hukbo nito,
upang tumungo sa Malapad na Bato (San Pedro Makati,
Maynila), at matapus tawirin ang ilog Pasig, ay
nagpatuloy sa mga bundukin ng Montalban at San
Mateo, at pagdating doon ay humantong sa bundok na
kung tawagin ay Puray. Ilang araw pagkatapus ng
pagkakadating sa pook na ito ni G. Emilio Aguinaldo,
na inabot ng pagkakasakit sa paglalakbay pa, at
pagkabalita ng mga kawal kastilang ang mga
naghihimagsik ay nagkakatipun sa bundok ng Puray, ay
sinalakay ang mga ito, upang mapasabog; pagtatangka
itong naging pabaliktad, pagkat ang mga naghihimagsik
ay nagsilaban ng buong higpit at katulad ng mga asong
hinandulong ang mga kastila, kaya ang mga ito,
matapus ang anim na oras na paglalaban, ay nagsiurong
at tumakas na sabug-sabog; kaya't nakapag-iwan ng
maraming bangkay ng kanilang mga kasama at mga baril
at punlo. Sa tagumpay na ito ay naging matunog sa
lahat ng dako ang pangalan ni G. Glicerio Geronimo,
na noon din ay napataas sa pagka-Tenyente Heneral ng
hukbong pilipino.
Mula rito'y umalis si
G. Emilio Aguinaldo, at matapus bagtasin ang mga
tanggulang naghihimagsik sa Minuyan (Norsagaray) at
sa Baras Bakal (Anggat), ay dumating sa Biyak-na-Bato
(San Miguel de Mayumo) at dito na humimpil na
patuluyan ang pamahalaan ng Republika Pilipina
hanggang sa pagkatanggap ng kapayapaan na kilala sa
tawag na "Paz
de Biyak-na-Bato".
h
Nang si G. Emilio Aguinaldo'y makaalis nang tungo sa
Biyak-na Bato at maiwan sa Buntis ang
direktor de guerra G. Emiliano Riego de Dios, ang
pangalawang Pang-ulo noong si G. Mariano Trias
Closas, ay nagnasa na ring magpaiwan sa lupang
Kabite, kaya nga ang kanyang himpilan ay itinayo sa
"Mainam", sa paanan ng bundok
Pinagbanderahan, at sa tulong ng mga direktor de
estado at interior, mga GG. Jacinto Lumbreras at
Pascual Alvarez, ay ipinagkatiwala sa kanya ang
pamamanihala sa mga lalawigan sa Timog ng Luson. Ang
himpilan sa "Mainam" ay kung makailang
nilusob ng mga kastila; bagamat di nila napatinag
doon ang mga naghihimagsik. Sa himpilang ito inabot
ng pagkamatay sa sakit si G. Jacinto Lumbteras. Nang
buwan ng Agosto, 1897, ay nagpasimula na ng pag-alis
sa himpilang iyon ang hukbong naghihimagsik, upang
magtungo sa dakong Laguna, dahil sa payo ni Heneral
G. Mignel Malvar na humantong sa bundok ng Makiling,
at nang ika-9 ng Oktubre ay lumusob sina Trias at
Malvar sa bayan ng San Pablo, na tatlong araw nilang
nakubkob, ngunit iniwan din nang ikaapat na araw,
dahil sa pagdating ng mga abuloy na kastilang
nagsipanggaling sa Nagkarlang. Sa pagsalakay na ito
ay nangapatangi sina Henerala Agueda at Koronel Luis
Banaag, ang Tenyente Koronel Rosendo Banaag, Koronel
Aniceto Oruga at ang nangasugatan ay ang Heneral ng
Brigada Esteban San Juan at at si Kapitan Hilino
Mendoza.
i
Ang Sugo ukol sa kapayapaan, Kgg. na G. Pedro A.
Paterno. Dahil
sa isang pamahayag ng pamahalaang kastila, na kilala
sa tawag na "Concentracion y guerra sin
cuartel", (Pagtitipon ng tao at pagbakang walang
hinto), ang Kgg. na Ginoong Pedro A. Paterno ay
humarap na kusa sa Heneral na kastilang Mrlg. na G.
Fernando Primo de Rivera, at ipinamanhik ditong
pigilin ang naturang pamahayag at ipinangakong
hihimukin sa kapayapaan ang kanyang mga kababayan, na
nasa pananandata, laban sa pamahalaang natatatag. Ang
kahilingan ni Paterno ay tinanggap ng Gobernador
Heneral ng Pilipinas, na siyang nagbigay kay Paterno
ng mga kasulatang pahintulot, upang siya'y makaraan
sa mga pook na natatanuran ng mga kastila. Gumayak
nga sa paglakad si G. Paterno, upang tupdin ang
mapanganib niyang tungkulin, at nang makarating sa
Maragundong ay nakipanayam sa direktor de guerra G.
Emiliano Riego de Dios, na siyang naghatid kay
Paterno sa Biyak-na-Bato.
j Buwan ng
Nobyembre, 1897. Nang nagsisimila ang buwang
ito ay nagdaos ng isang malaking pagpupulong sa
Biyak-na-Bato, upang pagtalunan ang Saligangbatas
(Constitucion) na sinulat ni G. Isabelo Artacho,
Salingang-batas na, matapus pagtalunan ng bahagya, ay
napagtibay sa pagkakaisang boto ng mga nagkakatipon.
Pagkatapus ng pagpupulong, si G. Emilio Aguinaldo ay
nagkaroon ng mainitang pakikipagtalo kay G. Pedro A.
Paterno na noo'y nasa bahay pamahalaan, samantalang
idinaraos ang pagpupulong, na di niya inibig harapin
kahit na siya inanyayahan, dahil sa paniniwalang
kaipala ay masasawi siya sa matwid at sa kanyang
taglay na tungkulin. Ikalawang araw noon pagkatapus,
si G. Mamerto Natividad, Tenyente Heneral, ay namatay
sa isang sandaliyang pakikipanagpo sa mga kaaway na
kastila.
(PALIWANAG: Ang
naunang ulat ay napatigil sa pagkamatay ng Tenyente
Heneral Komandante ng hukbo ng pamahalaang departamental,
G. Mamerto Natividad, na nangyari sa buwan ng Nobyembre
9, 1867; ngunit dahil sa pagkaalala sa ilang mga
pangyayari at bagay-bagay na may halaga at nasaksihan
nang bago dumating ang araw na yaon, ay minarapat kong
umurong ng kaunti; kaya, sa dahilang ito'y pinasimulan
ang karugtong na ito, sa ulat na nauukol din sa Sugo ng
kapayapaan ng pamahalaang kastila ng Pilipinas).
36. Ang
Sugo sa kapayapaang Kgg. na G. Pedro A. Paterno"
Dahil sa malaking
pagkagahis na pinagdanasan ng hukbong kastila sa bundok
ng Puray (Montalban 6 San Mateo, Maynila), gaya ng
naiulat na sa unahan, ang pamahalaang kastila ng
Pilipinas, sa harap ng napakarahas na pakikibaka ng mga
naghihimagsik, na noo'y pangkat-pangkat at nakakalat sa
isa't isang dako, ay naghayag ng isang batas at dito'y
ipinaguutos na ang lahat ng mga anak at kamag-anak ng mga
nagbihimagsik na nasa bayan-bayan, ay magsitungo na sa
kagubatan, upang pumisan sa kani-kanilang mga kamag-anak
o kampon na suwail, at ang mga di natatalagang sumama sa
mga ito, ay magsiharap sa mga may-kapangyarihang kastila,
upang sila'y pagipun-ipunin sa isang lugal na walang
panganib. Maliwanag ding nasasabi sa naturang kautusan
ang pagbakang walang puknat na tinatangkang gawin ng
Heneral Primo de Rivera sa mga naghihimagsik, pagkatapus
na pagkatapus ng taning na tatlong buwang natatakda sa
naturang utos.
Ang Kgg. na si G. Pedro A.
Paterno, dahil sa mahigpit na pagbabantang ito ng
pamahalaang kastila, ay kusang humarap sa Gobernador
Heneral at hininging pigilin ang pagpapairal ng batas at
ipinangakong aakitin niya sa pama-mayapa ang kanyang mga
kababayang nasa pananandata. Sa ilalim ng kapangakuang
ito, ang Goberrador Heneral ay pumayag sa kahilingan ni
Paterno, at binigyan tuloy ito ng mga kasulatang
kailangan, upang mabagtas niya nang walang gambala ang
mga tanod na kastilang kanyang daraanan sa pakikipagkita
sa mga naghihimagsik Nang buwan nga ng Agosto 1897, ay
pinasimulan ni G. Paterno ang panunupad sa mabigat niyang
tungkulin; nagtungo muna siya sa Maragundong, na noo'y
tinatalibaan ng direktor de guerra ng Republika Pilipina,
G. Erniliano Riego de Dios, at ang ginoong ito (si Pedro
A. Paterno), matapus tawirin at panhikin ang mga palanas
at burol, ay nakapanayam niya ang naturang direktor de
Guerra.

Pagkabatid ni G. Riego de
Dios ng tungkuling kusang binalikat ni Paterno, at dahil
sa kawalan niya (ni Riego de Dios) ng kapangyarihang
makipagtalastasan ukol sa gayong bagay, at saka sa
paniniwala marahil sa malaking kabutihang maibibigay sa
bayan ng pamamayapa, ay kusang-loob na naghatid kay
Paterno sa Biyak-una-Bato, na noo'y siyang kinahihimpilan
ng pamahalaang pangkalahatan ng Republika Pilipina,
yamang sa harap nito dapat idulog ang naturang panukala.
Nang si G. Pedro A. Paterno'y maipasok ni G. Riego de
Dios sa barap ni G. Emilio Aguinaldo na naliligid ng
maraming pinuno ng himagsikan, sa paniniwala marahil ng
Sugo na siya'y tataratuhin ng masama, o kaya nama'y upang
lalong mapagkatiwalaan ng mga kaharap, ay nagpatiluhod
siya, hindi lamang sa harap ng Pang-ulo ng Republika
Pilipina, kungdi sa harap man naman ng balanang may
kabuluhang pinuno na nag-uukol sa kanya ng mga tanong
tungkol sa pagka-makatwiran ng kanyang tungkulin. Kahimat
may maagap nang palagay si G. Pedro A. Paterno na hindi
tatanggapin ng buong kasiglahang-loob ng mga
naghihimagsik aug kanyang pakay, siya ay pinagpakitaan ng
magandang-loob ng mga pinagsadya at ikinarangal nilang
makapanayam ang isang pilipinong nasasagisagan ng
dakilang "Cruz de Isabel, La Catolica"; sa
katunaya'y ang mataas na ring Pinuno ng Panghihimagsik ay
nagpasyang ang nasabing Sugo ay patirahin sa isa sa mga
kagawaran ng Pamahalaan sa Biyak-na-Bato. Pagkatapus ng
tatlong araw na walang anomang napagpasyihan ng patuluyan
tungkol sa pinagsadya ni G Paterno, ay nagsipagbalik na
sa Maragundong si G Riego de Dios, at ang Sugo ay sa
Maynila naman.
37. Mga
pangyayari at bagay-bagay nang buwang ng Oktubre, 1897.
a. Pagkatapus
ng pagsalakay sa mga tanod na kastila sa bayan ng San
Pablo, Laguna de Bay, na ginanap noong ika-9 ng mga
tao ng pangalawang Pang-ulo ng Republika, G. Mariano
Trias Closas, sa ilalim ng pamamanihala ni Vibora at
ng mga Heneral Mulawin (Esteban San Juan), Mangyari
(Nicolas Portilla), Duhat (Santos Nocon), at Domingo
(Silvestre), kasangay ng kawal ni Heneral G. Miguel
Malvar ng pamahalaang panglalawigang Batangan, at
sanhi sa pagkatanggap ng pangalawang Pang-ulo ng
isang liham ng Pang-ulong G. Emilio Aguinaldo na
tumatawag ng pulong sa lahat ng mga matataas na
pinuno ng himagsikan, si Vibora, ang direktor ng
interior G. Pascual Alvaiez, direktor ng hustisya G.
Severino de las Alas, Komandante G. Mariano Alvarez,
Tenyente Diego Arnaldo at ilan pang mga kawal, ay
nagsialis, nagdaan sa nayon ng San Antonio at
niagsipagtuloy sa Biyak-na-Bato, na dumating sila
noong ika-26 ng Oktubre, 1897, araw na ikinabitay sa
harapan ng bahay-pamahalaan ng isang pusakal na
mangdadambong. Pagkatapus matawid ang dagat-tabang
mula sa Pila hanggang Bungabong, isang nayon ng
Halahala, lalawigang Morong noon, ay linakbay nila,
mula sa Los Baños hanggang Biyak-na-Bato, nang 15
araw na sukdulan na ang mga hirap na tiniis (gutom,
puyat, pagod, panganib) alang-alang sa inang bayang
Pilipinas.
b. Dahil sa
malugod na pagkatanggap at pagpapalagay sa Sugo ng
kapayapaan nina G. Emilio Aguinaldo, ay nakapagtamo
ng pag-asa si G. Pedro A. Paterno sa ikapagkakapalad
ng kanyang layon, at ito'y ipinakikila ng kanyang
panibagong paglitaw o pagdating sa buwang ito ng
Oktubre na kasama ang maraming napiit na politiko, na
ilan sa kanila'y sila: G. Isabelo Artacho,
napatapon at bago pa lamang kagagaling sa pulong
Karolinas, G. Vicente Lukban, na nabilanggo dahil sa
kanyang kabansagan sa kanyang lalawigang Tayabas; G.
Doroteo Lopez, dahil sa pagkakaanib sa Katipunan, at
G. Felix Ferrer, sa pagkamanananggol. Sa pagsasama sa
mga nangapabilanggong ito, ay inibig ipakilala ni G.
Paterno sa mga naghihimagsik ang kanyang lakas na
angkin sa piling ng pamahalaang kastila, upang ang
mga naghihimagsik laban sa naturang pamahalaan, ay
magkaroon ng lalong malaking pagkakatiwala sa kanya,
gaya na nga ng ating matutunghan sa dakong huli:
pagkat si G. Paterno, pagkatapus ng dalawang
araw ay nagbalik sa Maynilang may malaking kipkip na
pag-asa at iniwan ang tanang mga kasama sa
Biyak-na-Bato, na marahil kalakip ng pagbibiling
akitin nila ang madlang naghihimagsik na
magsipagparaya na at tanggapin ang kapayapaan.
c. Kaalis pa
lamang na patungong Maynila ni G. Paterno, ang
kanyang mga naiwang kasama, ay humingi na ng tulot na
makapanayam ang mataas na Pang-ulo ng Republika, at
sa mga kagawad ng Gabinete, at hiningi nilang sila'y
tanggapin mapabilang sa sinapupunan ng Pamahalaang
naghihimagsik, at nang sila'y matanggap na, sa harap
din ni G. Emilio Aguinaldo at ng lahat ng
nagkakatipon, ay pinagpunit-punit at ipinagpupukol,
na parang tunay na kinasusuklaman, ang kanilang mga
kasulatang dala, na gawad ng pamahalaang kastila o ng
Gobernador Heneral sa Pilipinas. Itinagubilin kay G.
Isabelo Artacho at kay G. Felix Ferrer ang pagsulat o
pagbabalangkas ng isang balak na
"Constitucion" o Saligangbatas, at kina GG.
Vicente Lukban at Doroteo Lopez naman ay ang pagbubuo
ng mga tanggulan at pagtuklas ng mga metal na sukat
magamit sa pagawaan ng sandata.
38 Mga
pangyayari at bagay-bagay na mahalaga sa buwan ng
Nobyembre, 1897.
a Nagsisimula
ang buwang ito nang lumitaw uli si G. Pedro A.
Paterno kasama si G. Celestino Aragon at si G.
Agustin de la Rosa, kapwa napiit dahil sa
panghihimagsik. Namalagi ang sugong Paterno ng
mahigit na isang linggong singkad na ikinapagdaos ng
pulong ng tanang mga pinuno, upang mapagtalunan ang
balak na Saligang-batas na sinulat nina GG. Artacho
at Ferrer, pulong na di rin hinarap ni G. Paterno,
bagamat siya'y inanyayahan nina G. Aguinaldo at mga
kasama, pagkat ipinalagay niyang malalaban sa kanyang
nilalakad na kapayapaan.
b.
Ang Saligang-batas nina Artacho at Ferrer.
Ang Saligang-batas na ito na halos buong-buong sinipi
sa pang-ulong-batas ng mga naghihimagsik na Kubano,
bagaman nagsitutol sina GG. Severino de las Alas,
Paciano Rizal at Salvador Natividad laban sa ilan sa
kanyang mga tuntunin, ay napagtibay sa kapulungang
pinamamatnugutan ni G. Emilio Aguinaldo. Noon din ay
ginanap ang paghahalal ng direktor de Etstado, upang
mahalinhan ang namatay na si G. Jacinto Lumbreras, at
ang napalagay ay si G. Antonio Montenegro, na noo'y
kasalukuyang Gobernador sa lalawigan ng Maynila,
tungkuling iginawad sa kanya ng pamahalaang
departamental, gaya ng naiulat na sa unahan nito.
Gayon din ginanap ang paghahalal ng isang taong sukat
manungkol ng pagka-kagawad ng Interyor, na iniwan
naman ni G. Pascual Alvarez, na naging Intendente
Heneral ng Hukbo, at ang nahirang ay si G. Isabelo
Artacho, pagkakahalal na naiulat na rin sa talang ito
nang itatag ang pamabalaang departamental na nalansag
naman dahil sa Saligang-batas na sinulat nina GG.
Artacho at Ferrer.

c Pagkatapus na
pagkatapus ng Kapulungang ginanap sa maluwang na
bulwagan ng himpilan sa Biyak-na-Bato, at nang si G.
Emilio Aguinaldo'y nasa kanyang tahanan pati ng
tanang nagsipaghatid, si G. Pedro A. Paterno ay
umanib sa Paghihimagsik, kaya't noon din ay nagukol
sa kanya ng pangungusap ang Pang-ulo at nagpahiwatig
kay G. Paterno ng kanyang pagdaramdam dahil sa di
pagdalo nito sa kapulungan. Si G. Paterno ay
nagpahayag noon ng sanhing di niya ikinadalo, paris
na nga ng nasabi na sa unahan, at idinagdag pang di
niya ibig makitalamitam sa anomang gawi ng
Panghihimagsik, gawing di makakaakay sa ikasusulong
ng bayan, kungdi sa tunay na kapangan-yayaan. Napoot
si G. Emilio sa mga huling sinalita ni G. Paterno,
kayat nagsalita ng pasigaw na: "Kayo, na
dahil sa inyong mataas na pinagarala'y siyang dapat
manguna sa aming mga bulag, sa aming pakikipagbaka ng
buong puso, upang maitindig uli ang Kalayaan ng
bayan; kayo ang siya pang naglalagay ng mga salabid,
at sa ganito'y kayo ang lalong masamang kaaway ng
Panghihimagsik". Si G. Paterno, na nasugatan ang
damdamin, ay sumagot ng gayon ding katigas, at anya:
"Bago ninyo naisip ang ganyang munukala, ay kami
muna, at bago kayo humawak ng sandata, ay kami muna
ang humawak; ngurnit hindi nga lamang kami nagtamo ng
palad na magwagi, at ni kayo man nama'y hindi
magtatamo kung magpapatuloy sa ganyang
pagpipilit". Ang pagtatalong iyon na laong
pinapag-iinit ng mga simbuyo ng kalooban, ay muntik
nang mauwi sa ibang bagay na lubhang pangit sa
tingin, kungdi inilayo si G. Paterno ng ilang kaharap
na naghatid sa kanya hanggang sa pinakatahanan.
Naipalagay tuloy ng mga naging saksi sa naturang
pagtatalo na sa nangyari ay patuluyan nang masira ang
pagtatalastasan tungkol sa kapayapaan.
Matapus ang ilang
saglit noon, at nang napag-akala ni G. Paterno na
nakalipas na ang sama at pag-iinit ng ulo ni G.
Emilio Aguinaldo, ay nagtungo siya sa kinalalagyan
nito, kaya silang dalawa'y nagkasundo rin noon, nang
di na pinamag-itanan pa ng sinoman; at nang ika-10
nga o ika-11 ng Nobyembreng. yaon, natapus ang
paglilibing sa bangkay ng Tenyente Heneral at
Komandante Heneral ng Hukbo ng pamahalaang
departamental, G. Mamerto Natividad, ay inilagda ang
mga pang-unang batayan ng kapayapaan, at pagkatapus
masuri ng buong Sanggunian kagawaran (Gabinete), ay
umalis si G. Pedro A. Paterno, upang magbalik na sa
Maynila na dala ang kasulatang ipaiilalim niya sa
pagsusuri ng Kapitan Heneral, Mrlg, (marilag) na G.
Fernando Primo de Rivera.
Ilan sa mnga kasunduan
natatala sa kasulatang dala ni G. Paterno, sa
Maynila, ay itong mga sunmusunod:
Una Isang
angaw na piso (P 1.000,000) ukol sa mga armas ng
Paghihimiagsik.
Pangalawa Isang kautusang magpapatawad sa
lahat (amnistia general) ng mga napabilanggo,
dahil sa himagsikan.
Pangatlo
Pag-aalis nang ganap sa Kapuluan ng pangkat ng
Guardiya sibil at ito'y palitan ng Polisya
munisipal.
Pang-apat Pagpapalayas sa mga prayle sa
Pilipinas.
Pang-lima Pagtatatag na madalian ng
Pamahalaang Autonomo sa Kapuluang Pilipino.
Pang-anim Pagkakaloob ng mga kailangan sa
paglalayag sa sinomang nanghihimagsik na
pilipinong nagnanasang manirahan sa ibang lupain.
Dapat ding banggitin
dito, na ang mga nagsilagda sa kasunduang iyan, ay
yaon ding mga ginoong ipinagsama ni G. Paterno sa
Biyak-na-Bato sa nasang siya'y matulungan sa pagtupad
ng mabigat niyang tungkulin.
d
Ang pagkamatay ni G. Mamerto Natividad.
Nang hapon noon ding araw na mangyari ang mainitang
pagtatalo ni G. Aguinaldo at ni G. Paterno, ang
Tenyente Heneral at Komandante Heneral ng pamahalaang
departamental, Mamerto Natividad, ay lumabas upang
gumawa ng isang pagsisiyasat, matapus maipangako kay
G. Paterno, na pagbabalik niya'y kanyang pipilitin
ang pamahalaan pangkalahatan, upang tanggapin na ang
samong-himuk nitong ginoong tiga-pamayapa. Bago
makarating ang marahas na pinunong ito sa pook na
tinatangka niyang paglagyan sa kanyang mga kawal ukol
sa gayong bagay, siya ay nasubukan sa daan ng mga
kastila, at bagamat gayon na lamang ang karahasang
ginawi sa pagtatanggol ng kanyang pangkat, ay
lubusang sila'y nangapipilan at sa mga kinulang ng
palad na napatay, ay kabilang nga ang kanilang
pinuno, na ang bangkay ay dinala't itinanghal ng
buong maghapon sa bahay-pamunuan ng Biyak-na-Bato.
Isa ang naging sugat niya sa noo, sugat na hinagkan
ni G. Celso Mayor, Kapitan ng hukbong kastila na
umanib sa Panghihimagsik, gayon din ni G. Manuel Ruiz
y Venero na nagsarhento sa hukbong kastila at
nakipanig din sa pangkat ng Panghihimagsik, matapus
silang makapanalumpati sa libingan ng Biyak-na-Bato.
Nagtalumpati rin sa libingan si G. Pedro A. Paterno,
bagamat kaiba sa dalawang nauna, palibhasa'y
samantalang pinag-aalab ang Panghihimagsik ng
dalawang nanguna, ito namang huli'y umaakit sa lahat
sa piling ng kapayapaan. Tinapus ang pagbubunyi sa
namatay, sa pamamag-itan ng talumpati ni G. Emilio
Aguinaldo, na nagsalita ng tungkol sa labanan sa
Binakayan (Cavite el Viejo), na halos sa gayon ding
araw at bilang ng buwan (Nobyembre 9) nangyari nang
taong nagdaan, labanang ikinamatay naman ng Ministro
de Guerra ng Magdalo na si G. Candido Tirona, at
bilang pakahulugang pinaghango niya sa ganitong mga
pangyayari, ay ang magandang bukas ng panghihimagsik.
e
Ang pagkamatay ng Heneral Julian Santos, na taga
Marikina Dapat ding mapatala
rito, na nang halos kararating pa lamang sa
Biyak-na-Bato ni G. Antonio Montenegro, upang hawakan
ang bago niyang tungkuling pagka-direktor de Estado,
ay natanggap na sa Kapitanya Heneral ng Republika
Pilipina ang kasulatan ng isang sakdal tungkol sa
pagkamatay ni Heneral Santos, na iniharap ni G.
Feliciano Jocson, kalilim pangloob ng pamahalaang
departamental, laban kay G. Antonio Montenegro. Sa
naturang sakdal ay ipinakikilala ang isang gawaing di
mangalanan ni Montenegro, na di lamang pinabayaan
niyang mapatay si Julian Santos sa mga sugat na likha
ng mga paputok ng mga kawal ni G. Montenegro, kungdi
samantalang nakikita nitong may buhay pa si Santos na
nakalugmok na sa lupa, ay di niya tinigilang hatawin
ng palo hanggang sa di makitang magkawaray-waray ang
bangkay. Ang pagsisiyasat na kinakailangang ganapin
upang mapatunayan at maparusahan ang mga nagsigawa ng
kakila-kilabot na katampalasanang ito, ay hindi na
naganap, dahil sa kasunduan sa kapayapaan, na noo'y
mistulang araw nang ninikat sa tugatog ng mga
kabundukan ng San Miguel de Mayumo.
f
Ang psgbabago ng mga pang-unang patakaran.
Nang magtatapus ang Nobyembre, ang asawa ni G.
Pascual Alvarez ay dumating sa Biyak-na-Bato, kasama
si G. Pedro A. Paterno. Dala nito, bukod sa iba't
ibang magagandang balita, ang ilang kabaguhan sa mga
patakarang nasabi na sa unahan. Ang mga naturang
kabaguhan, ay natutungkol sa mga sumusunod na bagay:
Una:
Na ang pamahalaang kastila ay di makapagbibigay
ng hihigit pa sa walungdaang libong piso (P
800,000), halagang ibibigay sa tatlong bahagi at
tatlong taning; apat na raang libo (P 400,000, at
sanhi sa halagang ito, ay kaunti nang
maglabo-labo sina Aguinaldo laban kina Artacho sa
Hongkong, at nangapiit si Isabelo at Primitivo
Artacho ng mahigit sa 1 taon sa lalawigang Kabite)
sa Hongkong kapagkarakang dumating doon ang mga
unang naghihimagsik na ibig magtungo sa ibang
lupa; dalawang daang libo piso (P200,000)
pagkahustong isang libo't limang daan ng mga
armas na naibibigay, at ang kapupunan pang
dalawang-daang libo piso (P 200,000) kung oras
nang ginaganap ang "Te Deum".
Ikalawa:
Tungkol sa pagaalis ng guardiya sibil, sa
pagpapalayas sa mga prayle at sa madaling
pagtatatag sa Filipinas ng pamahalaang autónomo,
ang Gobernador Heneral na kastila ay nangako nang
pasapyaw at malabo. Tungkol naman sa pagpapatawad
na pangkalahatan (amnistia general) at sa
pagpapadala ng mga tao ng Panghihimagsik sa ibang
lupain, si Don Fernando Primo de Rivera ay
pumayag nang walang anomang ipinasok na
pagbabago.
Sa likod ng masuring
pagsisiyasat ng Gabinete (Kapulungang Kagawaran) at
ng Pang-ulong Aguinaldo ang mga kabaguhang ito, ay
pinagtibay na lahat, idinagdag nga lamang, na upang
mapanindigan ng pamahalaang kastila ang kasunduang
ito, ay magpadala ng dalawa sa kanyang mga Henerales
na bilang pinaka-sangla, samantalang ginaganap ni G.
Aguinaldo at mga kasama ang paglalakbay na tungong
Hongkong na hatid ni G. Pedro A. Paterno at ng isang
Koronel na kastila. Si G. Paterno, pagkakita sa mga
namamanaag nang sinag ng kapayapaang kanyang
nilalakad, ay halos lumipad ng pagbabalik sa Maynila
na taglay ang mga kasulatang ayus na ayus.
39. Mga
bagay-bagay at pangyayaring mahalaga sa buwan ng
Disyembre, 1897.
a.
Pagpupulong tungkol sa bayad ng mga armas. Makaisang
linggo mula sa huling alis ni G. Paterno, ay ginanap
ang isang pagpupulong na pinanguluhan ni G. Emilio
Aguinaldo, at sa pulong na yaon ay pinagpasyahang
ihalal na Direktor
ng Komersiyo si G. Isabelo
Artacho, na siyang maghahawak ng buong halagang
ibibigay ng pamahalaang kastila na kabayaran ng mga
sandata ng Panghihimagsik, at ang halagang ito'y
kanyang gagamiting puhunan sa isang pangangalakal na
mapagtutubuang mabuti, at saka ang isang bahagi sa
matutubo, ay iyukol sa pagpapaaral sa ibang lupain ng
kabataang pilipino. Pinagpasyahan din na si
"Vibora" ang pagkatiwalaang gumanap ng
kasunduang nahihingil sa mga sandata hanggang sa
mabuo ang bilang nito na hinihingi ng pamahalaang
kastila.
b. Babahagya pa
halos natatapus ang pagpupulong, nang sa darating si
G. Pedro A. Paterno at ang Koronel ng hukbong
kastilang si Don Miguel Primo de Rivera, na siyang
pinakipagkayarian ni G. Emilio Aguinaldo, na dapat
nilang igayak ang paglakad na magbubuhat sa
Biyak-na-Bató patungong Dapupan sa ika-24 ng
Disyembre, 1897, at mula naman doon ay
magsisipatungong Hongkong. Sa bisa ng kahilingan ng
tinurang Koronel Miguel Primo de Rivera, ay ibinigay
sa kanya ang mga bihag na kurang prayle, isa rito'y
ang kura-paroko sa kabesera ng purok ó distrito ng
Baler. Magiika-10 ng umaga nang ang dalawang ginoong
ito'y magsirating sa Biyak-na-Bato at nagsialis din
nang araw na yaon matapus makapananghali, kasama na
nga ang mga prayleng bihag.
c.
Ang tala o acta ng pulong ng mga matataas na pinuno
sa Hukbong naghihimagsik tungkol sa pagkatanggap sa
Kasunduan ng Kapayapaan. Isang
araw, pagkatapus ng pangyayaring naiyulat na sa
sinundang talataang b, nang kasalukuyang
nagkakatipon ukol sa isang "Consejo de
guerra" laban sa isang Komandante ng hukbong
pilipinong natatanod sa Irurulong, sakop ng purok ng
Baler, bago mapasimulaan ang paglilitis, ay humarap
ang isang utusang padala ng Direktor ng Interyor, G.
Isabelo Artacho, at sa pamamag-itan nito, ay kanyang
pinipigil, sa pangalan ng Pang-ulong Aguinaldo at ng
Gabinete, (Kapulungang Kagawaran), ang anomang
tangkang pagsisiyasat tungkol sa mga gawang
pagkakasala, sapagkat ang kapayapaan ay yari na at
ang "Amnistia" ng pamahalaan ng Republika,
ay naganap na rin at wala nang kulang kungdi
ipamahayag at pairalin; at iminungkahi pa rin sa mga
pinunong nagkakatipon na ang pagkakataong ito'y
kanilang samantalahin, upang makapaglagda ng isang
kasulatang katatalaan ng lubusang pagsang-ayon ng mga
punong militar sa Pang-ulo at sa buong Gabinete sa
kapasyahan ng Pamahalaang pagkakatanggap ng
kapayapaan. Ang tanging pinapakay ng Direktor ng
Interyor, ay magaanan ang Pang-ulong Aguinaldo at ang
Gabinete sa bigat ng buong pananagutan, ukol sa
pagkakatanggap. Pagkatapus ng mahigpit na pagtatalong
itinaguyod ng buong dahas ng Heneral ng Brigadang G.
Mariano Noriel at ng Koronel G. Agapito Bonzon, ay
napagtibay sa ilalim ng maraming boto ang
pagsang-ayon sa nasabing tagubilin ó mungkahi.
Inilagda ang talang nauukol sa pulong at saka
ipinadala pagkatapus sa Heneral ng dibisyong G. Vito
Belarmino, na siyang pangsamantalang nanunupad sa
tangapan ng kagawarang-digma, dahil sa noo'y wala si
G. Emiliano Riego de Dios. Pagkatanggap ni G.
Belarmino sa naturang kasulatan, ay ibinigay niya sa
Pang-ulo, na dahil mandin sa di pagkakaunawa nito sa
nilalaman, ó kaya naman, sanhi marahil sa
paghahangad niyang ang mensahe o kalatas ng Direktor
ng Interyor sa mga Pinuno ng Hukbo, bagay sa
kapayapaan, mapisan na sa kanyang sarili ang buong
kapanagutan, ay kanyang minasama ang ginawi ng mga
naturang pinuno ng hukbo, at galit na galit na
tinanong si "Vibora" ng ganito:- "Sino
ang tumawag ng pulong? Ak6, ang
isinagot ng tinanong. Muling nagsalita si G. Emilio
Aguinaldo:" Ang pulong na iyan ay lihim,"
bagay na sinagot ni Vibora: Hindi matatawag na
gayon, pagkat may inilagdang kasulatan, at dito'y
iniuulat ang lahat ng pinag-usapan sa pulong, at saka
ang tinurang kasulatan ay ipinadala sa kinauukulang
kagawaran, kasulatang nasa sa inyo at kasalukuyan
ninyong hawak." S a ganito'y pumayapa si G.
Aguinaldo na noon di'y umalis at iniwan Si Vibora.
