Click here to go back to the opening page.

home
articles
journal

photos

site map

links

guestbook

webmaster


Will somebody teach the kids please? (Journalism 109)

CD Difference (Journalism 109)

Baptizing typhoons (Creative Writing 140)

Ang pelikula bilang aklat pangkasaysayan... (Journalism 199)

elvin's works*

Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?
Ang Pelikula bilang aklat pangkasaysayan sa panahon ng globalisasyon sa kulturang popular

Uso. Marahil isa ito sa mga makakapangyarihang salita na makapaglalarawan sa anumang anyo ng midya na tinatangkilik ng mga tao sa isang partikular na panahon. Magkakaiba ang haba ng panahon ng pagiging popular ng anumang nauuso. Maaaring ang pagtangkilik sa isang bagay ay maging isang penomeno na nagtatagal ng ilang taon. Subalit kadalasan, ang mga usong ito ay unti-unting nawawala, nakakalimutan at napapalitan. Ang pinakamasaklap na maaaring mangyari, ang itinuturing na uso sa mga panahon na ito ay maaaring maging katawa-tawa o kakutya-kutya sa mga sumusunod na henerasyon.

Subalit isa lamang ang sigurado. Hindi maitatanggi ang impluwensiya ng globalisasyon sa pagtatakda ng kung ano ang uso at kung ano ang laos. Sa panahon ng CNN, ESPN, MTV at Hollywood, sino ang makapagtatatwang pati ang ating lokal na kulturang popular ay nasakop na rin ng kanluraning (o maka-Amerikang) pag-iisip.

At napag-uusapan na rin lamang ang Hollywood, hindi ba't nagiging pamantayan na rin ito ng ilang mga tao kung ano ba ang pelikulang karapat-dapat na pagkagastusan ng apatnapu hanggang Isangdaang piso? Kalimitan, sinasabing mahusay ang pagkakagawa ng isang lokal na pelikula kapag ito ay nahahawig sa pelikulang Hollywood. Kapag mas-kopya (mula tema, setting, karakter at istorya), mas pinupuri. Sabi nga nila, "Ayos! Hindi nalalayo sa english movie. Parang foreign film ang dating!"

Ang pelikulang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon ay lokal na lokal ang dating. Kung noong 1976, kung kailan unang ipinalabas ang pelikula, ay laganap na ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga bagay na mas mukhang imported kaysa lokal, marahil hindi kumita ang pelikulang ito.

Ang pelikulang ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Eddie Romero. Pangunahing tauhan dito si Christopher de Leon na gumaganap bilang Kulas. Si Kulas ay isang binatang taga-probinsiya na biglang nag-iba ang kapalaran ng masalubong niya ang isang paring kastila na nakatakas mula sa mga tulisan. Inutusan siya ng nasabing pari na hanapin ang kaniyang (ng pari) anak. Sa kaniyang paghahanap at pagdadala sa bata sa Maynila nag-umpisa ang pakikipagsapalaran ni Kulas sa mga realidad ng buhay. Naranasan niya ang napakaraming panlilinlang (dahil sa kaniyang kamangmangan), kawalan ng pagkapantay-pantay at pang-aabuso ng mga makapangyarihan sa lipunan.

Ang pelikulang Ganito Kami Noon Paano Kayo Ngayon ay hindi lamang isang naratibong purong kathang-isip. Ang pelikula ay nakabatay sa isang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang kuwento ni Kulas ay umiikot sa mga panahon ng rebolusyon laban sa mga kastila noong 1896 hanggang sa pagdating ng mga Amerikano noong 1899. Bahagi ng pelikula, bukod sa isang batayang kuwento (ang buhay nga ni Kulas) ang mga pangyayari sa kasaysayang naging hudyat sa pagkakabuo sa isip ng mal-edukadong si Kulas ng tunay niyang pagkatao bilang isang Pilipino. Nabuo sa isip niya ang kaniyang pagka-Pilipino sa mga panahong ang pagkakaroon ng sariling katauhan ay nasusukat ng iyong yaman o kaya'y estado sa lipunan.

Sa ganitong anyo ng pelikula, maaaring sabihin na ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon ay isang mayamang anyo ng masmidya. Sinasabing ang mga anyo ng masmidya ay nararapat magbigay ng aliw, impormasyon at edukasyon. Kung ang isang pangkaraniwang pelikula ay nakabatay ang layunin ng pagkakagawa sa kaniyang tungkuling magbigay-aliw, kakaiba ang Ganito.

Isang aklat pangkasaysayan ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon. Sa pamamagitan ng anyong pelikula, ang isang paksang mabigat para sa karamihan ay napapagaan. Ang pagtatanghal ng isang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagiging backdrop sa kuwentong pag-ibig at katatawanan ni Kulas ay malinaw na isang hakbang sa pagpopopularisa sa mga bahagi ng kasaysayan na paulit-ulit nang nailimbag sa mga tradisyunal na aklat pampaaralan.

Ang hakbanging ito ay isang kaakit-akit na pamamaraan upang mailapit sa masa ang mga usaping hindi naman nila normal na pinag-uusapan sa kanto o kaya sa mga poso kung saan sila naglalaba. Bihira, kundi man hindi pinagtutuunan ng pansin ng mga kalalakihan sa sabungan o kaya ng mga tindera sa palengke ang usapin ng kasaysayan at nasyonalismo.

Sa kasaysayan naman ng pelikulang Pilipino, hindi lamang minsan ginamit ang midyum ng pinilakang tabing bilang isang pamamaraan ng pagkukuwento ng kasaysayan sa nakararami. Lalo na sa mga panahong ito, hindi naman kasi intelektuwal at pangmayaman ang imahe ng pelikula bilang libangan. Sa pamamagitan ng pelikula, inaasahan ng mga tauhan sa likod ng isang pelikula na maihatid sa mga mamamayan ang kasaysayan sa higit na interesanteng pamamaraan.

Halimbawa na lamang, ang dalawang pinakaunang pelikulang nilikha sa Pilipinas ay parehong ukol sa bayaning si Dr Jose Rizal. Ang bersiyon ni Edward Gross noong 1912 ay naglarawan ng buhay ni Rizal mula pagkabata hanggang sa kaniyang pagkamatay sa Bagumbayan. Tanging ang pagkamatay naman ni Rizal sa ekseyusyon nito ang naging pokus ng bersyon ni Albert Yeasley, noong taon ring iyon.

Sa kontemporaryong pelikulang Pilipino, patuloy pa rin ang impluwensiya ng kasaysayan bilang isang mayamang bangko ng konsepto sa paglikha ng isang pelikula.

Subalit kahit na ang mga pelikulang ito ay masasabing mga pinopularisang bersyon ng kasaysayan ng Pilipinas, di pa rin ito naging ganap na kaakit-akit sa mga manonood na Pilipino. Ang paksa ng kasaysayan at nasyonalismo sa mga pelikula ay tinitingnan pa rin ng mga tumatangkilik sa pelikula bilang isang "isinapelikulang libro" (ang libro, o paaralan ay iniiwasan ng karamihan kung kaya't naghahanap nga sila ng paglilibangan), na masyadong mabigat at masyadong seryoso.

Ganito ang nangyari sa mga pelikulang tulad ng Sakay, at Tirad Pass na kung hindi ipanood sa mga mag-aaral ng kanilang mga guro sa kasaysayan ay hindi mamamalayan na mayroon palang mga pelikulang tulad nila.

Ang ibang pelikulang pangkasaysayan naman ay gumamit ng ibang taktika upang lubusang maipopularisa at mailapit ito sa panlasa ng masa. Matatandaang ganito ang ginawa ng Damong Ligaw, ang pelikulang halaw sa nobelang Kangkong 1896. Magugunitang ang pelikulang ito ay lumabas noong mga panahong ang tanging kumikita lamang sa mga sinehan ay ang mga pelikulang bomba noong sukdulan ng kasikatan ni Rosanna Roces bilang isang bold star. Hindi binigyang-diin ng promosyon ng pelikula ang pagiging makasaysayan nito. Bagkus, ang lumabas sa mga poster ng Damong Ligaw ay ang magkayakap at halos magkahalikang mga larawan ng mga bidang sina Romnick sarmienta at Beth Tamayo. Maituturing na hindi naman napag-iwanan ang pelikulang ito kung kita ang pag-uusapan, gayong ang mga kasabayan nito ay ang mga pelikula sa Seiko nina Priscilla Almeda.

Lumalabas na hindi sapat para sa isang katha na nais ipopularisa na isalin ito sa isang popular na midyum. Hindi sapat na upang mailapit ang usapin ng kasaysayan at nasyonalismo sa mga masa ay gagamitin mo lamang ang pormat na popular tulad ng komiks at pelikula. Nararapat na hindi mo lamang ihain sa kanila ang iyong mensahe. Kung maaari, pulutin mo ang kutsara at subuan ang iyong manonood.

Bakit ito kinakailangan? Subalit sa panahon ngayon, mahigpit na ang kumpetisyon ng mga anyo ng masmidya para sa atensiyon ng mga manonood. Hindi sapat na maging kapansin-pansin. Dapat pa ring magpapansin.

Lalo na ngayong ang kulturang popular ay nababalot na ng globalisasyon. Ninanais na tanggalin ng globalisasyon ang pagkakaiba-iba ng bawat bansa sa daigdig. Minimithi nito na gawing isang siyudad na lamang ang buong mundo.

Binubura ng globalisasyon ang identidad ng bawat lahi, samakatuwid, ang konsepto mismo ng mga lahi ay ibinabasura. Subalit hindi maitatanggi na sa pagnanais na gamitin ang isang identidad, may isang lahi ang mangingibabawa sa buong mundo.

Isang hamon sa pelikula ngayon ang pagkawala ng tatak nito bilang isang pilipinong anyo ng midya. Kung tutuusin, marupok na ang konsepto ng Pilipino bilang lahi sa ating mga pelikula. Kung ikukumpara sa ibang bansa, mahahalata mo kung ang napapanood mo ay pelikulang mula sa India o bansang Arabo. Napupuno na ng mga artistang tisoy at tisay na tumatalakay sa mga temang kanluranin. Ang mga naratibong pangpelikula at telebisyon ay nagmumukhang bersiyon ng mga bagay na napanood na sa banyagang midya.

Malakas ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa pelikulang banyaga, partikular ang Amerikano, bahagi marahil ng colonial mentality. Madalas nauuwi sa paghanga ang nasabing pagtangkilik sa mga pelikula.

Kung ang pagpopopularisa ng mga materyal ay nangangahulugang pag-aangkop ng mga ito sa panlasa ng mga manonood, nangangahulugan bang ang pagpopopularisa ay pagsunod sa mainstream na kultura - na kalimitan ay maka-kanluran? Isang hamon ngayon sa mga gumagawa ng pelikula ang makagawa ng pelikulang may Pinoy na Pinoy na tema at panlasa (tulad ng kasaysayan at nasyonalismo) na tatangkilikin ng mga manonood na hinahanap-hanap ang pormulang Amerikano.

Back to top

elvinelvinelvin
The most comprehensive unofficial elvin fan site on the web.

© 2002 Nevil Lacunio
Quezon City, Philippines
elvinelvinelvin is a birdworks website.