diwata


ano ang pumapasok sa ating isipan tuwing nababanggit ang salitang diwata? marahil ang nasa imahen natin ay isang gandang kahali-halina, isang yaman na pinakakaingatan na nais nating angkinin at itago sa mundo ng sa gayon ay walang ibang makaangkin.


marahil ang unang pumasok na imahen sa isip natin ay isang babae.


ang babae sa lipunan ay may dobleng krus na pasanin, una dahil siya ay babae sa lipunang pyudal-patriyarkal at ikalawa dahil sa kinahaharap niyang kaapihan sa uri.


kung susuriin sa kasaysayan ay may napakahalagang papel na ginampanan ang kababaihan sa lipunang pilipino. bago pa man dumating ang mga kolonisador sa ating bayan ay nariyan na ang mga kababaihang babaylan na kinikilala sa larangan ng medisina at politika. nariyan din ang patunay na ang mga kababaihan noon ay kalahok sa moda ng produksyon at kalakalan, kahit pa binansagan na primitibo komunal ang naturang panahon. ngunit, ito ay nagbago ng damitan ng mga kolonyalista ang mga kababaihan ng kanilang kaisipan at maging ang bayan ay binalutan ng sistemang pyudal.


mula sa sistemang pyudal din umusbong ang patriyarkiya. at dahilan dito ay pinanatiling sa tahanan at kusina ang domeyn ng babae sa lipunan. maging ang ating kultura ay namanipula para magsilbi sa interes ng iilang nakikinabang sa kasalukuyang sistema.


para sa mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema ang huwarang babae ay isang diwata nasusukat ang halaga sa ganda, sa pagiging masunurin, pagiging martir, pananatiling kimi, patuloy na komodipikasyon


para sa kilusang mapagpalaya dapat ng baguhin ang imahen ng babae bilang diwata. ang diwata ay hindi na babaeng nakahahalina, sapagkat ang halina niya ay kinupas na ng ilang taong kaapihan. higit sa pagiging babae ang kaapihan niya.


kaapihan sa tahanan, taas ng matrikula sa eskuwela, kontraktwalisasyon sa trabaho, pornograpiya sa midya, kawalan ng sakahan.


sa mukha ng babae ay di na kaamuhan ng diwata ang makikita dahil sawa na siyang maging maamo. sa mukha niya ngayon ay may panghihimagsik na. hindi na lamang sapat ang liberal na kalayaang inihahandog ng lipunan sapagkat ang nais niya ay tunay na pagpapalaya sa sarili at lipunan.


ang nagtala


si mikas ay isang estudyante ng peryodismo sa unibersidad ng pilipinas diliman. siya ay nasa ikatlong taon na ngayon sa unibersidad at miyembro ng isang militanteng kilusan ng kababaihan.


bakit tagatala?


sa kasalukuyan na panahon ng patent at copyright ang empasis ay sa pribadong at indibidwal na pagmamay-ari. ito rin ang siyang moda ng kapitalismo ang pagpapahalaga sa pribadong pagmamay-ari na winawala ang esensya ng kolektibo. ang pagtatala at hindi awtoring (authoring) ay isa na ring porma ng paglalahad ng mga isyu na may konkretong batayan sa lipunan. sa pamamagitan nito ay kinikilala din ang pagiging bahagi ng indibidwal sa kolektibo.





tinala ni Mikas Matsuzawa ang DIWATA 2008
pambungad | tahanan | anawnsment | artikels | piktyurs | kontak