A blot on the bright side.
HOME PHOTOS ARTICLES LINKS SITEMAP CONTACT ME

Sa Ngalan ng Urbanidad


By Mikas Aleya Matsuzawa

UP sa ika-isangdaan. Markado ang kasalukuyang taon sa kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas, ngayon ang selebrasyon ng sentenaryo nito, ngunit sa gitna ng makukulay na mga pagdiriwang at mga planong pang-kaunlaran sa unibersidad ay kailangang suriin kung para kanino ba dapat nagsisilbi ang pamantasan ng bayan.

Sa mga parokyano ng mga jeep na may berdeng bubong palabas ng unibersidad, ay pamilyar na ang mga tanawin na araw-araw ay tumatambad sa kanila habang binabagtas ang kahabaan ng Philcoa. Una ay ang naglalakihang mga gusali ng ipinagmamalaking North S&T (science and technology), mga malapit ng matapos na mga gusali ng call center, at ang sumunod ay ang gibang mga tahanan at mga kabuhayan ng mga mamamayan sa barangay OCS (Old Capitol Site).

Metro Guwapo

“Bilang isang namumuno, masakit man sa aking kalooban ay hindi ako maaaring makiiyak sa mahihirap, sapagkat kung bulag sa luha ang aking mga mata, sino pa ang aakay sa kanila?”
- Secretary Bayani Fernando

Ika-9 ng Marso, Linggo, araw ng pahinga, isang araw na inilalaan para sa pagkakasama ng pamilya, ngunit pagpatak ng alas-tres itinakda ang araw na ito para alisan ng tirahan ang maraming pamilya. Isang biglaang demolisyon ang kinaharap ng ilang mga residente sa baranggay Old Capitol Site (OCS), gaano man kalayo ang mga ito sa sakop ng road widening na proyekto ng MMDA (Metro Manila Development Authority).

“Tinatanong namin sa kanila, kung bakit pati kami ay idedemolish pero ang sinasabi ay may nag-request daw na pati kami ay isama” pahayag ni nanay Jocelyn Solayman, residente ng naturang baranggay.

Ngunit ang lahat ng hakbangin laban sa maralita ay planado na, ang demolisyon ay pinagpasiyahan na. At ang bawat galaw ay inihahakbang sa kumpas ng himno ng sentenaryo ng UP at ng Metro Guwapo, Tao Ganado ng MMDA tungo sa isang “dekalidad na pamayanan”.

Gabi ng Marso 4, habang ang ilang mga estudyante ay naghihintay sa resulta ng eleksyon para sa mga tatanghaling mga kasapi ng tinaguriang centennial council ay naghahanda naman ang mga manininda sa may palengke ng OCS at maging mga residente nito para harapin ang banta ng demolisyon.

Sa bawat hiyaw at palakpak ng mga iskolar ng bayan sa tuwing madadagdagan ng isang linya ang napipintong kandidato ay kaba at kawalan naman ang hinaharap ng taga-komunidad. Matapos ang bilangan ay unti-unting nawala na ang mga estudyante sa Vinzons Hall, kung saan naganap ang bilangan, ang ilan ay umuwi at nagdiwang habang ang iba ay tumugon sa panawagan at nagtungo sa piling ng mamamayan.

Isang mainit na Miyerkules, ika-5 ng Marso. Tanghali na at ang sinag ng araw ay nakatutok sa eksena, mamamayan, iskolar ng bayan, MMDA. Isang iglap ay naging marahas ang eksena, may napukpok, may namumukpok, may nanunulak at may mga natulak. Matapos ang eksena nagbunyi ang MMDA, isang tagumpay, nakamtan ang urbanidad.

Proyektong Kalsada

Ang komunidad ng OCS ay hindi hiwalay sa marami pang komunidad na idedemolish sa lungsod ng Quezon. Ang lahat ng mga hakbangin na ito ay para sa pagpapalapad ng kalsada na nagdudugtong sa North Luzon Expressway at sa South Luzon Expressway at mas kilala bilang kalsada ng C-5.

Mayroong pang pitong prayoridad na proyektong kalsada si Gng. Arroyo at ang mga ito ay pawang sa Metro Manila. Ninanais kasi ng naturang proyekto na magkaroon ng modernong tren na mag-uugnay sa timog at hilagang bahagi ng Pilipinas. Sa kasalukuyan ay 80, 000 na pamilya na ang naalisan ng tirahan na kung mayroong 6 na miyembro sa bawat pamilya ay aabot sa 480, 000 na indibidwal na nawalan ng batayang karapatan sa tirahan sa north at south rail pa lamang.

Mula sa daang libo na nawalan ng tirahan ay 9, 000 lamang ang nabigyan ng relokasyon na kalunus-lunos ang kalagayan at hindi maitatawag na komunidad. Ang distansya ng relokasyon sa Metro Manila ay aabot sa 40 na kilometro, lubhang malayo mula sa eskuwelahan at kabuhayan ng mga mamamayan.

“You don’t relocate the people dahil yung source of livelihood nila hindi naisasama. Dapat hindi lang relokasyon kundi resettlement [kung saan ay] ililipat mo ang lahat, yung esensya ng komunidad” pahayag ni Propesor Oscar Ferrer ng Community Development.

Kung maaalala natin sa pahayag ni G. Jun Lozada, sinabi niya na 20% ng pondo ng proyekto ay napupunta lamang sa bulsa ng iilang opisyal. Ang C-5 road project ay nagkakahalaga ng mahighit P 12.7M, kung isasama pa ang lahat ng mga naging maanomalyang proyekto sa kasalukuyang administrasyon kagaya ng fertilizer scam at NBN-ZTE deal ay tiyak na matutuganan na nito ang tatlong primaryang karapatan ng mga maralitang taga-lungsod: tirahan, trabaho, social services (kagaya ng sa kalusugan at edukasyon).

Ibig sabihin lamang nito na malaking suliranin ng bayan ang hindi hinaharap ng gobyerno. At ang masaklap pa dito ay ang perang ginamit sa pagpapatupad ng naturang mga programa ay inutang pa sa ibang bansa. Samantala ang mga karagdagang mga pondo ay mula sa mga pribadong namumuhunan na mga kompanya kapalit ang kontrata sa paggawa ng kalsada at 25 taon na prangkisa at pangangasiwa sa toll gate, kabilang sa mga kompanyang ito ang First Philippine Lopez Group of Companies na nagmamay-ari ng First Philippine Infrastracture development Corporation.

“Nademolish na tayo, tayo pa magbabayad sa utang, tayo pa magbabayad sa kalsada,” pahayag ni GABRIELA Women’s Partylist Representative Liza Maza.

Next Page
Back to Articles.