March 6, 2008
Sa Ngalan ng Urbanidad
ni Mikas Matsuzawa
UP sa ika-isangdaan. Markado ang kasalukuyang taon sa kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas, ngayon ang selebrasyon ng sentenaryo nito, ngunit sa gitna ng makukulay na mga pagdiriwang at mga planong pang-kaunlaran sa unibersidad ay kailangang suriin kung para kanino ba dapat nagsisilbi ang pamantasan ng bayan.
Sa mga parokyano ng mga jeep na may berdeng bubong palabas ng unibersidad, ay pamilyar na ang mga tanawin na araw-araw ay tumatambad sa kanila habang binabagtas ang kahabaan ng Philcoa. Una ay ang naglalakihang mga gusali ng ipinagmamalaking North S&T (science and technology), mga malapit ng matapos na mga gusali ng call center, at ang sumunod ay ang gibang mga tahanan at mga kabuhayan ng mga mamamayan sa barangay OCS (Old Capitol Site).
Metro Guwapo
“Bilang isang namumuno, masakit man sa aking kalooban ay hindi ako maaaring makiiyak sa mahihirap, sapagkat kung bulag sa luha ang aking mga mata, sino pa ang aakay sa kanila?”
--Secretary Bayani Fernando
Ika-9 ng Marso, Linggo, araw ng pahinga, isang araw na inilalaan para sa pagkakasama ng pamilya, ngunit pagpatak ng alas-tres itinakda ang araw na ito para alisan ng tirahan ang maraming pamilya. Isang biglaang demolisyon ang kinaharap ng ilang mga residente sa baranggay Old Capitol Site (OCS), gaano man kalayo ang mga ito sa sakop ng road widening na proyekto ng MMDA (Metro Manila Development Authority).
“Tinatanong namin sa kanila, kung bakit pati kami ay idedemolish pero ang sinasabi ay may nag-request daw na pati kami ay isama” pahayag ni nanay Jocelyn Solayman, residente ng naturang baranggay.
Ngunit ang lahat ng hakbangin laban sa maralita ay planado na, ang demolisyon ay pinagpasiyahan na. At ang bawat galaw ay inihahakbang sa kumpas ng himno ng sentenaryo ng UP at ng Metro Guwapo, Tao Ganado ng MMDA tungo sa isang “dekalidad na pamayanan.”
Gabi ng Marso 4, habang ang ilang mga estudyante ay naghihintay sa resulta ng eleksyon para sa mga tatanghaling mga kasapi ng tinaguriang centennial council ay naghahanda naman ang mga manininda sa may palengke ng OCS at maging mga residente nito para harapin ang banta ng demolisyon.
Sa bawat hiyaw at palakpak ng mga iskolar ng bayan sa tuwing madadagdagan ng isang linya ang napipintong kandidato ay kaba at kawalan naman ang hinaharap ng taga-komunidad. Matapos ang bilangan ay unti-unting nawala na ang mga estudyante sa Vinzons Hall, kung saan naganap ang bilangan, ang ilan ay umuwi at nagdiwang habang ang iba ay tumugon sa panawagan at nagtungo sa piling ng mamamayan.
Isang mainit na Miyerkules, ika-5 ng Marso. Tanghali na at ang sinag ng araw ay nakatutok sa eksena, mamamayan, iskolar ng bayan, MMDA. Isang iglap ay naging marahas ang eksena, may napukpok, may namumukpok, may nanunulak at may mga natulak. Matapos ang eksena nagbunyi ang MMDA, isang tagumpay, nakamtan ang urbanidad.
To be continued...
|