Himagsikan Ng Mga Pilipino Laban sa Kastila

ni Artemio Ricarte

 

Ikatlong Bahagi

33. — Mga pangyayari nang buwan ng Pebrero, 1897. —

a — Sa loob ng unang kalahatian ng buwang ito, ay kumalat ang balita sa buong lupaing nasasakop na ng Panghihimagsik, na si Heneral Polavieja, na humalili kay Heneral Blanco sa Pamahalaang kastila sa Pilipinas, ay nagtatangkang lumusob ng buong higpit laban sa mga naghihimagsik; sa dahilang ito, ang ating mga kawal ay nagsisipaghanda, nagtatayo ng mga tanggulang makakapal at matataas, gumagawa ng mga hukay at yungib sa lahat ng pook na inaakalang mapaglalagusan ng mga kaaway. Araw-gabi ay nagsisigawang walang likat ang mga taong naghihimagsik sa gayo't ganitong tanggulan, at kasabay nito ay nagsisipagtatag naman ang ilang pinuno ng mga pangkat na mamamanâ; ang mga iba ay ng tinatawag na mga manunumpit, na ang gamit na sandata'y mga tubong kahoy o kaya'y tanso na mangdipang mahigit ang hahaba at matutuwid, mga sandata itong gamit sa pamamaril ó pagtudla ng walang kilatis, at ang iba namang mga pinuno'y nangatawan sa pagbabaon ng mga di pumutok na punlong pampasabog na ibinuga ng mga kanyon ng mga kastila, at saka nagsipaglagay na sa mga tagong lugal na dapat pagdaanan ng mga kaaway, ng mga tinatawag na balatik o balaes, malalaking paigkas o patibong na nakatali sa mga punong kahoy at paharap ang mga pinaka-palaso sa iba't ibang dako, upang umigkas sa bahagyang pagkasaling at ang mga palaso'y pasugod na mabibilis sa magkabi-kabila. Ito ang mga gawaing pinagkaabalahan ng mga naghihimagsik sa loob ng mga unang araw ng Pebrero ng 1897.

b.— Ang Kagawad ng Biyaya at Katarungan ng Pamahalaang Magdiwang, na si G. Mariano Trias Closas. — Sanhi sa pagkakaroon ng sama ng loob kina G. Diego M6jica, Kagawad-Kayamanan; G. Nicolas Portilla, Koronel, at G. Santiago Alvarez, Pang-ulong-Digma, si G. Mariano Trias Closas ay umanib sa Pamahalaang Magdalo at dito'y nagtaglay siya ng tungkuling pagka-Tenyente Heneral. Kasama niyang nagsilipat sa Majdalo ang mga Kapitan Mariano San Gabriel at Julian Montalan, pati mga pangkat na pinamumunuan ng dalawang ito. Ang paglilipatang nasabi, ay nangyari rin sa loob ng unang kalahatian ng Pebrero, 1897.

c.— Pagsalakay ng Heneral na kastilang Polavieja. — Bahagya pa lamang sumisikat ang araw ng ika-16 ng Pebrero, 1897, ay nagsimula na ang mga kakila-kilabot na paputok ng mga kanyon at baril sa mga pangunang tanggulang nasa pag-itan ng Las Piñas at Bakood at gayon din naman sa mga nasa Silang at sa mga nasa pagitan nito at ng Santa Rosa (Laguna de Bay). Ang mga tanod ng himagsikang nasa mga tanggulan sa Bakood na pinamamahalaan ng mga Koronel Pio del Pilar, Mariano Noriel, at Agapito Bonson, na sinamahan pa ng mga kawal nina San Gabriel at Montalan mula sa Nobeleta at ng mga kawal ng Imus sa piling ng Komandante Lucas Camerino at saka ng pangkat ni G. Andres Bonifacio, sa paniminuno ng Heneral ng Brigada G. Lucino, — ay nagsipagtanggol ng pangatawanan, at bagama't maraming mga kawal ang nangasawi, kasama na rito ang Tenyente Heneral Edilberto Evangelista, Kapitan Mariano San Gabriel at Mariano Ramirez at sa mga nagkasugat ng malubha'y kabilang ang mga Heneral G. Mascardo at G. Lucino,—ay di tinulutang makuha ng mga kastila ang kahit isang pitak na maliit ng lupang kinatatalatagan ng mga tanggulan sa Sapote, sa Pintong-bató at sa Tangus. Sa buong maghapon ng ika-16 at 18, ang mga Kastila ay lagi nang nagsipangatawang gumawa ng pagtatangka, sa tulong din ng mga kanyon at pangdigmang-dagat, upang kanilang masalakay at makuha ang baibaitang na mga tanggulang naghihimagsik; ngunit walang nangyari sa kanila at sa gayo'y araw-gahing nanatili ang ating mga kawal sa naturang mga tanggulan hangga noong ika-16 ng Marso, 1897, na ikinapag-iwan nila sa mga naulit nang tanggulan, dahil sa pagkakuha sa Imus noong ika-25 ng mga kastilang nagbuhat sa sunog na bahay-asyenda sa Salitran, na nasa pag-itan ng Dasmnariñas at Imus. Dahil sa pagkakapagtanggol nang buong kabayanihan sa Bakood, ay nangapataas sa pagka-Heneral ng Brigada ang mga Koronel na sila GG. Pio del Pilar at Mariano Noriel, at sa pagka-Komandante naman ang Kapitan Julian Montalan.

d. — Ang mga kawal sa Silang, sa ilalim ng pang-ulo ng Heneral ng Dibisyon G. Vito Belarmino, sa tulong ng mga kawal nang Mendez Nuñes at Amadeo, na pinangunguluhan ng Koronel G. Marcelino Aure (Alapaap), at ang mga kabig ng mga Koronel ng Magdiwang, G. Ambrosio Mojica at isang mestisong alemang nagngangalang G. Hipilito de Alfonso, ay nagsipagtanggol din ng pangatawanan laban sa walang pahingang pagdaluhong ng mga kastila, na pinamumunuan ng Heneral Lachambre, na namuhatan sa Santa Rosa (Laguna de Bay), at pangkat-pangkat na nangabubuwal sa masinsing paputok ng mga naghihimagsik; bagama't ang mga ito ma'y daan-daan din naman kung mabawasan; kabilang sa mga namatay na naghihimagsik sina GG. Esteban Dones at Justo Sotto, kapwa pinuno sa pangkat ng mga kawal sa bayan pinamagatang Katibayan (Buenavista), San Francisco de Malabon sa ilalim ng pangungulo ng Komandante G. Andoy, na nakadalo kapagkaraka sa Silang nang kinabukasan ng nasabing paglusob. Nang maubusan na ng punlo ang mga naghihimagsik, ay nangapilitang umurong nang ikatlong araw na, bagama't sa pag-urong ay nagpapaputok ding walang likat hanggang sa makuha ng mga kastila ng ika-19 ang kabayanan, at pagkapasok dito'y sinunog ang buong bayan, matangi ang simbahan at kombento na siyang tinahanan nila. Napataw sa isang Kapitang nagngangalang Ado ang buong sagutin sa pagkagahis na ito, dahil sa pagkapadala niya sa mga kastila ng mga mapa at ulat ng mga tanggulan ng naghihimagsik, at tuloy pang inisa-isa ang bilang ng mga kawal na doo'y natatanod, saka itinuro pa ang mga dakong mahihina ng mga tanggulan. Dahil sa pagkakasalang ito ay ipinag-utos ng Pamahalaang Magdalo na ipabilanggo si Ado sa piitang naghihimagsik sa Buenavista. Inamin ang pagkakasalang nasabi at siya'y humingingtawad kalakip ang pangangakong magbibigay naman siya sa mga naghihimagsik ng lahat ng ulat at paraan, upang makubkob at mapaalis ang mga kastila sa Silang. Nang ikatlong araw na ng pagkakuha sa Silang ng mga kastila, ay inihanda na ng iba't ibang pulutong ng himagsikan ang pangatawanang pagtutulungan, upang mabawi ang nasamsam na bayang yaon Lumagay ang mga kawal ng Pamahalaang Magdalo sa hilaga (norte) ng kabayanan sa ilalim ng pamamanihala ni G. Emilio Aguinaldo, at ang mga tao ng Magdiwang ay sa dakong kanluran sa paninimuno nila GG. Andres Bonifacio, Mariano Trias Closas, Pascual Alvarez at "Vibora", sa timog (sur) ang mga kawal na pinamumunuan ng Heneral ng Brigadang G. Crisostomo Riel at G. Cristobal Bustamante sa Naik sa ilalim ng pamamahala ng Kagawad-Pagpaunlad ng Pamahalaang Magdiwang, na si G. Emiliano Riego de Dios, at nang nahahanda na ang lahat sa ganitong hanay, ay nagkalabanan ng kinabukasang bagong nagliliwanag at nagkaroon ang magkabilang panig na magkaaway ng maraming bawas. Hindi rin napaalis noon ang kaaway, at si G. Emilio Aguinaldo naman ay patakbong napatungo sa Imus kasama ang lahat niyang kawal ng walang anomang pasabi sa mga natatayo sa kanluran, ni sa mga nasa sa timog, ni yaong sa hilaga. Ang mga ibang pangkat ay nagsiurong na rin kinabukasan at ang natirang mag-isa upang bantayan ang mga kaaway na kastila, ay ang pangkat ng Komandante Montalan. Mula sa pook na pinamamagatang Putik, na pinagpasimulaan ng paglusob sa dakong kanluran, ay nagsitungo sa Imus sina GG. Andres Bonifacio, Mariano Trias Closas, Pascual Alvarez, Nicolas Portilla at "Vibora", upang makipanayam kay G. Emilio Aguinaldo tungkol sa kung ano ang tinatangka niyang gawin sa bayan ng Silang. Matapus ang pagpapanayam, si G. Daniel Tirona, Kagawad-Digma ng Magdalo, ay patagong nag-abot ng mga katibayang pagka-Heneral ng Dibisyon kay Bagong-Buhay at Vibora.

e. — Ang mga kastila, pagkatapus ng ilan pang araw ay nagsialis sa Silang at nagtungo sa Perez Dasmariñas noong ika-27 ng Pebrero, ngunit sila'y hinarang sa daan ng mga naghihimagsik, na bagama't siyang tiyak na mahina, dahil sa laging pananalat ng punlo, ay di nagpapabayang di makipaglaban sa lahat ng sandali at saan mang pook matagpuan ang mga kaaway. Nang mapag-alaman nang tinatangkang makuha ng mga kastila'y ang bayang Perez Dasmariñas, ang Magdalo at Magdiwang, ay nagkaisang maglagay ng maraming taong sandatahan ng mga gulok at may sibat ang iba sa dalawang bahay na batong malalaki sa bayang yaon, upang kung dumating ang kaaway sa gitna ng kabayanan, ay bigla silang dumaluhong sa mga kaaway, at sila'y pagpupuksain sa taga at ulos. Nagsirating nga sa bayan ang mga kastila noong ika-28 ng Pebrero, ngunit sa halip na magsipasok sila sa gitna ng kabayanan ay binakod ito sa mga palagid at saka pinagsisindihan ng apoy ang mga bahay-bahay. Maramdaman ng mga gulukang nangakatago ang sunog na nagbabala, ay nagsilabas sa kanilang kinakukublihan, nguni't sila'y pinasalubungan ng paputok at saksak ng mga bayoneta ng mga kastila. Kakaunti ang nakaligtas sa mga sandatahang yaon na hindi nangamatay. Ilang mga ganting-pagsalakay pa rin ang ginanap ng mga namayan sa pamunuan ng Magdiwang, at ng mga namayan sa Magdalo ang nagsisipanguna, at kung minsa'y ang hukbo ni G. Andres Bonifacio, ngunit ang kahit isa nito'y walang mabuting kinasapitan. Sa mga nasawi sa mga laba-labanang ito, ay kasama ang isa sa mga Heneral ng Magdalo na nagngangalang Yenco, taga Santa Cruz, Maynila, si G. Alipio Dragon o Piorrodas at si G. Esteban Moya, mga pinuno sa pangkat ng Komandante Montalan.

 

f. — Ang mga kawal kastila sa Dasmariñas, makaraan ang ilang araw ng pagpapahinga, ay nagsipatungong Imus, ngunit sila'y sinagupa ng mga naghihimagsik. sa dakong labas pa lamang ng kabayanan. Nagsiurong ang mga kaaway at nagsihimpil sa sunog na bahay-asyenda sa Salitran, pag-itan ng Perez Dasmariñas at Imus. Pinagtibay ng mga kastila ang kanilang kalagayan doon at sa gayo'y araw-gabing may nangyayaring pagpuputukan sa kanila at sa mga naghihimagsik; pinangatawanan ng ating mga kawal na mapaalis doon ang mga kastila, bagama't ang mga ito'y nagsusumikap din namang makalusot sa hanay ng mga naghihimagsik sa tangkang makuha ang Imus. Sa isa sa mga sandaliang pagpuputukang ito, ang Heneral Zabala, na siyang namuno sa pangkat na nakakuha sa Perez Dasmariñas, ay napitas. Napatangi sa mga labanang ito sina GG. Crispulo Aguinaldo, Lucas Camerino at ang Kapitan Antero Riel, taga-Maragundong, kaya silang tatlo'y nangapataas sa pagka-Tenyente Heneral, Koronel at Komandante. Sa mga naturang saglitang paglalabanan at pagtatanggol sa mga paligid-ligid ng Salitran, na tumagal hangga noong ika-25 ng Marso, 1897, ay madalas mapipilan ang mga kawal ng paghihimagsik, at sa isa nito'y napatay ang Tenyente Heneral Crispulo Aguinaldo. Noon ding umaga ng ika-25 ay nakuha ng mga kastila ang bayan ng Imus, nang kasalukuyang nagpupulong ang matataas na pinuno ng himagsikan, kasama na pati si G. Emilio Aguinaldo, ng Magdalo, sa kombento ng Santa Kruz ng Malabon, gaya ng matutunghayan sa ibang dako ng talang ito.

34. —Mga bagay-bagay na nangyari sa buwan ng Marso ng 1897. —

a — Samantalang pahigpit nang pahigpit ang mga pagpapanagpo sa Bakood, sa Salitran at Nobeleta noong mga unang araw ng buwang ito, at nang mapansin ng mga pinuno ng Sangguniyang Magdiwang na ang Pamahalang Magdalong di na gagaano ang kanyang tinitiis na pagkasupil, kayat ang nalalabi na lamang kanyang pinamamanihalaang lupaing sakop, ay ang Cavite el Viejo, Bakood at Imus sa hilaga, — ang Pamahalaang Magdiwang ay pinaanyayahan ang lahat ng mga pinunong naghihimagsik sa sakop niya, upang magdaos ng pagpupulong at mapag-usapan ang pagtatanggol na dapat gawin sa lupang nasasaklaw ng Magdiwang, at ang pook na itinadhanang pagdarausan ng pulong, ay ang bahay-asyenda ng Teheros (San Francisco de Malabon). Sa araw at oras na natatakda sa paanyaya ng pulong, na nilagdaan ni G. Jacinto Lumbreras (Kagawad ng Estado, pangsamantalang Pangulo ng Magdiwang, dahil sa may sakit si G. Mainam), ay nagsidalo ang maraming mga pinuno ng Magdiwang; ngunit dahil sa isang kapansanang ibinunga ng paglalabanan sa Salitran, Molino at Presa (Imus), ay itinakdang sa araw na susunod, ay ganapin ang pagpupulong sa bahay ring yaon at sa oras ding natatakda.

Mga unang oras pa lamang ng kinabukasan na ipagdaraos ng pulong, ay napuno na ng mga tao ang bahay-asyenda ng Teheros, hindi lamang sa mga pinunong kaanib ng Magdiwang, kundi pa naman sa maraming taga-Magdalo, kahimat hindi sila inanyayahan. Sa mga pang-unang pinuno ng Magdiwang na nagsidalo, bukod sa Ktt. Pang-ulo ng Katipunan, ay kabilang ang mga ginoong sumusunod:

Mariano Alvarez, Pascual Alvarez, Santiago Alvarez, Luciano San Miguel, Mariano Trias Closas, Severino de las Alas, Santos Nocon, at iba pa; at sa nga kaanib ng Magdalo naman, ay kabilang sina GG. Baldomero Aguinaldo, Daniel Tirona, Cayetano Topacio at Antonio Montenegro at iba pang mga ginoo.

Pagkabukas ng pulong na pinangunguluhan ni G. Jacinto Lumbreras, na siyang, sa maiksing pananalita'y, nagpatalastas sa lahat ng sanhi ng pagpupulong, si G. Severino de las Alas ay huminging-tulot na makapagsalita, at pagkabigay sa kanya ng pahintulot, ay nagsabi, na bago mag-usap ng tungkol sa pagtatanggol sa isang maliit na lupain ng lalawigang Kabite, ay dapat munang pag-usapan ang uring pamahalaang dapat pairalin sa Kapuluan sa loob ng kasalukuyang kalagayang yaon, at sa pamahalaang ito, anya, ay maaaring manggaling ang lahat ng ibigin at kailanganing pagtatanggol.

Siya ay sinagot ng Pang-ulo sa pulong, na ang Kapuluan ay may Pamahalaan na, mula pa sa pagkakatatag ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ng Ktt. Sanggunian nito, ng mga Sangguniang Lalawigan, at ng mga Sangguniang-Bayan. At saka inulit noon din ng Pang-nlo ang pagpapaalala ng dahilan ng pagpupulong na isang bagay na tutoong mahalaga sa mga gayong sandaling panganib. Si G. Andres Bonifacio sa kapahintulutan ng Pang-ulo, ay nagsalita at pinatunayan niya ang unang ipinahayag ni G. Lumbreras hinggil sa pamahalaang sa kasalukuya'y umiiral na sa Kapuluan; at ipinaliwanag tuloy niya ang kahulugan ng K na nakalagay sa gitna ng araw na bagong sumisikat sa Watawat, na "Kalayaan" ang ibig sabihin, ayon sa nasasaad sa ulat ng Bandila ng Panghihimagsik.

Si G. Severino de las Alas ay muling nagsalita at anya: Na ang titik "K" sa bandila at ang bandila na ring iyan, ay di maaring magpakilala kung anong uring pamahalaan ang umiiral sa kasalukuyang panghihimagsik, na anopat hindi masabi kung "Monarquico" o maka-hari o kung "Republikano" kaya naman (makabayan). Ipinakli ni G. Andres Bonifacio na ang mga Katipunan mula sa Ktt. Parng-ulo ng Mataas na Sanggunian hanggang sa kababa-babaan, ay ganap na kumikilala sa mga simulaing ito:— Pagkakaisa, Pagkakapatiran at Pagkakapantay-pantay; at sang-ayon dito'y mapagkikilalang maliwanag na ang Pamahalaan ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ay hubog republikano ó makabayan.

Tumayo si G Antonio Montenegro at siya namang nagsalita ng pagkatig sa palagay ni G. De las Alas, at sa isang tinig na di pangkaraniwan, ay sinabi ang ganito: Kung di natin pagpasyahan dito ang kahilingan ni G. De las Alas, tayong lahat na mga naghihimagsik, ay mapapatulad sa isang hamak na pangkat lamang ng mga tulisan ó kaya'y masahol pa rito, ó kaparis lamang tayo ng mga hayop na walang mga katuwiran.

Dahil sa mga huling pananalitang ito ni G. Antonio Montenegro, ay nasugatan ang damdamin ni G. Santiago Alvarez, na noon di'y tumayo at sa mahahayap na tingin kay Montenegro, ay nagsabi— "Kaming mga naghihimagsik dito sa Kabite, lalung-lalo na kaming napapailalim sa Pamahalaang Magdiwang, ay kumikilala't sumusunod sa Pamahalaang itinatag ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan. At kung ibig ninyong magpairal ng ibang uring pamahalaan sa inyong sariling pag-isip, ay umowi kayo sa inyong sariling lalawigan at agawin sa kapangyarihang kastila, gaya rin ng amin nang ginawa hanggang sa sandaling ito; at kung magkakagayo'y gawin ninyo ang bala ninyong maibigang gawin at walang sinomang manghihimasok sa inyo. Kaming mga taga-Kabite ay di nangangailangan at di mangangailangan kailan pa man ng isang tagapagturong kabikas lamang ninyo".

Nagabulahaw ang madla, pagkat ang mga kawal na taliba ni G. Santiago Alvarez na nasa tabi noon ng hagdanan, ay nagpakilala ng isang anyong mabalasik at handang paputukan ang mga nasaloob ng pagpupulong. Itininding ang pulong ng walang kaayus-ayus; ngunit pagkaraan ng isang oras, at nang mapayapa na ang mga simbuyo ng loob ng mga kapanig ni G. Santiago Alvarez at ni G. Antonio Montenegro, ay binuksan muli ang pagpupulong na noon ay pinanguluhan na ni G. Andres Bonifacio, dahil naman sa ganitong sinabi ni G. Jacinto Lumbreras:— Na, sapagkat nahihinggil sa isang bagay na labas na labas sa paanyaya ng pulong, at natutukoy sa pagtatatag ng isang Pamahalaang Pangkalahatan ng Panghihimagsik, ay hindi ko dapat panguluhan ang pagpapatuloy ng pulong. Sa gayon ay pasigaw na hiningi ng lahat na panguluhan ni G. Andres Bonifacio ang pulong, sa bisa ng kanyang pagka-Pang-ulo ng Ktt. Sanggunian ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na siyang nagbunsod sa bayang Pilipino sa kasalukuyang kalagayan; kaya si G. Bonifacio nga ang nangulo at si "Vibora" naman ang nanungkulang maging Kalihim ng pagpupulong.

Nang muling magkaayus ang madla, ay binuksan ni G. Andres Bonifacio ang pulong, na nagsabing:—

"Yamang ninanasa ninyong magtatag ng isang Mataas na Pamahalaang makapamatnugot sa Himagsikan, at alisin na ang Pamahalaang itinatag ng Katipunan at ang pinagkayarian sa Kapulungan sa Imus (talang 31 at 32), ako, — sa aking pagka-Pang-ulo ng Ktt. Sanggunian nang Katipunan,— ay pumapahinuhod sa inyong wastong kahilingan; datapwat dapat munang anyayahan ko kayo na tayong lahat ay kunmilala sa isang simulaing mapagbabatayan ng ating mga pasya sa pulong na ito, ó sa iba man, at ang nasabing simulain ay itong sumusnod:— Na, ating igalang at sundin ang pasya ng nakararami". Sa bagay na ito ay nagkaisa ang lahat na sumang-ayon.

Ipinasya at ipinahayag noon sa gitna ng paulit-ulit at masigabong sigawan ang:— REPUBLIKA NG PILIPINAS. At pagdaka'y isinunod ang paghahalal ng mga taong hahawak sa Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas, ng mga sumusunod na tungkulin:

1— Pang-ulo, 2— Pangalawang Pang-ulo, 3— Kapitan Heneral, 4— Direktor de Guerra, 5— Direktor ng Pangloob (Interior), 6—Direktor de Estado, 7— Director ng Pangangalakal, 8— Direktor de Hacienda, 9— Direktor de Fomento at 10—Direktor de Justicia.

Bago pasimulaan ang pagbobotohan, si G. Andres Bonifacio, ay nagpaalaala sa mga manghahalal na kumakatawan noon sa iba't ibang lalawigan ng Kupuluan, na ang lumabas na mahalal sa dami ng boto, ay siyang igagalang at susundin, maging anoman ang kanyang kalagayan sa loob ng kapisanan at maging gaano man ang naabot na taas ng pinag-aralan; na anopa't kahit siya'y maging tagapaglinis ng palikuran o pugunero, bagay na pasigaw na sinang-ayunan ng madla. Ipinamudmod ang mga papeleta, at pagkaraan ng isang oras ay ginanap ang pagbilang ng mga boto, at lumabas na nakaraming halal sa pagka-Pang-ulo ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas, ay si G. Emilio Aguinaldo, laban kay G. Andres Bonifacio at G. Mariano Trias. Ipinamahayag ang nahalal sa pamamag-itan ng mga palakpakan at sigawang "Mabuhay!"

Noon din ay ginanap ang paghahalal ng Pangalawang Pang-ulo. Si G. Severino de Alas ay nagsalita, na yamang si G. Andres Bonifacio ang pumangalawa sa nahalal sa dami ng mga botong tinamo, ay dapat na siya na ang ipamahayag na Pangalawang Pang-tulo (Vice-Presidente) ng Republika. Wala ni sinoman sa nagkakatipon na nagsalitang sangayon ni laban sa mungkahi ni G. de las Alas; kaya ang Pang-ulo ng pagpupulong, ay nagpasyang ganapin ang pagbobotohan, na, pagkatapus isagawa, ay nagtamo ng maraming boto si G. Mariano Trias Closas, laban kay G. Andres Bonifacio, kay G. Severino de las Alas at G. Mariano Alvarez.

Isinunod noon din ang paghahalal ng Kapitan Heneral at ang nagtamo ng maraming boto, ay ang Kalihim ng pagpupulong na si "Vibora", laban kay G. Santiago Alvarez. Ang Kalihim ng pagpupulong ay tumindig at tumutol laban sa pagkahalal sa kanya na ang sabi:— "Ako, ang higit sa lahlat, ay nakakaalam ng abot ng aking kaya at tunguhin; ang tungkuling marangal na ipinagkaloob sa akin ng kapulungang ito, ay hindi naaangkop sa dahop kong lakas, pagkat isang tungkuling napakarangal sa ganang akin; ngunit hindi ko makakaya; sa dahilang ito ay ipinamamanhik ko sa kapulungang, huwag masamaing gawin ko rito, ang magalang kong pagtanggi". Mga sigaw na masigabo noon ang narinig na di nagpapahalaga sa pagtutol at pagbibitiw, at sa gayo'y inanyayahan ng Pang-ulo ang lahat sa kaayusan, na ang sabi:- "Gumagabi na at kailangang ipagpatuloy natin ang paghahalal ukol sa ibang mga tungkulin. Isang tinig noon ang namungkahi at ito'y pinagtibay naman, na, upang mapaiksi ang pagbobotohan, ay ipag-utos na lumagay sa isang tabi o gawi ang kumakatig sa isang tao, ukol sa gayong tungkulin, at sa isa namang tabi o panig ang sang-ayon sa isa namang kandidato. Sa pamag-itan ng paraang ito, ay pinagbotohan ang tungkuling Direktor de Guerra, at ang lumabas na nagtamo ng lalong maraming boto, ay si G. Emiliano Riego de Dios, laban kina GG. Ariston Villanueva, Daniel Tirona at Santiago Alvarez. Pagkatapus maipamahayag at. mapapurihan si G. Emiliano Riego de Dios, na naging Kagawad sa Pagpapaunlad ng Pamahalaang Magdiwang, ay ipinagpatuloy ang paghahalal sa pagpili ng Direktor del Interior ó Pangloob sa pamag-itan ng gayon ding kaparaanan. Dito'y lumabas at nagtamo ng lalong maraming boto si G. Andres Bonifacio, laban kina GG. Mariano Alvarez at Pascual Alvarez.

Sa gitna ng magiting na sigawang "Mabuhay!" na pagpaparangal kay G. Bonifacio, si G. Daniel Tirona'y humingi ng katahimikan at nagsalita ng ganito: — "Mga kababayan: — Ang tungkuling pagka-Direktor del Interior ay halos kasinglaki rin nang sa Pangulo ó Presidente; kaya't ang Kagawarang iya'y di dapat pamanihalaan ng isang taong di nag-aangkin ng isang katibayan ng pagka-abogado. Mayroon tayo dito sa ating lalawigang isang abogadong may sadyang katibayan, at ito'y si G. Jose del Rosario: dapat nga tayong tumutol laban sa nahalal at pinapurihan", at (sa pamag-itan ng salitang isinisigaw niya ng buong lakas) ay sinabing: "ihalal natin si G. Jose del Rosario, abogadong Kabitenyo!"

Sa pagkasugat ng damndamin ni G. Bonifacio, ito ay tumindig at nagsalita ng ganito: —

Hindi ba natin pinagkayariang igagalang ang boto ng nakararami, maging anoman ang uri ng kalagayan sa kapisanan ng taong napahalal? Pagkasabi nito'y hiningi kay G. Daniel Tirona na bawiin nito ang lahat niyang ipinahayag, at bigyan ang kapulungan ng isang kasyahang-loob tungkol sa kanyang sinalitang nakasisirang puri sa nahalal; ngunit dahilan sa si G. Tirona'y nagtangkang magpawala-wala sa karamihan ng tao, at ipinagwalang-bahala ang hinihingi ni G. Andres Bonifacio, binunot nito ang kanyang rebolber, upang paputukan si Tirona, subalit naagapan ng kalihim ng mesa na pigilin ang kanyang kamay (ang kay G. Bonifacio), kung kaya ang nangyari'y naowi na lamang sa gayon. Sa dahilang ang madla ay nag-aalisan na noon, si G. Andres Bonifacio ay nagsalitang malakas ng ganito:— "Ako, sa aking pagka-Pang-ulo ng kapulungang ito, at sa pagka-Pang-ulo rin naman ng Ktt. Sanggunian ng Katipunan, na di nalilingid sa labat, ay ipinahahayag kong lansag na ang kapulungang ito at pinawawalaan ng kabuluhan ang lahat ng sa loob niya'y pinagkayarian at pinagpasyahan". At siya'y umalis din naman, na sinusundan ng kanyang mga kabig.

Si G. Baldomero Aguinaldo, Pang-ulo sa Sangguniang lalawigang Magdalo, bago siya umalis sa bahay-asyenda ng Teheros nang gabi ring iyon, ay nilakad niya kay "Vibora" upang ang pagpupulong ay maipagpatuloy kinabukasan. Pagkatapus ng usapan nilang ito, at sa pangangakong ang mga taga-Magdalo ay magsisidalo ring muli, ay nagsialis si G. Baldomero Aguinaldo na kasama ng kanyang mga tao at si "Vibora" na kasama naman ng mga iba pa.

Nang kinabukasan at sa bahay ding yaon, ay nagkatipon sina GG. Andres Bonifacio, Mariano Alvarez, Diego Mojica, Ariston Villanueva, Jacinto Lumbreras, Pascual Alvarez, P. Manuel P. Trias (kura paroko sa San Francisco de Malabon), Luciano San Miguel, Santiago Alvarez, Nicolas Portilla, Santos Nocon at iba pang marami, na pinaanyayaban ni "Vibora", di lamang sa nasang magawa ang pagkakasundo-sundo ng lahat, kundi pa naman upang mapasimulaan at maipagpatuloy muli ang nagulong pagpupulong nang araw na sinundan. Lahat sila'y nagsipaghintay sa bahay-asyenda sa Teheros sa pagdating ng mga kagawad at kaanib ng Pamahalaang Magdalo hanggang ika-5 ng hapon; ngunit dahil sa di pagdating ng sinoman sa mga ito hanggang sa oras na yaon, ay nagkahiwa-hiwalay na rin ang mnga pinaanyayahan ni "Vibora".

b — Nang ika-6 ng hapon ng araw ding yaon, si "Vibora" ay inanyayahan ng mga taga Magdalong nagkakatipon sa kombento ng Santa Cruz ng Malabon. Ang inanyayahan ay dumalo at nang nasa kombento na siya, ay patagong nakihalo sa karamihang naglisaw sa iba't ibang silid ng kombento, lalung-lalo na sa bulwagan, na kinalalagyan, sa gitna, ng isang "crucifijo" na napapaligiran ng mga kandilang nagdidingas at sa harap ng tinurang krusipiho ay may tatlong magagandang unang-luluhuran. Sa gayo'y nabatid ni "Vibora", sa lahat niyang nakikita at naririnig, ang dahil ng sa kanya'y ipinag-anyaya, kung kaya lalo na siyang nagtago noon sa karamihang tao. Nang mangainip na ang mga pinunong nagkatipon sa di pagdating ni "Vibora" sapagkat nakaalas-8 na, si G. Emilio Aguinaldo at si G. Mariano Trias Closas, na tinatalibaan ni G. Daniel Tirona, ni G. Severino de las Alas, ng kura paroko at ng mga iba pa, ay nagsilabas mula sa isang silid at nagsipatungo sa bulwagan. Si G. Emilio Aguinaldo at si Mariano Trias Closas ay nagsiluhod sa dalawang nakahandang unang luluhuran sa harap ng krusipiho at binayaan ang isang unang walang nakaluhod. At ang dalawa'y sumumpa at nagsitanggap ng tungkuling ikinahalal nila nang sinundang araw.

 

Si "Vibora", matapus ang magkalahating oras, ay nagtangkang umalis na patago rin, upang huwag maino ang kanyang pagkaparoon sa kombento; ngunit nang siya'y nasa hagdanan na, ay nakita ng ilang nakakikilala sa kanya, isa sa kanila'y si G. Jacinto Pulido, Pang-ulo noon sa Sangguniang-bayan ng Santa Cruz ng Malabon, na siyang humawak sa bisig ni "Vibora" at ipinasok ito sa silid na kinalalagyan nina GG. Emilio Aguinaldo, Mariano Trias at kanilang mga kabalangay. Aug pagpasok ni "Vibora" ay sinalubong ng masisigabong sigawang "Mabuhay!", at nang nasa piling na si "Vibora" ni G. Emilio Aguinaldo, ay pinipilit nitong sumumpa at tumanggap ng tungkulnig ikinahalal niya nang sinundang araw, sa pamamag-itan ng maraming pangangatuwiran; ngunit si "Vibora" nagpakatanggi-tanggi at ang sabi na "ang gayong napakaagap na gawain, ay magiging sanhi ng malalaking samaan ng loob sa mga naghihimagsik, pagkat siya na rin ang naging saksi ng lahat ng mga nangyari sa pagpupulong sa Teheros". Sa gitna ng mainit na pakikipagtalo ni "Vibora" kay G. Emilio Aguilnaldo at sa iba pang tao nito, si G. Daniel Tirona, ay nakisagot at ang wika: "Pabayaan na natin si "Vibora", pagkat napagkikilalang siya'y may napangakuang ibang tao"; bagay na ikinapoot ni "Vibora" at pinaklihan ng ganito: "Ako ay nakapangakong bawiin ang kalayaan ng Pilipinas, ngunit hindi ako kaparis mo at ng mga iba pang nangaritong nangakong maglingkod sa isang tao ó sa mga taong pawang taga-isang lalawigan lamang ng kapuluan". Ang pagtangging iyon ni "Vibora" sa pagsumpa, ay ipinagmatigas niya ng buong dahas hanggang sa hatinggabi, bagama't sa huli, upang siya'y makalayo na lamang sa pulutong na yaon, ay pumayag din, ngunit sa ilalim ng isang kasunduang tanggapin aug kanyang pagbibitiw pagkatapus niyang makapanumpa; at sa gayo'y sumumpa nga siya sa gitna ng lahat at sa harap ng isang krusipihong nasabi na. Pagkaraan nito'y umalis sa kombento si "Vibora" at iniwan silang walang tigil sa pagpupulong na tumagal hangga noong ika-25 ng Marso, 1897, na kanilang ipinagkahiwalay, dahil lamang sa pagkakuha ng mga kastila sa bayan ng Imus, at sa pagkapatay sa Tenyente Heneral G. Crispulo Aguinaldo, matandang kapatid ni G. Emilio, gaya na naging nayulat na sa unahan. Isang pangyayaring dapat banggitin ang napansin, samantalang sina G. Aguinaldo at kasama, ay nagsisipagpumilit na si "Vibora'y" papaniwalaing mahalaga at mabisa ang sumpa niya, ukol sa ipagkakabisa ng kanyang mga ginagawa at mga gagawin pa. Ang naturang pangyayari ay di iba't ang pagdating sa kombento ni Koronel Esteban San Juan at Komandante Julian Montalan ng Magdiwang. Ang dalawang ito ay pumasok sa kombento, na may anyong handang-handa sa paglaban, at pagkaraka'y nagsituloy sa itaas, bagama't gayon na lamang kahigpit ang pagpapatanod sa mga bantay na kawal sa pinto ng kombento, na sa hagdana'y huwag magpapanhik ng sinomang taga Magdiwang, lalung-lalo na kung may mga armas. Ang dalawang pinunong nasabi, ay nagsipatungo sa kombento sa tangkang umabuloy kay "Vibora" sakaling kailangan, dahil sa balitang kumalat na si "Vibora" ay ibinilanggo. Nang malansag ang pagpupulong na ito, na karapatdapat tawaging "Kapulungang kabitenyong maka-Aguinaldo sa Santa Cruz de Malabon", ay pinagkaisahan ng mga nagpulong na ibalitang walang naging bisa ang lahat ng ginawa at pinagpasyahan sa naturang pulong, sa pag-aakalang sa paraaang ito'y masasawata ang mainit na simbuyong laban sa kanila'y naghahari sa loob ng marami.

Ika-apat Bahagi

Bumalik sa Unang Pahina