A blot on the bright side.
HOME PHOTOS ARTICLES LINKS SITEMAP CONTACT ME

Sa Ngalan ng Urbanidad cont'd

North Science and Technology Park

“Ang science and technology ay dapat nagsisilbi sa mamamayan” ito ang umaalingawngaw na panawagan ng mga kabataan mula sa hanay ng AGHAM youth.

Isa ang S&T Park sa ipinagdiriwang na tagumpay ng kasalukuyang pamunuan ng UP. Isang umanong malaking hakbang upang makatulong sa pang-akademikong kalinangan ngunit, isa pa rin katanungan ang kawastuhan ng pagtatayo ng mga call center sa loob ng akademikong espasyo ng unibersidad.

“Walang kapakinabangan [ang unibersidad], kasi hinayaan nila ang Ayala na makinabang [sa proyekto], kaya kailangan ang safety measures para mamonitor natin [ang proyektong ito],” wika ni Propesor Ferrer.

Ang naturang proyekto ay dapat sanang magsisilbing showroom ng mga proyektong nakatuon sa siyensya at teknolohiya na taliwas sa kasalukuyang sitwasyon na ang naturang mga inobasyon ng mga Pilipino ay shelved. Sa ganitong paraan ay malalaman kung aling teknolohiya ang pauunlarin at pagtutuunan ng pansin sa kapakinabangan ng mamamayan.

“Ang purpose lang naman [ng S&T Park] ay ang makita mo iyong theory na isinalin sa practice, i-convert [yung konsepto] sa [aktuwal na] refrigeration o automotive. [Hindi gaya ng sa ngayon] wala tayong pakinabang, malalapastangan lang assets natin,” dagdag ni Propesor Ferrer.

UP bilang Pamantasan ng Bayan

UP sa sang[an]daan. Ngayon, sa sentenaryo ng unibersidad ay nahaharap ito sa sangangdaan. Kaninong interes ba dapat na tumutugon ang Unibersidad ng Pilipinas? Sino ang dapat na pinaglilingkuran ng mga iskolar ng bayan? Sa sentenaryo ng Unibersidad paano nito ipagpapatuloy ang makabayan nitong oryentasyon.

Hindi na nga natatago ang oryentasyon at retorika ng pag-unlad sa kasalukuyang panahon ng globalisasyon. Hindi na maikakaila ng administrasyon ni Gng. Arroyo maging ng kay UP President Emerlinda Roman ang tunguhin ng mga proyektong pangkaunlaran.

Paano nga ba ipaiintindi sa masa na ito ay para sa kaunlaran ng Pilipinas kung maging sila ay hindi bahagi ng kaunlaran na ito. Tinatabunan lamang ng mga imahen ng kaunlaran ang tunay na mga isyu ng mamamayan. Dahilan dito ang demolisyon sa tirahan ng mga maralita maging ang paglabag sa kanilang mga batayang karapatan ay pinagmumukhang legal samantalang ang karahasan ng estado na siya mismong nagsadlak sa kanila sa kahirapan ay binibigyang hustisya.

“Wala silang awa, lalo nila kaming pinapahirapan, para sa kanila mga sakim sila kaunlaran sa kanila, para sa aming mahihirap hindi [ito] kaunlaran kung hindi kahirapan,” wika ni Nanay Jocelyn sabay tingin sa pinagtagpi-tagping kahoy at plastik na nagsilbing panandaliang tahanan ng kanyang pamilya. Pagdating ng Semana Santa ay nakatakda na ang pagpapaalis sa kanila sa pansamantalang tulugan nila dahil gagamitin daw iyon sa pabasa ng barangay.

Ngunit, hindi naman tutol ang mamamayan sa pag-unlad, “walang masama sa pag-unlad kung mamamayan mismo ang nakikinabang dito,” pahayag ni Kuya Sandy Verano ng Save RIPADA Movement.

Sa sangangdaan ay kinakailangan na pumanig ng mga bahagi ng UP community, mga guro, manggagawa, estudyante, kailangan nang magpasya ng mamamayan. Maaaring bagtasin ang retorika ng kasalukuyang administrasyon at isiping pawang mga kriminal nga ang mga maralitang masa o tahakin ang landas upang itaguyod at kilalanin na maralita man ay may demokratikong karapatan. Maaaring suungin ang laot ng kawalan ng pakialam o piliing iaalay ang galing sa bayan. Nasa kasalukuyang henerasyon na ng mga kabataan, maging sa mga iskolar ng bayan, ang pagpili ng landas na tatahakin: kung ipagpapatuloy ba nila ang diwa ng demokrasya na pamana ng mga ninuno o bibiguin ang handog na ito. Kung sila ba ay magsisilbi sa mamamayan o magsasawalang bahala na lamang hangga’t hindi pa sila ang direktang inalisan ang karapatan. Sa huli ang mamamayan ang makapagpapasya na gumising at tumindig para sa pagtataguyod ng demokrasya.

Previous Page
Back to Articles.